Sapat na Supply ng Kuryente sa Marinduque, Panawagan ng mga Mamamayan sa Kinauukulan
20 August 2011
 
Nakaranas tayo simula pa noong Hulyo sa taong kasalukuyan ng malimit na brownout sa ating diyosesis. Ilan lamang oras sa araw o sa gabi ang may kuryente sa iba't-ibang lugar. Sobra ang dinanas na hirap natin sa ilang linggong walang kuryente sa ating tahanan, paaralan, opisina at maging sa mga lugar na pinaghahanapbuhayan ng maraming mamamayan. May mga ina ng tahanan na nagkukuwento sa akin na halos wala silang tulog kapag brownout sa gabi dahil pinapaypayan nila ang mga bata para makatulog. May mga estudyante na gumigising sa hatinggabi o madaling araw para lang maggawa ng assignment o mag-print sa computer kapag nagkaroon na ng kuryente. Daing ang maraming mga may tindahan at opisina sa laki ng gastos nila sa krudo o gasolina para magpaandar ng generator kapag brownout. Marami pang kuwento at karanasan ng hirap ng buhay ang naranasan natin nitong nakaraang mga linggo na palagi na lang brownout.

Ang tanong ng mamamayan ay 'Bakit ba tayo nagkaganito?' Sino ba ang may kagagawan ng lahat ng kakulangan sa kuryente para sa lalawigan. Iba't-ibang paliwanag ang aking natanggap. Sadya raw kulang ang krudo para sa mga generators ng National Power Corporation (Napocor) sa islang probinsiya gaya ng Marinduque na ang nagsu-supply ng kuryente ay Small Power Utility Group (SPUG). Ito raw ay bunga ng pinaliit na budget para sa Napocor ngayong 2011. May nagsasabi naman na napakalaki raw ng utang ng Marinduque Electric Cooperative, Inc. (MARELCO) na lampas nang isang daang milyon sa Napocor kaya di mabigyan ng sapat na supply ng kuryente ang probinsya. Mayroon din namang nagsasabi na ito ay bunga ng pumalpak na kontrata sa privatization of power generation at breach of contract ng Independent Power Producer na dapat ay nagsu-supply na ng kuryente ngayon sa lalawigan. Sa ibat-ibang paliwanag na ito, lumalabas na dapat pag-aralan nang husto at kumprehensibo ang lumalalang problema sa kuryente sa buong Marinduque. Hindi dapat ikatwiran ng sinumang nanunungkulan na ituro ang kung anu-anong dahilan para sa napakaseryosong problemang ito!

Nakakalungkot na nagkaroon na ng Energy Summit na dinaluhan ng iba't-ibang sector ng lalawigan, ng National Electrification Administration, National Power Corporation at Marinduque Electric Cooperative, Inc., halos dalawa nang taon ang nakararaan para solusyonan ang problemang ito pero walang naging kongkretong bunga ang Energy Summit na iyon. Nakakalungkot na lumipas ang maraming buwan pero hindi tunay na nabigyang-pansin ng mga nasa katungkulan ang lumalalang problemang ito. Hindi ito kayang solusyonan ng ordinaryong mamamayan. Hindi ito ang nakaatang na responsibilidad para sa Simbahan pero dahil sa ang epekto nga ng problemang ito ay sumasaklaw sa lahat ng nasa lalawigan pati na ang mga parokya, kaya naman nagpapahayag ako sampu ng kaparian ng Diyosesis ng Boac ng pagkalungkot at pagkabahala sa problemang ito.

Sa diwa ng tunay na pagmamalasakit at pagtataguyod ng pangkalahatang kabutihan o common good na itinuturo ng Simbahan, nananawagan ako na inyong Obispo sa lahat ng kinauukulan lalo na ang nasa pamahalaan na hanapan na ng tunay na solusyon ang kalagayang ito ng power supply ng lalawigan. Naniniwala ako na sa mahinahong pagtatalakayan at matalas na mga kaisipan ng Marinduqueño, makakamtan ang kalutasan sa problemang ito. Sinasabi sa dokumento ng Simbahan Mater et Magistra na sinulat ni Blessed John XXIII -- 'The common good involves all members of society, no one is exempt from cooperating, according to each one's possibilities, in attaining it and developing it.' (MM, 421)

Ipinagdadasal ko po sa Diyos kasama ng buong kaparian, mga relihiyosa, at mga mananampalataya na matagpuan na sa darating na mga araw ang solusyon sa kakulangan ng kuryente sa ating lalawigan. Nais ng Diyos na magkaroon tayo ng buhay, isang buhay na ganap at kasiya-siya (tingnan Juan 10:10)

Pagpalain nawa tayo ng Diyos!

 
   
 
 
 
 
 
 
Diocese of Boac dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Boac.
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN