Diocese of Boac

Marinduque, Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pag-ibig at Kapayapaan

SIMBAHAN NG MGA DUKHA

Kasalukuyang Sitwasyon ng Karukhaan

Napakarami ang mga dukha sa Pilipinas. Ayon sa National Statistics Office para sa taong 2002 sa mga lugal na agrikultural labas ng National Capital Region P395.63 ang kita ng nasa poverty line para sa isang pamilya ng anim at sa mga di-agrikultural ay P416.25. . Tina-tayang 71.9% ang mga pamilyang nabubuhay sa ilalim ng tinatatawag n a poverty line.

Nangangahulugan ito na may mahigit sa tatlumpu’t isang milyon at tatlong daang libo katao sa ating bansa na ang mga batayan o pangunahing pangangailangan sa pagkain, damit, tirahan, kalusugan, edukasyon at matatag na hanapbuhay ay hindi natutugunan. Kaya naman nangangahulugan ito na silang nakararami sa ating pamayanan ay hindi nakadaramdam ng kasiyahan sa kanilang buhay. Manapa’y ang kanilang nadarama’y di-pagkapalagay, pagkadiskontento at pagkadesmayado sa kanilang kalagayan. Wala silang katiyakan sa kanilang buhay dahil magkabi-kabila ay mga krimen, at mga panganib sa kanilang pagkatao, buhay at pagaari. Naghahari sa kanilang puso ang pagkagalit at di na paniniwala sa mga nasa kapangyarihan dala ng kanilang lantarang ipinakikitang kawalan ng integridad, katapatan at kakayahan sa katungkulan. Patuloy naman ang pagkasira at pagkawala ng biodiversity ng sangnilikha ng Diyos at ng kalikasang pangsuporta sa buhay.

Ang Marinduque ay munting larawan ng kabuuang bansa. Sapat nang igala ang ating mga paningin sa ating paligid at makausap ang ilan nitong mamamayan sa alinman sa anim na mga bayan nito para mapatunayan na ang mga sinasabi natin sa tungkol sa buong bansa ay siya ring nangyayari sa ating lalawigan humigit kumulang.

Ang Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas

Noong ika-20 ng Enero hanggang ika-17 ng Pebrero 1991 isang pangyayari na may napakalaking kahalagahan para sa Simbahang Katolika sa Pilipinas ang ginanap sa San Carlos Pastoral Formation Complex sa Guadalupe, Makati, Metro Manila. Ang pangyayaring ito ay ang tinatawag na Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas (PCP-II sa madaling salita para sa Second Plenary Council of the Philippines).Ang layunin nito ay tugunan ang ating mahigpit na pangangailangan sa pagpapanibagong buhay ng Sim-bahan at pagpapanibago ng ating Katolikong pananampalataya (“revitalization of the Church and renewal of the Catholic faith”.2 Noon pang 1953 ginanap ang Unang Kon-silyo Plenaryo ng Pilipinas at napakarami at napakalaki na ang mga pagbabagong naga-ganap sa sambayanang Pilipino at ating sambayanang kristiyano o sa Iglesya Katolika dito sa.ating bansa.

Isang pangyayaring di malimot-limot ng mga dumalo ang pagbasa sa kapulungan ng bahagi ng dokumento ng konsilyo plenaryo na may pamagat na:”Envisioning a Renewed Church” o “Ang Pangarap ng Isang Pinanibagong Simbahan” Itinala ni Obispo Bacani sa kanyang aklat, “Towards The Third Millenium – The PCP-II Vision” na isang mama-hayag ang sumulat na marami ang may luha sa mata habang binabasa ang seksyong iyon. Isang dumalo ang narinig na nagsabi pagkaraan ng pagbasa nito na:”Ito ang hina-hanap ko!” Ang pagbasa ay panaka-nakang napuputol ng mga palakpakan lalo na sa mga bahaging tumutukoy sa Simbahan bilang isang Sambayanan ng mga Mananampalataya at Simbahan ng mga Dukha.

Bilang isa sa mga delegado ng ating diyosesis natandaan ko na halos isang linggo na lamang at magtatapos na ang konsilyo at sa dinami-rami ng mga sinabi sa konsilyo ay di pa rin matukoy ng mga delegado ang partikular na ulos na magbibigay ng katuturan sa konsilyo, na magbibigay ng kahalagahan sa simbahan sa partikular na kalagayang hinaharap ng ating bansa. Naala-ala ko na may himig ng eksasperasyon ang tinig ng Pangulo ng Konsilyo Plenaryo, si Arsobispo Leonardo Legaspi nang tanungin niya ang mga delegado kung paano namin nais maala-ala ng mga tao ang Ikalawang Konsilyo Plenaryo. Para bang niliwanagan ng Espiritu Santo ang aming mga isip para natukoy namin sa puntong iyon na ang dapat pagbuhusan ng atensiyon ng Simbahan sa Pilipinas ang pagiging Simbahan ng mga Dukha sa mga darating na panahon.

Ang Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas nga ay naging isang milestone at turning point sa kasaysayan ng Simbahang Katoliko ng Pilipinas. Bagamat huli na, tinatawagan ng PCP_II ang buong Simbahang Katoliko sa Pilipinas na sumama sa agos ng pagpa-panibago na itinakda ng Ikalawang Konsilyo Batikano para sa buong Simbahang Kato-liko sa buong mundo noong 1965.

Ang pariralang “Simbahan ng mga Dukha” ay unang ginamit ni Papa Juan XXIII sa kanyang pambungad na talumpati sa mga dumalo sa Ikalawang Konsilyo Batikano noong 1962. Ito naman ay unang ginamit ng mga Obispo sa Asia sa makasaysayang Unang Pagpupulong nila sa Maynila noong 1970. Hanggang ito ang naging punong mensahe ng Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas ng Simbahang Katolika noong 1991.

Kaya naman noong ika-22-25 ng Nobyembre 1993 sa Diocesan Planning Assembly na tinawag ng nasirang Obispo Rafael M. Lim upang magtaya at muling balangkasin ang pandiyosesis na plano pastoral na binuo sa Marinduque State College noong 1990 ang pinagkaisahang bagong pormulasyon ng Pananaw ng diyosesis ay “Marinduque, Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pagibig at Kapayapaan.”

Ayon sa Ikalawang Konsilyo Batikano: “Itinakda ng Diyos ang lupa at ang lahat ng nilalaman nito para sa lahat ng tao at lahat ng bansa para ang lahat ng mga bagay na nilikha ay makatarungang paghatian ng lahat ng tao sa paggabay ng katarungan na timplado ng maka-D iyos na pagmamahal.” Ayon sa Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas “ ang isang sitwasyon katulad ng konsentrasyon ng yamang pangkabuhayan at kapangyarihang pampolitika ay nasa kamay lamang ng iilan ay isang pagupasala sa dangal ng tao at sa pakikiisa.” Anupat sinabi ni Obispo Bacani sa kanyang aklat na, “niliwanag ng PCP-II na hindi kalooban ng Diyos na sinuman sa kanyang mga anak ay magkukulang sa mga kinakailangan para sa isang maayos na pamumuhay. Ibig ng Diyos na bawat isa sa atin ay magkaroon ng sapat na mga pagaaring materyal kaya “binigyan niya ng karapatan ang bawat isa na magmayari ng sapat ng mga bagay-bagay sa mundo para sa kanyang sarili at para sa kanyang pamilya. .At dugtong pa niya: “Ang implikasyon nito sa sitwasyon sa Pilipinas ay dagling sumusunod: ang karukhaang materyal na paghihikahos ng mahigit sa kalahati ng ating mga mamamayan ay salungat sa kalooban ng Diyos, isang makasalanang sitwasyon na sa harap nito ay hindi maaring magwalang bahala ang Simbahan, ang sakramento ng kaligtasan. Inoobliga ang Simbahan na kumilos agad para bigyan ng lunas ang sitwasyong ito. At epektibong magagawa ito ng Simbahan kung ito ay maging “Simbahan ng mga Dukha”.

Ang Simbahan ng mga Dukha, Kailangang unawain nating mabuti ito.

Sa pananaw ng Pangulo ng PCP-II: “Ang Simbahan ay piniling maging tanda ng pagpapanibago sa kanyang pagpasiyang maging Simbahan ng mga Dukha.” At dagdag pa niya: “ Hindi masusukat ang magiging malaking epekto ng isang Simbahan ng mga Dukha sa ating pangarap at misyon dahil malalim ang pagkakaugat nito sa Bibliya at sa buhay ni Jesus at sa mga unang taon ng Simbahan.”

Ang Simbahan ng mga Dukha Sa Matandang Tipan

Dito ay nagpapahayag ang Diyos ng kanyang sarili sa mga Hudiyo bilang isang Diyos na may pagmamalasakit sa mga dukha. Ayon kay Donald Dorr: “Ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mga Hudiyo o Israelita ay ang pagtawag ni Yahweh o ng Diyos kay Moises upang pangunahan ang kanyang bayan sa paglaya mula sa pagkaalipin: ‘Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan. Alam ko ang hirap nilang tinitiis at narinig ko ang kanilang daing.’”.(Exodo 3:7) . Narinig at nakita ng Diyos na ang kanyang bayan ay nasasakupan ng ibang lahi, pinagsa-samantalahan ng mga Egipcio para sa kanilang pangkabuhayang kaunlaran at bagsak na bagsak ang espiritu sa kahirapang kanilang dinaranas. Si Moises ay isinusugo upang salungatin ang kawalan ng katarungan nito at pangunahan tungo sa paglaya ang kanyang bayan: “Kaya papupuntahin kita sa Faraon upang ilabas mo sa Egipto ang aking bayan.” (Exodo 3:10) at sasabihin mo sa kanya na ipinasasabi ng Panginoon, “Payagan mo nang umalis ang mga Israelita (Exodo 8:1) Hindi basta lamang layunin ng Diyos na palayain sila sa pagkaalipin; nais niya na dalhin ni Moises sa isang lupain kung saan makapamumuhay sila nang ganap na buhay pantao – “ isang lupaing mayaman, malawak at sagana sa lahat ng bagay. (Ex. 3:8). Kaya ang pagpalaya na gagawin ng Diyos ay hindi lamang pagpalaya ng iilang indibidwal: ito ay isang makasaysayan at politikal na realidad – ang pagsulpot ng isang bagong bansa, isang bayang tinatawag na mabuhay nang malaya at masagana.

Sa Bagong Tipan

Malinaw dito na sa simula hanggang wakas ang kiling ni Jesus ay sa mga dukha. Lumaki siya ng isa sa mga karaniwang tao sa isang nayong hinahamak. Sa kanyang hayag na pamumuhay nabuhay siyang mahirap, nakihalubilo sa mga karaniwang tao at kanyang ginulat ang mga “kagalang-galang” na mga tao nang siya ay kumaing kasalo ng mga itinakwil ng lipunan.Umakto at nagsalita siya sa isang paraan na siya ay itinuring na isang malaking kaaway ng iba’t-ibang mga establesidong grupo sa kanyang bayan. Sa wakas siya ay hinatulan ng hukuman sa pakikipagsabwatan ng dalawang malaking grupo ng mga pinunong panrelihiyon sa mga dayuhang nakasasakop sa kanila

Sa Unang Simbahan

Ipinakita ng Simbahan ang kahalintulad na pagkiling ni Jesus sa mga dukha. Ang mga unang nahikayat sa bagong relihiyon ay mga karaniwang tao. Kinailangan nilang gawing komun o para sa lahat ang ang kanilang ari-arian. At wala sa kanila ang naghikahos dahil ibinahagi ng mga maykaya ang kanilang karoonan sa mga nangangailangan. (Gawa 2:42-47) Pinaguusig sila pero nangahas silang harapin ng kapangyarihan ng Salita ng Diyos ang mga maykapangyarihang pangkabuhayan, panrelihiyon at pampolitika. Ito ay isang simbahan na lingkod ng Diyos at naglilingkod sa mga pangangailangan ng kanyang mga kaanib.

Sino Ang Mga Dukha

Pero sino ang mga dukhang tinutukoy natin? Sinasabi ni Eamonn Brendin na mahirap para sa atin na mataya ang tunay na kahulugan ng salitang ito sa daigdig ng Bagong Tipan. Dahil tayo ay nagmana ng isang tradisyon na patuloy nagbibigay ng pagkalito sa atin sa tunay na ibig tukuyin ng salitang “Dukha”. Ito ay naisasagawa sa paglalaro ng kay Mateo na “dukha sa espiritu” at kay Lucas na”dukha” (walang kwalipikasyon) para magamit para sa kapakanan ng mga mayaman. Ang ganitong mga pangungusap ay nagpipilit na gawin ang salitang “dukha” para tumukoy pareho sa mga dukha o mahirap at sa nagpapahirap o nagpapadukha sa kanila. Ito ay isang kalokohan, sabi pa ni Brendin na nagtitiyak na minsan pa ay ating maiwasan ang hamong ibinibigay ng Bibilya sa ngalan ng mga dukha. Sangayon sa “tradisyong “ ito, kung ibig nating makilala ang mga dukha sa Bibliya o sa ating daigdig, sila iyong talagang dukha sa materyal na pagaari, sila iyong mga hikahos.

At patuloy pa niya: Sa Lumang Tipan “ang mga dukha” ay tumutukoy lalo na sa mga walang ikinabubuhay, walang kalusugan o yaman o halaga sa lipunan, mga biktima ng kawalang katarungan o paniniil. Ang salitang malimit na ginagamit para sa mga maghihirap ay ani; ang salitang ugat nito ay nangangahulugan ng niyuyuko, pinadadapa, ginagawang aba. Ang Diyos ay sinasabing nasa kanilang panig. Kanyang pinalaya ang kanyang pinahihirapang bayan mula sa pagkaalipin at paniniil sa Ehipto. Si Yahweh ay “ama ng mga walang ama at tagapagtanggol ng mga balo, may tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot, ang bilango’y hinahango upang sila ay malugod” (Salmo 68:5-6). Pagkatapos ng Pagkakatapon ang “mga dukha” samantalang nanatili ang salitang ugat, ay kung minsan ay nagkaroon ng mas malinaw na konotasyong panrelihiyon at tumutukoy sa mga nananalig nang lubos sa Diyos para sila ay ipagsanggalang at iligtas(anawim).Ang bayan na pinalaya din sa pagkaalipin ay hindi dapat magkait ng katarungan sa pakikitungo sa nga taga-ibang bayan, o mga ulila o balo (Deuteronomio). Ang kanyang mga propeta ay nagsalita laban sa kawalang katarungan at naghayag ng espesyal na pangangalaga ng Diyos sa mga dukha (Amos 2:6-7; Job 24:2-12).

Sa BagongTipan “ang mga dukha” (ptokos) ay tumutukoy sa mga kulang sa mga kinakailangan para gawing naaakma sa tao ang kanilang buhay. Inuulit ang diin sa “pinayuyuko”, pinagpapasan nang mabibigat”, “mga biktima ng di makataong trato ng tao sa kanilang kapwa”. Kasama sa mga “dukha ang mga balo, ulila, manggagawang bukid at walang negosyo, mga walang hanapbuhay at di maaring bigyan ng hanapbuhay, mga pulubi at mga nasisiraan ng ulo. Ang mga kawawang ito ay hindi kayang suportahan ang kanilang sarili, kinaawaan ng iba at hindi tinatratong tao kundi mga “kinakaawaan” o “kinakawanggawaan” o minamahal alang-alang sa Diyos,” at hindi alang-alang sa kanilang pagkatao. Nakararamdam sila ng pagkapahiya at pagkaaba, kawalang halaga. Sila ay iyong isinasantabi, mga isinusuka ng lipunan. Sa Mabuting Balita sila ay iyong mga pulubi, pingkaw, bulay at pilay” (Lucas 14:21); sila iyong mga sinisiil, wasak ang puso, simpleng isip, malapit nang masiraan ng loob, mga nalulumbay, naliligaw, mga biktima ng mga naghaharing uri.

Yaman at Lakas

Tinitingala nating mga Pilipino ang mga mayaman at malakas. Maraming mga tao ang handang magsakripisyo at isakripispyo ang pagiging magkamaganak, magkaibigan, magkababayan, magkapartido, magkaklase o iba,.ang sariling paninidigan at paniniwala at ibang tao dahil lamang sa paghahangad ng yaman o lakas.

Ninanais ng Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas na mabago ang pagkakaunawa nating mga Pilipino sa yaman at ari-arian, sa lakas at kapangyarihan.

Ang yaman ay mabuti. Pati na ang mga ari-arian. “Nakita ng Diyos ang lahat ng kanyang ginawa, at nakita niya na mabuti ang mga ito.” (Gen 1:31). Ibig ng Diyos na ang lahat ng tao ay makibahagi sa mga yaman ng mundo: “Punuin ninyo ang lupa at pamahalaan ito.” (Gen 1:28). Ang nilalayon ng Kristiyanismo ay bawat isa ay magkaroon ng sapat sa kanyang mga pangangailangan. Ang magtamasa ng karapatan sa pribadong pagaari.. Pero hindi ang pagkakaroon ng maraming ari-arian o yaman ang puno’t-dulo ng buhay ng tao.

Ang yaman, bagamat mabuti sa ganang sarili, ay maaring makabulag sa isang tao para hindi niya makita kung ano ang talagang mahalaga. Sa Lucas 12:13-21 ay mababasa natin ang istorya ng isang mayamang tao na nag-ani nang sagana. At sa kanyang pagplano para sa kinabukasan pansinin natin na walang puwang para sa pinakamahalaga sa buhay ng tao: pagibig sa Diyos higit sa lahat at pagibig sa kapwa tulad sa sarili (Lucas 0:25-28). Ang di-pagpahalaga sa mga pinakamahalaga at pagtuon sa kayamanan at sa sarili ay nakabulag sa kanya sa mga pangangailangan ng kapwa. Tingnan ninyo ang istorya ng mayaman at ng mahirap na si Lazaro (Lucas 16:19-31).

Dito sa ating lalawigan tulad ng sa buong Pilipinas ang mga humahawak ng katungkulan ay pinapalagay na nakatataas sa iba. Ang kapangyarihan ay kapangyarihang mangibabaw

sa bayan. Nakalulungkot na ang kapangyarihan ay ginagamit ng maykapangyarihan para sa kanilang sarili kapakinabangan o ng mga taong malapit sa kanila kahit na ito ay makapipinsala sa pangkalahatang kapakanan. Sa gayong paraan sila ay nagiging manggagamit at mapaniil sa kanilang kapwa.Isa sa mga pangunahing kadahilanan kung bakit walang pagunlad ang ating bansa ay itong makasariling paggamit ng mga maykapangyarihan at ng mga taong malapit sa kanila.12

Ibig ni Jesus na ang kanyang mga tagasunod ay gumamit ng kapangyarihan nang taliwas sa mapaniil na paggamit nito ng mga pinuno sa mundong ito: “Ngunit hindi

ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip,ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod at sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ninyo.” (Mt. 20:26-27 ). At siya ang magandang halimbawa ng kanyang itinuro: “ang Anak ng tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at iaalay ang kanyang buhay upang matubos ang marami.’ (Mt.20:28)

Para kay Jesus ang kapangyarihan ay dapat gamitin sa isang paglilingkod na ekspresyon ng pagibig. Kaya , nakikita ng Simbahan ang katungkulang ibinibigay sa mga pastol ng bayan ni Cristo, sa estriktong pagkakahulugan ng salita , bilang isang paglilingkod, na napakagandang tinatawag sa Kasulatan bilang isang diakonia o ministeryo (tingnan Gawa 1:17 at 25;21:19; Roma 11:13; 1 Tim. 1:12) At ngayon ang pagkilala ng PCP-II sa mga inordinang ministro ay bilang pinunong-lingkod o servant-leaders ng sambayanang kristiyano. Dapat nilang gamitin ang anumang sagradong kapangyarihan o karismang mayroon sila para sa ganap na kaunlarang pantao, para sa pagtatamo ng katarungan at kapayapaan ng mga tao. Sa paggamit ng kanilang kapangyarihan iingatan nilang maprotektahan ang lehitimong kapangyarihan ng bawat tao at grupo pati na ang mga hindi umaayon sa Simbahan.

Ang “Simbahan ng mga Dukha” at ang mga Mayaman

Ang Simbahan ng mga Dukha” ay “hindi nangangahulugan na ang mga mayaman ay walang lugal sa Simbahan” . Hindi rin ito nangangahulugan na mga mayaman ay hindi dapat magkaroon ng puwang sa puso ng mga kristiyano. Ang simbahan ay Simbahan ng mga dukha at mayaman at dapat nating mahalin ang mga dukha at mayaman. “Hindi rin ito pagdadakila ng karukhaan at kahinaan, ayon kay Obispo Bacani, kundi muling pagsusuri at pagkilala sa mga pagaari at kapangyarihan bilang may kaakibat na pananagutan sa humahawak nito.”

Para ang mayaman ay maging kabilang sa “Simbahan ng mga Dukha” hindi niya kinakailangang maging mahirap. Sapat niyang maala-ala palagi ang sabi ni San Pablo sa kanyang Unang Sulat kay Timoteo 6:17-19: ang mga mayaman ay huwag magmataas; huwag umasa sa kayamanang di-mananatili, kundi sa Diyos na masaganang nagkakaloob ng lahat ng bagay sa ating ikasisiya. Gumawa sila ng mabuti, magpakayaman sa mabuting gawa, maging bukas ang palad at matulungin sa kapwa. Sa ganitong paraan sila makapagiimpok para sa hinaharap at magkakamit ng tunay na buhay.

Ang”Simbahan ng mga Dukha” at ang mga Dukha

Samantalang mga dukha ay kailangang gawin ang kanilang papel sa Simbahan ng mga dukha. Kailangang alisin nila sa isip ang maling kaisipan na ibig ng Diyos na sila ay manatiling mahirap . Na kalooban ng Diyos na sinuman sa kanyang mga anak ay palaging kulang sa mga pangunahing pangangailangan sa buhay,. Aalisin din nila sa isip na kapalaran nila ang maging dukha samantalang kapalaran ng iba ang maging mayaman. Hindi ang kapalaran kundi ang providencia ng Diyos ang nagpapatakbo sa mundo.

Ang karukhaan ay gawa ng tao. Ito ay bunga ng kasakimang nagkakait sa iba ng makatuwirang ukol sa kanila o tumatangging bahaginan sa diwa ng katarungan at pagmamahalan ang iba ng mga yaman ng mundong ito na ang layon ng Diyos ay para tamasahin at pakinabangan ng lahat. Ito ay malimit ding bunga ng ugaling “bahala na” at katamaran ng dukha mismo. At sa katapusan ito ay bunga ng nakaugaliang ugnayang pantao o mga balangkas ng kasalanan na dunga ng pagkamakasarili, “pag-bahala na” o katamaran.

Kailangang labanan ng mga mahirap ang karukhaan para makalaya dito. Sila ang unang dapat kumilos para sa kanilang sariling paglaya sa karukhaan. Sa harap ng malawak na kahirapan – isang kahirapan na naguugat sa hindi pagbabahgi ng iilan kaysa sa kawalan ng kakayahan ng nakararami na kumita nang higit pa. Ang mga ministro ng Simbahan at ang mga maykayang kaanib ng sambayanang kristiyano ay kailangang tumulong sa mga dukha para sa kanilang paglaya. Dahil malinaw na ang sitwasyon ng kahirapan ng nakararami sa ating mga kalalawigan ay taliwas sa kalooban ng Diyos, tungkulin ng Simbahan at ng buong sambayang kristiyano na tumulong sa paglayang ito sa karukhaan sa pamamagitan ng pagpapairal ng katarungan, pagmamahalan at kapayapaan..

Ang Simbahan ng mga Dukha ayon sa PCP-II

Samakatuwid, ang Simbahan ng mga Dukha, ayon sa PCP-II ay nakikiisa sa mga layunin ng mga dukha dahil sa kanyang natatanging pagmamahal sa kanila. Ang natatanging pagmamahal na ito na hindi naman ekslusibo o sa kanila lamang (blg. 126-127) ay nagtutulak sa Simbahan para magbigay ng pangunahing atensiyon at panahon sa mga dukha, magbahagi ng karoonan niya sa kanila base sa pagmamahal ni Jesus sa kanila, na palalimin ang kanyang kabatiran sa kanilang sitwasyon (blg. 129) at ipagtanggol at ipaglaban ang kanilang mga karapatan (131). Ang ganitong natatanging pagmamahal sa mga dukha ay nangangailangan ng pagkiling ng buong sambayanan sa mga dukha (134).

Ang Simbahan ng mg Dukha ay isang Simbahan na malalim ang pakikiisa sa mga dukha anupat hindi nito itinuturing na sila ay iba sa kanya.. Ang sambayanan ay nakikipag-pagtulungan sa mga dukha para baguhin ang kanilang kondisyon (blg. 130). Nageebang-helisasyon ang mga dukha sa buong simbahan anupat masasabi ng buong sambayanan na una nilang binibigyan sila ng halaga sa ebanghelisasyon (blg. 132). Ang mga dukha ay hindi nagiging biktima ng diskriminasyon sa simbahan (Blg. 128) at kung kaya’t palagay ang loob silang nakikibahagi sa kanyang buhay at misyon (blg. 136).

Saan tayo mula dito?

Higit pa sa basta lamang pagiging isang panlipunan at pampolitikang puwersa, ang simbahan ay una at higit sa lahat “isang ilaw na nagbibigay-liwanag. Isang puwersang espirituwal na kailangang magsuri at magpuna sa mga larangang panlipunan, pampolitika at kultural para sumangayon, tumuligsa, magdalisay, o magpatibay sa liwanag ng Salita ng Diyos.” Sa harap ng mga suliraning bumabagabag sa ating mga kalalawigan higit bang magagawa ng Sambayanan ng Diyos sa Diyosesis ng Boac ang mga ito para ang Marinduque ay maging tunay na “Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pagibig at Kapayapaan?

Inihanda ni:

REB. MONS. SENEN MALAPAD

Kura Paroko ng Parokya ng Santo Niño

Buenavista, Marinduque