Diocese of Boac

Marinduque, Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pag-ibig at Kapayapaan

KAPAYAPAAN

Ang Kapayapaan ay magiging isang walang kahulugang kataga hangga’t hindi ito nakaugat sa Katotohanan, nakatayo sa Katarungan, binibigyang buhay ng Pag-ibig, at ginaganapsa Kalayaan.

Ang Pahayag na ito ni Papa Juan XXIII, na ngayon ay isa nang Beato, apatnapung (40) taon na ang nakalilipas ay pagpapahayag kapwa ng hatol at inspirasyon kung titingnan natin ang kasalukuyang kalagayang pangkapayapaan ng ating mga pamayanan. Hatol dahil ang mismong kakulangan ng Kapayapaan sa ating panahon at sa ating mga pamayanan ay nangangahulugan rin ng kakulangan sa mga pagpapahalaga sa mga tunay na sangkap sa pagtatamo ng Kapayapaan: Kaayusan, Katotohanan, Katarungan, Pag-ibig at Kalayaan. Ngunit ang mga kataga ring ito ang nagbibigay-sigla sa ating pag-asa. Kailangan lamang nating palayuin at palawakin ang ating pananaw sa landas tungo sa Kapayapaan. Ito ang direksyon o landasin – ang pagsasakatuparan ng mismong mga sangkap ng tunay na Kapayapaan. Napakadaling sabihin, ngunit napakahirap gawin at isabuhay.

Gayunman, dapat patuloy, walang sawa, at buong tapang nating hanapin at panatilihin ang Kapayapaan. Kapayapaan ang isinisigaw at pinakamimithi ng sambayanan. Ito rin ang bating-panalangin natin sa isa’t-isa: “Sumainyo nawa ang Kapayapaan.” Dapat lagi nating balik-balikan ang mga aral ni Kristo at ng Kanyang Simbahan upang siyang maging gabay natin sa ating sama-samang pananalangin at pagkilos para sa mga pinahahalagahang maghahatid sa atin sa tunay na Kapayapaan.

Ang ating pag-unawa sa at karanasan ng Kapayapaan ay nakabatay sa kalagayan ng ugnayan sa sarili, sa pamilya, sa kapwa at sa Panginoong Diyos. Ang pangkalahatang pagkaunawa at karanasang ito ay sinasabing kasiya-siya dito sa ating diyosesis. Kasiya-siya ang pagkaunawa at karanasan sa kapayapaan ngunit kinakailangang itaas at iangat pa rin ang kalagayan ng ating sarili. Sa pamilya naman higit na nararanasan ang kapayapaan. Litaw na litaw ito dahil sa nakikita nating matibay na pagkakabuklod ng mga pamilya, ngunit sa ibang pinahahalagahan, lalo na sa usapin ng pakikipagkapwa kailangan pa ring pataasin ang antas nito na magbubunga ng higit pang kapayapaan sa mga maliliit na komunidad at sa buong pamayanan. Ang pakikipag-ugnayan sa Diyos ay bagay na hindi lubos na masusukat ng mga gawaing sinasabi nating relihiyoso lamang. Ang ugnayan sa Diyos ay higit na nasusukat sa nagkakatugma at walang patid na pagpapahalaga sa ugnayan sa sarili, sa pamilya, sa kapwa at maging sa ating kalikasan. At kung ang ugnayang ito ay higit na magagawa nating makatotohanan, makatarungan at puno ng pag-ibig ay magbubunga ng ibayong Kapayapaan sa ating sambayanan.”

Sinabi nang dakilang si San Agustin na ang Kapayapaan ay “katiwasayang dulot ng kaayusan”. Ipinakakahulugan niya na hindi magkakaroon ng katiwasayan kung laganap ang kaguluhan at tunggalian. At hindi rin naman magkakaroon ng kaayusan kung walang pagkilala sa awtoridad, sa batas o kautusan, pagsunod dito at disiplina.

Itinatak ng Diyos na Lumikha sa puso ng tao ang kaayusan na ipinapahayag sa kanya ng sarili niyang budhi na ito’y kanyang tupdin: “Ipinakikilala ng kanilang gawang nakasulat sa kanilang mga puso ang hinihingi ng kautusan. Pinatutunayan rin ito ng kanilang budhi”. Sa pamamagitan ng batas na ito, naituturo sa tao kung paano una-una makikitungo sa isa’t-isa; kasunod ay kung paano naman ang ugnayan ng mamamayan at mga lingkod ng pamahalaan, ang isang bansa sa kapwa bansa, upang ang komunidad ng lahat ng tao ay maayos na magagabayan sa pagtataguyod ng kapakanang pangmadla.

Ngunit araw-araw ang nababasa natin sa ating mga pahayagan, nakikita at napapakinggang mga balita sa telebisyon ay naglalarawan hindi ng kaayusan, kundi anarkiya: mga pagkidnap, masaker, pambobomba, pakikisangkot ng mga lingkod tagapamayapa sa mga ilegal na gawain at mga karahasan. Dito mismo sa ating lalawigan “noong ika-17 ng Mayo, 1999 nagkaroon ng enkwentro sa pagitan ng Philippine Army at mga sinasabing New People’s Army sa barangay Sayao, Mogpog, kung saan nasawi ang pitumput-anim na taong gulang na si G. Rufino Ricamara at kaugnay dito takot na ang umiral sa mamamayan ng nasabing baranggay at ayon sa kanila ay hindi na sila makapunta sa kani-kanilang taniman o bundok, gayon din sa kanilang pagko-kopra dahil sa pangambang maulit muli ang nangyari.” Gayundin, “isa pa ring enkwentro ang naganap sa Sitio Centro ng baranggay Haguimit sa bayan ng Sta. Cruz noong ika-4 ng Hunyo, 2001. Dito napatay si Staff Sgt. Lito Bonagua at malubha namang nasugatan si Corporal Vincent Lorilla at kaugnay nito namatay rin sa nasabing enkwentro si Avelino Ricohermoso, 23 taong gulang, binata na di-umano ay supporter ng rebelding NPA, na pinabulaanan ng kanyang ina at ng Punong Baranggay ng Haguimit.” Nagimbal rin tayo sa balita ng Poctoy Massacre. “Sa baranggay Poctoy, bayan ng Torrijos, karumal-dumal na pinatay sina Eulogia Recaña, 72 taong gulang at ang kambal na Rogelyn at Rodalyn Vilar Roncali, kapwa 13 taong gulang at nasa unang taon sa Mataas na Paaralan ng Bonliw, sa loob ng tahanan ng matanda noong ika-31, 2002, gabing bisperas ng Bagong Taon.”

Sinasabi natin na ang pagtalima sa batas at pagpapanatili ng kaayusan ay gampanin nating lahat at ng bawa’t isa. Hindi natin matatalikuran ang pananagutang ito, simple dahil may mga natatanging naglilingkod na may propesyonal na kasanayan sa pagtatanggol at pagtataguyod ng kaayusan. Ngunit higit na magiging mabigat ang pananagutan kung ang mismong mga lingkod ng batas at kaayusan ang siyang lalabag. Dahil dito, kinakailangan ang pagbabago ng puso ng ganitong mga lingkod ng bayan.

Ang kaayusang pundasyon ng Kapayapaan ay hindi maibabatay sa kawalang katotohanan o kasinungalingan. Ang Kaayusan ay dapat matatag na nakatayo sa Katotohanan. “Pawang katotohanan ang sabihin ninyo sa isa’t-isa, pairalin ang katarungan at panatilihin ang Kapayapaan.” Kung hindi, babagsak ang Kaayusan at ito’y maglalaho. At ang pinaka-pundamental na Katotohanan ay ang tungkol sa tao: ang kanyang dangal, kahalagahan, at pagiging kalarawan ng Diyos. Anumang lipunan ng tao, kung hangad nito ay kaayusan at pagiging produktibo dapat matayo sa pundasyong ito, na dahil siya ay tao, ibig sabihi’y, nilikhang dinulutan ng pag-iisip at malayang kalooban, kung kaya may personal na karapatan at pananagutan na tahasang dumadaloy mula sa kanyang katangiang likas; kaya ito’y pangkalahatan, hindi maaring salangsangin at alisin. Higit pa rito, kung titingnan natin ang karangalan ng tao sa liwanag ng maka-Diyos na Pahayag na ang tao ay tinubos ng dugo ng ating Panginoong Jesucristo at sa biyaya ay naging mga anak at kaibigan ng Diyos at tagapagmana ng walang hanggang kaluwalhatian, higit pang mapatatayog ang ating pagkilala at pagpapahalaga sa tao.”

Ngunit kung ibabaling natin ang ating pansin sa ating kapaligiran, makikita natin ang iba’t-ibang paglabag sa karangalan at halaga ng tao; nandiyan ang pagdadakila sa sex, pang-aabusong sekswal sa mga bata maging sa loob mismo ng angkan, karahasan sa mga panoorin, pagyurak sa dangal ng mga kababaihan at pagkitil sa buhay sa sinapupunan ng mga ina. Ang buhay ng tao ay nahuhubaran na ng kanyang imortal na halaga. Sa aking pagdalaw sa Provincial Jail noong mga taong ako ay Paroko pa ng Inmaculada Concepcion natuklasan kong ilan sa mga napipiit doon ay may mga kaso ng rape at mayroong ama na ang biktima ay sarili niyang anak.

Hindi maipagkakaila sa ating sambayanan ang suliranin ng kawalan ng tiwala sa lahat ng larangan ng buhay natin. Tinatanong natin: Sino ang mapagkakatiwalaan? Sino ang dapat paniwalaan? Kaninong mga pahayag ang kapani-paniwala at nararapat pagtiwalaan? Dahil sa labis na nalathalang mga eskandalo at katiwalian, lalo na sa panahon ng eleksyon, nabawasan ang pagtitiwala sa iba’t-ibang sangay ng pamahalaan, partidong pampulitika, institusyong pang-edukasyon, mga korporasyon, ang media at mga tagapag-anunsyo.

Ngunit sa harap ng lahat ng ito, bilang mga kristiyano, tayo ay may malalim at di-mapugnaw na paghahangad sa Katotohanan. Ang kailangang paunlarin natin ngayon ay ang higit na pagsusuri ng diwa upang mawari ang Katotohanan sa kasinungalingan, ang totoo sa huwad, at ang tunay sa panggagaya. Sa gitna ng lahat ng kalituhan, panlilinlang at pagmamani-obra, kailangan nating matuklasan ang Katotohanang ipinangako ni Cristo na magpapalaya sa atin, upang mabigyan tayo ng kakayahang mabuhay ng magkakasama na may paggagalangan, kapanatagan at Kapayapaan.

Kung ang paggalang sa Katotohanan tungkol sa tao ay dakilain at kilalanin ang regalo ng Diyos na dangal at halaga, sumusunod dito ay ang pagbibigay ng nararapat sa kanya. Ito ang Katarungan sa pinaka-pundamental na diwa. Ito’y ang mga tungkulin na dapat iukol natin sa sarili, sa kapwa, sa sambayanan, sa bayan, sa kalikasan at sa Diyos.

Ngunit lubhang nakatatawag pansin ang maraming kawalan ng Katarungang nagagawa dahil sa waring walang konsiyensyang pagpapatuloy ng mga ito. Ang mga serbisyo, kaunlaran at karapatan na nararapat sa mga mamamayan ay hindi nakararating ng lubusan sa mga higit na nangangailangan. Ang gulong ng Katarungan ay mabagal na umiikot, lalo na sa mga mahihirap, at malimit pa ay hindi nila matamo. Ang mga pahayagan at mga telebisyon ay nag-uulat sa atin ng mga scams sa mga proyekto ng pamahalaan, na kahit na ang mga malalapit sa mga pinuno ng ating sambayanan ay nasasangkot, mga nakaw na yaman, pangungurakot at pagwaldas ng yaman ng bayan sa nakalipas at sa kasalukuyan, milyon-milyong buwis na hindi binabayaran.

Bilang karagdagan, nakikita natin at nadarama ang matinding epekto ng kawalan ng katarungan sa sangnilikha o kalikasan. Naganap at nagaganap ang pagwasak sa ating kapaligiran. Saksi ang buong lalawigan na nakaranas ng mga kalamidad na dulot ng walang kontrol na pagmimina sa ating lalawigan at walang makatarungang pananagot sa epekto nito sa sambayanan lalo na ang bayan ng Sta. Cruz, Mogpog at Boac.

Ang tunay na Kapayapaan ay bunga ng Katarungan; ang kabanalang moral at garantiyang legal na nagtitiyak ng buong paggalang sa mga karapatan at pananagutan at makatuwirang pagbabahagi ng mga benepisyo at pasanin. Ngunit ang makataong katarungan ay laging marupok at di-ganap . . . dapat isama at kumpletuhin ng pagpapatawad na nagpapahilom at muling nagbubuo ng mga nawasak na makataong ugnayan. Ang pagpapatawad ay hindi hadlang sa Katarungan na para bang binabale-wala ang pangangailangang ituwid ang maling ginawa. Manapa’y ito ang kaganapan ng Katarungan, na naghahatid sa kaayusan na higit sa kawalan ng kaguluhan, tunggalian at digmaan.” Ang tunay na Kapayapaan ay gawain ng Katarungan. Kapag ang isang tao o grupo ng tao ay magsisi – magbagong puso – magtika at magbayad puri sa kanyang nagawa sa kapwa o sa sambayanan at maging sa kalikasan – ang pagpapatawad at rekonsilyasyon ay susunod. Kung walang Katarungan, ang pagpapatawad at rekonsilyasyon ay mababaw.

Pinagiging-ganap ang Katarungan, Pagpapatawad, at Rekonsilasyon ng Pag-ibig. Unang-una, tanda ito ng Pag-ibig sa Diyos. Ikalawa, sinabi mismo ng ating Panginoong Hesukristo na ang Pag-ibig sa Kanya ay maipakikita sa “pagtalima sa Kanyang mga utos at sa Kanyang mga salita.” Ngunit ang Kanyang mga utos at mga salita ay tungkol rin sa Pag-ibig sa kapwa, sapagkat “kung kinamumuhian mo ang iyong kapatid, paano mong masasabing, iniibig mo ang Diyos?” Hinihingi, samakatuwid, ng Pag-ibig ang uri ng pagkalinga na nag-uudyok sa isang tao na isakripisyo ang sarili para sa kabutihan ng kapwa. “Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang kaibigan.”

Subalit ano ang ating nasasaksihan? Ang masidhing ambisyon para sa kayamanan at kapangyarihan na nagbabale-wala sa Batas ng Diyos; ang paghahangad na itaas ang sarili na hindi nagsasaalang-alang sa kapwa o sambayanan; ang kawalan ng pagmamalasakit sa mga maliliit at mga maralita, na walang tinig at lakas; ang iba’t-ibang krimen laban sa tao o sambayanan at mga ari-arian. Ang Batas, ang Pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ay isinasa-isantabi para sa kapangyarihan, kayamanan at kaluguran.

Ang pagbalik sa Diyos at sa kapwa taglay ang Pag-ibig ang pinakamahalaga at pinaka-kailangan para sa pag-iral ng Kapayapaan. Anumang hakbang sa pagpupunyagi para sa Kapayapaan ay kulang kung walang pundamental na sangkap ng Pag-ibig. Ito ang buhay ng Kapayapaan.

Ang Pag-ibig ay hindi makakamit ng daigdig, maliban lamang kung ang bawat tao at bansa ay may matibay na pagnanasang igalang at ipagsanggalang ang kabutihan ng tao at grupo ng mga tao at malayang magbabahaginan sa isa’t-isa ng kanilang talino at kakayanan. Ang matibay na determinasyon na pangalagaan ang karangalan at karapatan ng kapwa tao at kapwa bansa, pati ang masusing pagkakapatiran ay sakdal na kailangan sa pagtatamo ng tunay na Kapayapaan. Kung kaya, ang Kapayapaan ay bunga at binibigyang buhay ng Pag-ibig, na nahihigitan ang anumang kayang ipagkaloob ng Katarungan.” “Nakakamit ng Katarungan ang kaganapang tangi sa pamamagitan lamang ng Pag-ibig.”

Ang “Talinhaga ng Mabuting Samaritano” ay aral ng Pag-ibig hindi lamang sa kapwa-tao kundi sa kapwa grupo ng mga tao o bansa. “Sa napaka-kilalang talinhagang ito ng Panginoong Jesucristo ay makikita natin ang tatlong pilosopiya; dalawa ay di dapat panuntunan, at isa’y dapat isabuhay. Ang una ay ang pilosopiya ng tulisan na humarang, nagnakaw at pumaslang sa isang naglalakbay: ‘Lahat ng iyo ay akin.’ Kinuha niya lahat, pati damit sa katawan, sakim! (v.30). Ang ikalawa ay ang pilosopiya ng saserdote at levita na pagkakita sa pinaslang ay lumihis at nagpatuloy ng paglakad: ‘Ang akin ay akin lamang.’ Walang pakialam, ayaw maabala, ayaw makisangkot, ayaw magmalasakit, makasarili! (v.31-32). Ang ikatlo ay ang pilosopiya ng Samaritano na nakita, nahabag, nilapitan, nilinis ang mga sugat, isinakay sa kanyang sasakyan, dinala sa bahay panuluyan, inalagaan at pinaalagaan doon: ‘Ang akin ay sa iyo rin.’ Ito ang tunay na Pag-big sa kapwa! (v.33-36).” Ito’y napaka-kongkretong larawan ng mga sangkap ng nauna nang nabanggit. Ang ganitong Pag-ibig sa kapwa ay mabibigyang-buhay rin ng bansa sa kapwa bansa sa anumang uri at anyo tungo sa higit na kaganapan ng Kapayapaan.

Ang pagtahak sa anumang landas ng buhay ay tiyak na tatagal kung ito ay buong laya nating pinili. Halimbawa, sa landas ng buhay ng pag-aasawa, pagpapari at pananatiling nag-iisa, hindi magtatagal ang isang tao, kung ang pagpasok sa ganitong landasin ng buhay ay hindi mula sa isang malayang pagpapasiya. Hindi mo maitatalaga ang buhay mo sa isang landas ng buhay na hinarap kung napipilitan ka lang. Sa matagalang pagtatalaga sa anumang landas ng buhay, kailangang pinili mo ito nang may buong Kalayaan.

Sa pagtahak sa landas ng Kapayapaan kailangan ay ang malayang pagpapasiya, pagpili at pagtatalaga, batay sa liwanag ng mga pundamental na pagpapahalagang sangkap na nabanggit sa una. Ang Kapayapaan ay hindi magtatagal kung ito ay habang panahong ipinapataw at pinaiiral ng may pananakot at puwersa. Ito ay isa sa mga madula at mala-trahedyang karanasan at aral sa pagbagsak ng Kapayapaan sa iba’t-ibang panig ng ating sambayanan at ng daigdig sa kasalukuyan. Samatuwid, sa pagtatatag ng isang kaayusan, kung saan malayang pinili ng tao, sambayanan at bansa ang landas na tatahakin, kailangan ring malayang maitalaga ng tao at bansa ang kanilang sarili sa mga kinakailangang gawin sa pagtatamo ng tunay na Kapayapaan.

Napakadakila at napakatayog ng ating mithiin, na walang makataong kakayahan at pagpupunyagi lamang, gaano man katapat at kagiting, ang makapagdudulot sa atin ng ganap na Kapayapaang ating pinakamimithi. Upang ang ating mga pamayanan at bayan ay matapat na sumalamin sa Kaharian ng Diyos, kailangan natin ang tulong at lakas na nagmumula sa kaharin ng langit. Ang Pagpapairal ng tunay na Kapayapaan ay isang paglalakbay na dapat tahakin kasama si Kristo. Siya lamang ang makapagbibigay ng tunay na Kapayapaan. Sapagkat “Siya ang ating Kapayapaan; sa pamamagitan ng Kanyang Kamatayan sa krus, winakasan Niya ang alitan ng dalawang bayan, kapwa pinapanumbalik sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan. Naparito si Kristo upang ipangaral sa lahat ang Mabuting Balita ng Kapayapaan.” Nag-iwan Siya sa atin ng Kapayapaan. Nagbibigay Siya sa atin ng Kapayapaan. “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking Kapayapaan ang ibinibigay Ko sa inyo; hindi katulad ng ibinibigay ng sanlibutan.” Ito ang Kapayapaang minimithi ng ating mga pagsamo at dalangin.

Ito ang dahilan kung bakit ang pagtatalaga para sa Kapayapaan ay hindi maaring gawin na walang panalangin sa Panginoon. Ngunit higit pa rito, itinatagubilin sa lahat na manatiling kaisa ni Kristo. “Magkakaroon kayo ng Kapayapaan sa pakikipag-isa sa Akin.” Hiwalay sa Kanya, ang makataong pagpupunyagi ay hindi ganap na makapamumunga.

Ang pagkikipagkaisa natin sa kapwa at kay Kristo, ang tunay nating lakas at kapangyarihan sa paglalakbay natin tungo sa Kapayapaan. Na kay Kristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang katiyakan ng ating ganap at tunay na Kapayapaan. “Ang Kapayapaan ay naitatatag sa isang malalim at malapit na ugnayan sa Diyos. Ang pagkilos para sa Kapayapaang nakaugat sa Katotohanan, nakatayo sa Katarungan, binibigyang-buhay ng Pag-ibig at ginaganap sa Kalayaan, samakatuwid, ay pangunahing pagtatalaga sa Pananalangin, na ating Kabukasan, Pakikinig, Pakikipag-diyalogo at Pakiisa sa Diyos, na pangunahing Bukal ng Kapayapaan.” “Ipagkakaloob sa atin ng Diyos Ama at ni Hesukristo na Anak Niya, ang paglingap, habag, at Kapayapaan sa pamamagitan ng Katotohanan at Pag-ibig.”

Inihanda ni:

REB. MONS. MONCHING M. MAGDURULANG

Kura Paroko Parokya ng Banal na Puso ni Hesus