Taon ng mga Pari at Taon ng Kamahal-Mahalang Puso ni Hesus at Kalinis-linisang Puso ni Maria
08 June 2009
 
Simula noong Hunyo 19, 2009 ay inilunsad ng Santo Papa Benedicto XVI ang Taon ng Mga Pari upang hikayatin pa lalo ang mga pari tungo sa kaganapang espiritwal (in order to encourage the striving for spiritual perfection of priests) na kung saan nakasalalay ang kanilang epektibong paglilingkod sa sambayanan. Ito rin ay upang gunitain ang ika-150 Anibersaryo ng Kamatayan ni San Juan Maria Vianney, ang Patron ng Lahat ng mga Pari sa Agosto 4, 2009.

Bago pa man idineklara ng Santo Papa ang Taon ng Mga Pari ay napagdesisyunan na ng Kapulungan ng Mga Obispo sa Pilipinas o Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) noong Enero na ang Hunyo 2009 hanggang Hunyo 2010 ay ideklarang Taon ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus at Kalinis-linisang Puso ni Maria para sa pagtataguyod ng kapayapaan (peace-building) sa buong bansa at paghikayat sa mga layko na kumilos para sa panlipunang pagbabago (social transformation).

Inilunsad natin sa ating diyosesis ang mga pagdiriwang na ito na dinaluhan ng mga pari, mga madre, at mga mananampalataya mula sa 14 na parokya noong Hunyo 20, 2009. Ilan sa mga gawain na bunga ng paglulunsad na iyon ay ang araw-araw na pananalangin para sa lahat ng mga pari at ang pagpapalaganap pa lalo ng debosyon sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus at Kalinis-linisang Puso ni Maria sa mga parokya para sa pagbabago ng buong bansa.

Bilang inyong Obispo, inaasahan ko po ang inyong pakikiisa sa napakamabiyayang taon na ito. Inaasahan ko rin po na lalo pang magiging marami ang kasapi ng Samahan ni San Juan Maria Viananey sa ating mga parokya na patuloy na magdarasal para sa kabanalan ng kaparian at magbibigay din ng pinasyal na suporta sa mga pari ayon sa kabukasan ng kalooban. Akoy naniniwala na magiging isang malaking pagdiriwang ang Kapistahan ni San Juan Maria Vianney sa mga parokya, mga Katolikong paaralan at lalo pa ang pandiyosesis na pagtitipon sa Parokya ni San Jose, Manggagawa sa Napo, Sta. Cruz sa unang Linggo ng Agosto.

Sa kabilang dako naman ng pagdiriwang ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus at Kalinis-linisang Puso ni Maria, para sa panlipunang pagbabago ng ating bansa, sama-sama tayong kikilos, magdarasal, at magiging saksi o halimbawa sa pagmamalasakit sa bayan. Habang papalapit ang ating bansa sa Halalan sa Mayo 2010, marapat lamang na lalo tayong manalangin sapagkat alam natin na ang tunay na pagbabago ng ating bansa ay mangyayari lamang sa tulong at biyaya ng Diyos. Parang sadyang pinagtagpo ng Diyos ang Taon ng mga Pari at ang Taon ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus at Kalinis-linisang Puso ni Maria upang ipaalaala sa mga Obispo at mga pari na pangunahan ang sambayanan sa buong bansa sa pagtataguyod ng kapayapaan at pagpapanibago ng ating lipunan.

Isang napakalaking responsibilidad ang hinaharap nating lahat dahil napakaraming isyu ang dapat nating harapin. Bukod pa sa lumalalang kahirapan ng ating lipunan, nandiyan pa rin ang graft and corruption sa ibat-ibang ahensya ng ating pamahalaan. Nandiyan pa rin ang luma at maling kaisipan ng ating mga politico na mamili ng boto sa panahon ng halalan kaya hindi malinis ang eleksiyon. Nandiyan pa rin ang paghingi ng kung anu-anong pabuya ng mga botante sa mga kandidato sa panahon ng halalan. Ang lalong nakakabahala ay dumarami sa ating mga kababayan ang nawawalan na ng tiwala sa pamahalaan. Napakarami na ring mga Pilipino na pinanghihinaan ng loob na maaiiayos pa ang ating lipunan. Sa lahat ng isyung ito, lalong inaasahan na ang lahat ng mga Obispo at pari ang maging saksi o tagapanguna sa pagbabago, sa pagbibigay ng pag-asa sa mga tao, at pagpapanibago ng pananampalataya sa Diyos.

Harinawang ang sama-sama nating pagdarasal at pagkilos sa darating na mga buwan ay pagpalain ng Diyos.

Ipinaaabot ko po sa inyong lahat ang bendisyon ng Poong Maykapal.

 
   
 
 
 
 
 
 
Diocese of Boac dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Boac.
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN