Dedication Day ng Parokya ni San Jose Esposo ni Maria, Matagumpay na Idinaos!
20 November 2015
 
atagumpay at masayang idinaos ang Dedication Day ng Parokya ni San Jose Esposo ni Maria noong ika-25 ng Setyembre, 2015 sa Barangay Dos, Gasan, Marinduque.
Ang Dedication o ang Pagtatalaga ng Simbahan ay kabilang sa tinatawag na 4-in-1 Celebration ng nasabing Parokya. Kasama din sa pagdiriwang na ito ang Dispedida Party para kina Reb. Padre Eulogio L. Mangui, Lingkod Pari at Reb. Padre Arvin Anthony J. Madla, Katuwang Lingkod Pari gayun din ang Vienvenida Party para kina Reb. Padre Renato M. Sapungan at Reb. Padre Rodolfo D. Arias, Jr. at isinabay na rin dito ang Parish Unity Day.
Sinimulan ang pagdiriwang sa isang Banal na Misa na pinangunahan ng Lubhang Kagalang-galang Marcelino Antonio M. Maralit, Jr., Obispo ng Diyosesis ng Boac kasama ang Lubhang Kagalang-galang Reynaldo G. Evangelista, Obispo ng Diyosesis ng Imus at buong kaparian ng Diyosesis ng Boac. Dumalo rin dito ang ibat-ibang Samahang Banal ng Simbahan gayun din ang komunidad na nasasakupan ng parokya at mga bisita mula sa ibat-ibang parokya.
Nabalot ng kasiyahan at pag-asa ang buong Parokya ng simulan ang Banal na Misa at Pagtatalaga na sinabayan pa ng mala-anghel na tinig ng koro at mayroon ding confetti na bumagsak mula sa himpapawid na naghudyat na ganap na naitalaga ang Simbahan.
Pagkatapos ng Banal na Misa at Pagtatalaga, nagtungo ang lahat sa Gasan Multi-purpose Covered Court upang ipagdiwang naman ang iba pang mga gawain kabilang na ang Dispedida at Vienvenida Party saka ang Parish Unity Day.
Kabilang sa hanay ng programa ay ang Dispedida Party para kina Reb. Padre Eulogio L. Mangui at Reb. Padre Arvin Anthony J. Madla bilang pasasalamat sa walang sawang paglilingkod at pagpapayabong ng pananampalatayang Kristiyano sa Parokya ni San Jose Esposo ni Maria. Mainit na pagtanggap naman ang sumalubong bilang Vienvenida Party sa dalawang bagong na-destinong pari na sina Reb. Padre Renato M. Sapungan at Reb. Padre Rodolfo D. Arias, Jr. Samantalang sina G. Lancel Guevara at Gng. Maridel Lincallo naman ang naging tagapagpadaloy ng nasabing programa.
Binigyan din ng pagkakataong makapagsalita ang PPC President na si Dr. Celso Z. Guevara, Jr. at Mayor Victoria L. Lim upang magbigay ng mensahe ng pasasalamat at pagbati. Tampok din dito ang mga pampasiglang bilang o presentasyon mula sa ibat-ibang Samahang Banal na mas lalo pang nagbigay kulay at kasiyahan sa bawat isa.
Isinabay na rin sa gawain ang taunang Parish Unity Day na naglalayon na mas patatagin pa ang samahan ng lahat ng mga Lingkod ng Simbahan. Gerico Sapunto

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Boac dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Boac.
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN