Diocese of Boac

Marinduque, Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pag-ibig at Kapayapaan

REAKSYON TUNGKOL SA PAG-IBIG

Tatlo ang gampanin ng isang “Reactor” at iyon ay: pagpapayaman, pagpupuno at pagbibigay-diin. Nangangamba ako na baka mas mahaba pa ang Reaction ko kaysa sa paksa ni Fr. Rene.

Magsisimula ako sa kwento tungkol sa tatlong Pinoy, tatlong bayani.

Si Robin Garcia noong 1990, nang magkaroon ng malakas na lindol sa Cabanatuan City, nakaligtas nang gumuho ang Central College of the Philippines. Hinawi niya ang mga bato, lumabas, gumapang at nailigtas niya ang lima niyang kamag-aral. Bumalik upang Iligtas ang ikaanim na biktima ngunit nang yumanig uli, natamaan siya ng bumagsak na haligi. Dalawampung minuto lamang siya sa ospital at siya’y binawian ng buhay gaanumang pagpapalakas ng loob ang ginawa ng kanyang ama.

Sa Bocaoe, Bulacan, 275 na buhay ang nawala dahil sa kasakiman ng tao. Nagiba ang sasakyang-dagat. Ipinagdiriwang noon ang piyesta ng Santo Niño at ang lahat ay may kagalakan sa puso. Si Saguid Buli, isang lalabintatluhing taong gulang na bata ay nakaligtas. Pauli-uli siya siya sa pagsagip sa anim na buhay, ngunit sa iakpitong pagsagip niya, napalo siya sa ulo ng isang kahoy na siya niyang ikinamatay. Hindi na niya natupad ang pangarap niyang maging “stunt man” tulad ng kanyang ama.

Pebrero 29, 1995 nang si Richie Fernandoo ng Society of Jesus ay nagtungo sa Cambodia. Pangarap niyang maglingkod bilang misyonero sa ibang bansa at sa isang institusyon para sa mga “polio victims” siya naipadala. Sinabi niya kung mamamatay siya, nais niyang sa paglilingkod at tapat na pagsunod kay Hesus at sa Kanyang Salita ito mangyari. Namatay nga siya noong 1996 pagkat ginawa niyang “human shield” ang sarili niya nang ang isang nasisiraan ng isip ay maghagis ng Granada sa kanilang kinaroroonan.

Robin, Saguid, Richie: ang tatlong ito ay mga taong nagmahal, bayani at banal.

1. Ang pagmamahal ay isang karanasan. “One should experience love in order to share it.” Ang pagmamahal ay nararamdaman, napapakinggan.

2. Kung nais mong maging banal, magmahal ka. If you want to be a saint… love.

3. Kung gusto mong maging bayani, mahalin mo ang Iyong bayan at kapwa.

I. Ang unang pagninilay na ating gagawin hinggil sa pag-ibig ng Diyos ay nasasaad sa Banal na Kasulatan, ang Awit 103; nagbibigay-buhay ito sa pagmamahal ng Diyos.

Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos

Kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.

Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;

Yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.

Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;

Di na tayo sinisingil sa nagawang kasalanan.

Ang agwat ng lupa’t langit, sukatin mo’y hindi kaya.

Gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.

Kung gaano kallayo ang Silangan sa kanluran,

Gayon din niya inalis sa atin ating mga kasalanan.

Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya

Gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.

Nagpapaapoy ng damdamin, di ba? God loves us unconditionally – bawat isa sa atin ay mahal ng Diyos. Wika nga ng isang doctor ng simbahan: “Don’t you understand? God is running after you day ang night as though He has nothing to do but simply to occupy Himself with you.” Wala siyang iniisip kundi ikaw.

A Religion teacher once gave an assignment to his pupils. Ang paksa ng survey ay “Anoo sa palagay mo ang Diyos?” marami ang nagging kasagutan ngunit katangi-tangi ang nagging sagot ng isang 13 taong gulang na bata at ganito ang isinasaad: Ang Diyos ang siyang lumikha ng 4 ½ bilyong tao at bawa’t isa’y minamahal ng Diyos na tila iisang anak Niya.” Ang pagmamahal sa nag-iisang anak ay naranasan ko pagkat ako’y nag-iisang anak ng aking mga magulang. Ang pagmamahal na ito ay napakaespesyal. Ganyang ang pagmamahal sa atin ng Diyos: walang itinatangi, walang kinikilingan. Bawat isa’y katangi-tangi sa kanya. Ganyan ang dapat nating maranasan. Walang kasinghalaga sa tao ang matuklasan niyang siya’y Mahal ng Diyos. Ang katotohanang ito ay nakapagbibigay-sigla sa buhay natin, nakapagpapataba ng puso. Ang pinakamahalagang bagay sa buhay ng isang Kristiyano ay di lamang ang matuklasang mahal niya ang Diyos. Ang pinakamahalagang bagay sa buhay ng isang Kristiyanong Katoliko ay ang matagpuan niyang siya’y mahal ng Diyos. Doon ko hihimayin ang isang paghamon sa Sinodong ito. Ito siguro ang dapat bigyang-halaga ng simbahan sa kanyang buhay dito sa Diyosesis ng Boac.

Anu-anong programa dito sa ating simbahan, sa mga parokya, sa mga pamayanang Kristiyano ang nakapagbibigay-sigla sa pag-ibig ng Diyos? Alam ninyo, sabi ng isang kaibigan kong P. R., na iisa lamang produkto ang inilalako natin sa tao: si Hesus. Pero bakit sa pakiramdam ng kabataan ay walang dating sa kanila si Hesus? Bakit hindi nila nadarama ang pagmamahal ni Hesus? Nasa “packaging” iyon; nasa paghawak; nasa pagpapadama; iyon bang kapag papasok ka sa parokya, ang tanong ko, lalung-lalo na kayong mga laman ng parokya, lamang simbahan, wika nga, ang tanong ko’y pag pumasok ba ang isang taong taga labas ng parokya, sasabihin ba ninyong “Feel ko si Hesus. Feel ko si Hesus pagkat nakikita ko ang samahan ng mga parishioners ditto.” Bakit may mga Katolikong nagsasabing, “Ayaw kong makiisa sa samahang iyan—napakaraming intriga; walang patid ang tsismis ng mga tao at paninirang-dangal.” Ang tanong ko’y pagpasok nila sa parokya, sa mga paaralan o kahit na sa diyosesis, nararamdaman ba ng isang iba sa atin ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng ngiti, sa pamamagitan ng bukas na kalooban?

Alam po ninyo, sabi kanina ay ako ang in-charge ng mga parochial schools sa Maynila – 72 parochial schools po ang aking sinusupervise at kapag ako’y mag-school-visitation, ang ginagawa ko’y hindi agad ako pumupunta sa opisina ng direktres o principal. Ang acid test ng climate o moral ng isang paaralan na iyan, pumasok ka sa gate at paano ka tatanggapin ng security guard? Kapag ang security guard ay nakangiti, at sasabihing “Magandang umaga po. Sino po ba kayo? Pasok po kayo,” At ikaw ay sasamahan sa office ng directress, indicator iyon – mataas ang moral. At pagkatapos noon ang unang kakausapin ay hindi ang director kundi ang janitor, at sasabihin ko sa janitor, “Ilang taon ka rito, Kuya?” At kapag ang sagot ay “Father, 30 taon na po ako rito.” “At bakit ka nagtagal nang ganyan?” “Sapagkat marunong pong mag-alaga ang mga madre ditto. Sapagkat marunong magmalasakit ang mga pari rito. Sapagkat marunong magmahal ang komunidad na ito, kaya dito po ako tatanda at kung papalarin ay hanggan sa aking retirement.”

Indicators, ang tanong ko, bakit tumatagal sa mga parokya, … hindi dahil sa kapangyarihan… hindi dahil sa posisyon… it’s a thankless job. Tumatagal kayo sapagkat nararamdaman ninyo ang pagmamahal.

Ikalawa’y anu-ano ang mga programa sa mga pamayanang kristiyano sa pagbibigay-sigla sa pag-ibig ng Diyos? Kapag may isang taong nakangiti sa pagsalubong kapag pumupunta sa parokya, isa ito sa natatanging bagay sa pagbubukas ng kalooban, lalung lalo na sa mga panauhin. Ano ang nararamdaman ng mga tao kapag pumapasok sa ating mga parokya, at ang pagbubukas-kalooban natin sa kanila? Tanong ko, lalo ang ginagamit ng mga kabataan… “Feel ko ba si Kristo kapag ako’y nasa simbahan? Feel ko ba siya?” At kapag ang sagot ng kabataan gayon din ang nakatatanda, “Feel na feel ko,” karanasan iyon ng pagmamahal.

II. Ikalawang pagtatasa: kung gusto mong maging banal, magmahal ka. Tatanungin ko kayo: ilan ditto ang gusting maging santo? Maging banal? Ika-2 tanong: ilan ditto ang gustong umakyat sa langit sa Sabado, pagkatapos ng misa sa Sinodong ito? Kung ibig mong maging banal, magmahal ka. Nalaman kong ang Holy Week capital ng Pilipinas ay ang Marinduque. Ang Holy Week ay English, sa Kastila, Semana Santa, (sa Aleman sa Pranses) sa Filipino, Mahal na Araw; walang katumbas: Mahal na Araw, ang katangi-tangi sa lahat ng translation pagkat naroroon ang salitang mahal, timitimo sa puso. Kapag sinabi mong Mahal, hindi mo kayang bilhin ang bagay na iyan. Kapag sinabi mong Mahal kita, ibig sabihi’y ikaw ang lagging laman ng aking isip, malapit ka sa aking puso. Kapag mahal ang isang bagay, ito’y higit ang halaga kaysa ginto. Kanina’y hinihintay kong mag-share si Fr. Rene hinggil sa pagmamahal pero ang mga sharing ay mamaya na sa “group sessions.”

If you want to be a saint, love. Papaano? Nakasaad sa papel ni Fr. Rene, ang mahalagang pag-unawa sa pagmamahal bilang “benevolence,” dalalwang latin words ang galling doon: bene – volere – to wish well, to wish something good. Kasabihan ng mga Pilipino, siguradong pag-alis ko bukas, ang sasabihin ni Fr. Rene sa akin ay — “Gerry, ingat, ha? Ingat. Madaling sabihin iyon ni Fr. Rene sa akin bilang kaibigan at kapatid na pari. Pero kung sabihin ninyo iyon sa mga hindi ninyo kakilala at sa mga naging kaaway, mahirap sabihin iyon pagkat magkakaroon ng ibang kahulugan (baka may mangyari sa iyo). Nagtuturo ako ng Moral Theology sa seminaryo at ang sabi ko’y mayroon din tayong sinasabing “internal sins,” at isa sa mga internal sins ay joyful sins – yaong natutuwa ka kapag may nangyaring masama sa isang tao na gumawa ng hindi mabuti sa iyo at kung minsan pa’y sinasabi nating, “buti nga!” At ito’y gawi ng Pilipino, ngunit ang hinihingi ng kabanalan ay kaibigan man o kaaway, laging ipinagdarasal ang kanyang kabiutihan. Ang mahalagang maisalarawan sa ikalawang pagninilaay na ito ay ang pagmamahal at awa ng Diyos. Ito ang nasaasaad sa mga pananalita ni Fr. Rene kanina – Awa ng Diyos. At kung aking dadagdagan pa, ito rin po ang Episcopal Motto ng Obispo ng Diyosesis ng Boac – Confido in Misericordia Dei – I Trust in the Mercy of God. If there is one word that best expresses love, it is mercy. Binanggit kanina ni Fr. Rene, ang kauna-unahan at isa sa mga kauna-unahang liham insiklikal ni Juan Pablo II ay Dives in Misericordia. Ang Diyos ay mayaman sa Awa. Ano ang ibig sabihin ng pagiging maawain? Ito’y kagandahang-asal. Una’y ang isang taong maawain ay may magandang-asal; nararamdaman ito at naipapahayag – it is both affective and effective. It is not enough to feel, it is equally important to do. Hindi lamang naaawa kundi may ginagawa siyang bunga ng awing ito. Maraming Katoliko Kristyano ang maawain, pero hanggang doon lamang – walang ginagawa. “Many are called, and many are frozen.” Hindi lamang ito nararamdaman kundi naipapahayag; isinasagawa mula sa puso bilang pagmamalasakit sa iba tanda ng tunay at tapat na pagmamahal. Ang pagiging maunawain ay handa kang magtiis at masaktan, maibahagi ang pagiging marupok, takot at pagkalito at pagkamuhi. Ang pagiging maunawain po ay sinusubukan tayong maramdaman ang kahirapan, makadalamhati sa mga nalulungkot at matiisin sa kanilang pagdurusa. Ito rin ay nagangailangan upang maging mahina kasama ng kanilang kahinaan, mawalan ng lakas kasama ng mga mahihina. Ito po ang pinakapuso ng pagmamahal ng Diyos.

Kwento: Inutusan ng ina ang batang si Maria upang bumili ng suka. Bumalik siya ay mag-aalauna na ng hapon, kaya tinanong siya ng ina kung bakit siya natagalan. Sabi ni Maria, pumunta siya sa bahay ng kaklase niya na nakita sa may bintana na umiiyak. Nasira pala ang laruan niya kaya tinulungan niya. Sabi ng ina, sira na pala ang laruan, e paano mo pa siya tutulungan. Sagot ng bata; tinabihan daw niya ang kanyang kaibigan at nakiisa sa pag-iyak.

Paminsan-minsan, walang tayong magagawa para sa isang taong may matinding suliranin, pero ang mas makakahigit na gawain ng isang katolikong krisityano ay ganito: tabihan mo lamang ang mga nahihirapan at pakinggan mo ang kanilang mga suliranin at doon magkakaroon ng kalutasan sapagkat maiibsan ang mabigat na damdamin ng iyong kapwa. Iyon ay awa ng Diyos. A good number of people today simply need another person who can listen to them.. At ito siguro po and Marian dimension ng pagmamahal ng Diyos – mula sa pagdalaw ng anghel kay Maria hanggang sa pagdalaw ni Maria kay Isabel. Ipinakita ni Maria ang pagmamahal ng Diyos. Kung gusto mong maging tunay na deboto ni Maria, hindi lamang ito sa pagrorosaryo o pagnonobena at pag-aalay ng bulaklak maipapakita – maipapakita ito kung marunong kang magmalasakit, tumulong, mangonswelo, makiramay; mga salitang hindi iba sa buhay ng mahal na ina, sapagkat ang pagpapakita ni Maria sa Lourde3s, sa Fatima, sa La Sallete, sa iba’t-ibang lugar maging sa ating bayan ay tanda lamang na hindi iba si Maria sa atin. Nakikiisa siya sa lahat ng bagay lalung lalo na sa ating kahirapan. Himayin po natin ang kahulugan ng Awa ng Diyos sa buhay ng isang simbahan.

1. Paano natin magagawang kongkreto ang buhay-pagmamahal? Hindi lamang ito feeling but doing. Sa buhay ng mga parokya, ang ibig kong ipakita sa inyo ay ang paghubog ng mga parokya ay sa pamamagitan ng tinatawag na organizational development. Ang organizational development ay isang paraan ng pagpapakita ng pagmamahal ng Diyos sa ating simbahan, sapagkat ang pagpapalabas ng buhay-pagmamahal ng simbahan ay maaaring isagawa sa pamamagitan ng organizational development. Ang Sinodo ay isang paraan ng organizational development. Kasama nnito ang tinatawag na pastoral planning sapagkat pagkatapos ng limang araw na pagtitipon, gawain ng Diyosesis na ito ang magtipon muli upang ilagay ang mga dekreto at akta ng Sinodong ito sa natatanging pastoral plan: at hindi lamang sa isang pastoral plan na nakasulat kundi dapat magkaroon ng political will sa pagpapatupad, evaluate at monitor ng mga dekretong lalabas sa Sinodong ito. Iyan ang pagmamahal.

The acid test of real organizational development is this – you are committed to the acts and decrees of the synod until every parish becomes truly what you call a Church of the Poor. This is what we call communion in action.

2. Sa organizational development mababahaginan tayo ng mga skills ang competencies to manage our parishes, at isa ritong dapat nating pag-aralan sa ating mga parokya ay ang “conflict management.” Kung minsan, tayong mga katoliko, kapag may problema na ang mga parokya, hindi natin kayang harapin ang gulo. Sapagkat isang bahagi ng organizational development ay ang masusing pag-aaral nito. Hindi maaalis at hindi maiiwasan ang magkaroon ng di-pagkakaunawaan sa diyosesis o sa parokya. Hindi maaalis na sa mga parokya ay magkaroon ng tampuhan at may mga kasapi na ayaw nang tumulong dahil sa tampo. May gamut ang tampo. Conflict management ay ang pagkakaroon ng kakayahan sa paglutas ng mga gusot. Kung tayo ang gumawa ng gusot, tayo rin ang dapat maglapat ng kalutasan sa nanbanggit na gusot. Ang kulturang Pilipino: iniiwasan ang problema, at kung minsan, pinag-uusapan nang hindi tama at nauuwi sa tsismisan at pagsisiraan, o di kaya, nababago ang kwento. Kung gusto ninyong magmahal, ayusin ninyo ang ugnayan sa parokya. Kung gusto mong magmahal at maging banal ang mga kasapi ng parokya, gawin mo ang lahat upang magkaroon ng mga kakayahan sa paglulutas ng suliranin, hindi nagtatakipan, hindi iniiwasan kundi tulung-tulong sa paglulutas nito. Iyon ang pagmamahal.

3. Pakikiisa sa mga dukha at paggalang sa kalikasan. Ang pagbibigay-halaga sa mga mahihirap ay nangangailangan ng ugaling pagkamaunawain. Masusukat ito sa pamamagitan ng ating pagmamalasakit sa kanila; sa pamamagitan ng tinatawag na exposure, immersion, evaluation and prayer system. Sapagkat sa isang gawain sa parokya, upang maipadama ang pagmamahal ng Diyos, ang dapat at palaging nakatunghay sa kanila – mga kapuspalad at mga mahihirap. Sa paghahanda ng mga programa para sa mga dukha, dalawang katanungan ang dapat nasan isipan ng mga nagpaplano: (1) Nakakaapekto ba ito sa mga mahihirap?; (2) ano ang magandang ibubunga nito sa kanilang buhay? Sa pagpaplano ng mga programa, hindi para sa mayayaman omakapangyarihan kundi ang mahihirap (Kwento nang parish Priest siya sa Pateros)

III. Ibig kong punuan ang pagpapahayag ni Fr. Rene, na ang pagmamahal ng Diyos ay puno ng isang pagiging bayani ng bayan. Magpakabayani tayo sapagkat ang pagmamahal ng Diyos ay kakambal ng pagmamahal sa bayan. Kaugnay natin ang buhay ng mga taga-Pagadian, taga-Jolo, atbpa. Kungh papaano natin pinagmamalasakita ang ating bayang tinubuan ay salamin ng pagmamahal ng Diyos sa ating bayan. Ang kulturang Pilipino ay ang pamilya ko lang; kulang po iyon; ang kulturang Pilipino ay: ang bayan ko lang; kulang po iyon; basta probinsya ko lang, kulang po iyon,. Love broadens our horizon: malawak ang pananaw. Mulat ba tayo sa pagmamahal sa bayan? Kulang na kulang ito sa kasalukuyan, sapagkat ang mga kabataan ngayon ay may ambisyon na mangibang-bayan at hindi ang maglingkod sa sariling bayan. Sabi nga ni Ninoy: “Our country is worth dying for.” Linangin natin ang pagmamahal sa bayan at sa kalaikasan.

Sa buhay pampulitika, ekonomiya at kultura, at kung sasabihin man ninyong dapat hindi makikialam ang simbahan sa politika, ekonomiya at kultura, may karapatan tayo sapagkat ang pananampalatayang kristiyano na nagsasabing mahalin ang kapwa ay kailangang iugnay ko sa buhay Pilipino.

Masusing pag-iisip. (Critical thinking) Hindi “ano ang iisipin,” kundi paano tayo mag-iisip. Isa sa mga ipinasok naming kaisipan sa pagtuturo ng katesismo ay kung paano mag-isip nang masusi. Mga katangian ng masusing pag-iisip:

1. Marunong magtanong

2. Marunong mag-imbestiga

3. Marunong pag-aralan ang impormasyon

4. Marunong hamunin ang tradisyunal na paniniwala; hindi sapagkat nakaugalian na ay automatic na tatanggapin. Marunong talakayin ang tradisyunal na paniniwala sapagkat baka ang tradisyunal na paniniwala ay hindi na lapat sa buhay ng mamamayan ngayon.

5. Marunong magpaliwanag: “ako po’y tutol sa inyong sinabi sapagkat…”

6. mapaakakatiwalaang konklusyon. Dahil sa pinag-aralang impormasyon, nag-imbestiga, nag- iisip, nagkakaroon ng konklusyon.

7. Humahantong sa kilos o tugon.

Mga katangian pa ng masusing pag-iisip:

8. Ginagamit ang kaalaman sa pag-iisip.

9. Di agad nagbibigay ng hatol

10. Inihihiwalay ang tunay sa tsismis.

Napakahalaga ito, lalo na sa ating kulturang Pilipino: nauuna ang intriga at tsismis sa katotohanan, kaya sabi ko, kapag tsismis, tatlo ang dapat itanong:

1) Totoo ba ito? Is it the truth?

2) Is it kind?

3) Is it necessary? Mahalaga ba ito?

11. Walang impluwensya ng iba. Marunong makinig sa mga kuro-kuro. Hindi natatakot sa kuro-kurong kakaiba sa kanya. Hindi magagalitin. Iniisip ang bunga ng desisyon.

12. Marunong pag-isipan ang sariling pananaw.

Kung gusto mong maging bayani, salamin ng pagmamahal ng Diyos, mag-isip nang totoo.

Mga minamahal na kapatid kay Kristo, nagawa ko bilang pagtugon sa papel ni Fr. Rene: pagpapayaman, pagpupuno at pagbibigay-diin. Nawa maging mapagmahal tayo sa Diyos at maging totoo ang pagmamahal na iyon.