ANG KATARUNGAN
ANG KATARUNGAN
I. ANG ATING KATATAYUAN BILANG SAMBAYANANG MARINDUQUEÑO
Hindi iilan ang nagsasabi na tayong mga Marinduqueño ay likas na tahimik. Iyon bang ugaling kung mayroong bagay na pinag-uusapan na sa tingin ay hahantong sa di pagkakaunawaan o may masasaktan ang kalooban, ay tatahimik na lamang at di makikisangkot. Kitang-kita ang “kultura” nating ito sa harap ng kapwa tao lalo na sa mga nasa katungkulan. Kahit na nasaktan ang damdamin dahil sa kagagawan ng namumuno, pangsimbahan man o pangpamahalaan, nanaisin pang tumahimik at tila nahihiya pa sa kanyang katatayuan. Hindi gagawa ng marahas na hakbang. Napakataas talaga ng paggalang sa pinuno ng simbahan at pamahalaan.
Ang dahilan marahil ay ayaw natin sa magulong pamumuhay. Ibig nati’y katahimikan (tulad ng katatayuan natin bilang isa sa mga pinakatahimik na probinsiya) at mas pinahahalagahan natin ang pakikipagkaibigan. Subalit ang katotohanan, marunong magtanim ng galit sa kalooban tayong Marinduqueño. At papaano maisasabuhay ang demokratiko o makataong katapatan? Kung di gagawa ng kaukulang hakbang, papaano maiwawasto ng mga kinauukulan ang kanilang pagkukulang?
Magandang pangitain sana, sapagkat mas pinahahalagahan ang pakikipag-kapwa-tao kaysa sa mga problema. Ngunit nararapat namang tingnan na ang pagtuturing “bilang kaibigan” ay nasa antas ng “kabatian lamang”. Indikasyon ito na ang malaking porsiyento ng ating pamayanan ay kulang pa sa ganap na pagkaunawa at pagsasabuhay ng aral Kristiyano.
Kaugnay ng mahinang pagtingin sa kapwa ay ang uri ng paglilingkod ng mga lider. Totoong may naglilingkod ng kusang-loob sa nakararami at mahihirap subali’t totoo rin namang may naglilingkod pa rin sa iilan at sa sarili. Tila ang paglilingkod ay dahil sa kaisipang “obligasyon” at di sa makatarungang paglilingkod bilang atas ng pagmamahal.
Nakaugat ang mababaw na relasyon sa kapwa at diwa ng paglilingkod sa kahinaan ng pagtatalaga ng sarili at sa tunay na kabatiran sa alituntunin ng simbahan.
Halimbawa na lamang ay ang usapin sa pagbibigay ng limos. Nakapagbibigay lamang ang karamihan kapag sumisimba at kung mayroong maibibigay. Maganda sana, sapagkat hindi lamang sumisimba kundi nagiging pagkakataon ito upang maglimos. Ngunit di pa rin masyadong pinagsisikapan. Kulang pa rin sa tunay na diwa ng pagbibigay bilang aktwal o konkretong pagsasagawa ng katarungan.
Sa usapin ng mga naglilingkod sa simbahan, nais ng mga manggagawa o di man manggagawa ng simbahan na naaayon sa batas ng paggawa ang kapalit ng paglilingkod. Subalit may pagsasaalang-alang sa kakayahang pangpinansya ng parokya at sa kalidad ng paglilingkod. Palibhasa ay kusang-loob nga at para sa mahihirap, parang pwede na rin. Kaya kung minsan di na gumagawa ng paraan ang parokya dahil matiisin naman ang mga naglilingkod.
Ilan lamang ito sa mga interpretasyong halaw sa survey na makatotohanang naglalarawan ng ating kalalagayan bilang sambayanan. Ang “kultura ng katahimikan” na nag-uugat sa kakulangan ng pagkaunawa sa Diyos ay totoo ngang nakapipinsala sa pagsasagawa ng atas ng katarungan. Kung ang hinahangad ng katarungan ay ang pagbibigay ng totoong nararapat – ang mga “anino” ng kakulangan ay totoo ring nagpapabagal sa pagpapatupad ng katarungan.
Bagaman, may mga positibong pagkilos tulad ng matinding pagmamalasakit ng mga Marinduqueño sa kapaligiran o katarungang pangkapaligiran, na bunga ng pagsusumikap ng simbahan batay sa mahabang karanasan at gayon din ang diwa ng pagtutulungan at pakikisangkot sa pagasaayos ng mga suliranin, nananatili pa rin ang usaping pangkatarungan na isa sa mga pinakamahalagang pag-ukulan ng pansin sa kasalukuyan.
Ang ating probinsyang Marinduque ay di na rin nalalayo sa ngayon, sa tunggalian ng militar at makakaliwang grupo. Ang lantarang pamimili ng boto tuwing eleksiyon, ang di matapos-tapos na usapin sa pagkasira ng kapaligiran dulot ng minahan at di pagbabayad ng pinsala nito at ang iba’t ibang uri ng kriminalidad ay mga larawan ng kawalang-katarungang umiiral sa ating lalawigan.
Ang panawagan ng PCP II ay nagbibigay diin sa pagpapanibago ng lipunan kaya ang Simbahan ay naging sangkot sa patuloy na proseso ng pagmumulat sa panlipunang pananagutan. Dito nakabatay ang pangarap ng ating lokal na simbahan – ang pagtatag ng simbahan ng mga dukha na may katarungan, pagibig at kapayapaan.
Dalawang pagkilala ang kinakailangan sa pagkakamit nito. Una, ang pakikibaka para sa pagpapalaya, katarungan at kapayapaan na talagang kabahagi ng Kristiyanong pananampalataya. At ikalawa, ang Kristiyanong pananampalataya ay may mahalaga at di mapapalitang gampaning isinasagawa sa pagtatamo ng katarungan para sa Pilipino.
II. ANG KATARUNGAN AYON SA BANAL NA KASULATAN
A. SA LUMANG TIPAN, IPINAKIKILALA NG DIYOS ANG SARILI BILANG TAGAPAGPALAYA NG MGA API AT TAGAPAGTANGGOL NG MGA MAHIHIRAP
Ang pangunahing nilalaman ng Bibliya ay ang Diyos na kumikilos sa mahabang kasaysayan ng kaligtasan ng bayang Israel. Nagsimula sa paglikha ng langit at lupa at nagpatuloy sa mapagligtas na mga pangyayari na konkretong naranasan ng mga Israelita. Ang masaganang ani, ulan, mga anak, at kalayaan sa pagkaalipin ay ilan lamang sa mapagpalang pagliligtas ng Diyos.
Ang mga pangyayari sa Exodo ang sentro ng pagliligtas ng Diyos. Dito naranasan ang buhay at makatarungang pakikiisa ng Diyos. Siya’y makatarungan sa mga tapat sa kanya at nakikibaka laban sa pagkaalipiun at opresyon. “Nakita kong labis na pinahihirapan ang aking bayan…kaya bumaba ako upang sila’y iligtas” (Ex. 3:7-10). Dito nakaugat ang buod ng literature, panalangin, salmo at tula ng bayang Israel. Ang Diyos ay nangangalaga sa mga inaapi at nagbibigay ng katarungan.
Subalit ang Diyos ay di lamang makatarungan, pumipili pa siya ng mga taong magpapahalaga sa atas ng katarungan. Kaya sinasabing ang misyon ni Amang Abraham ay ang pagpapairal at pagpapatupad sa kanyang lahi ng mga utos. Ang gampanin ng mga patriarka ay magpatupad ng matuwid na pamumuhay (mishpat) at katarungan (sedakah).
Dito uminog at nabubuod ang mahabang kasaysayan, ang patuloy na pagpili ng Diyos ng mga taong tapat at makatarungan. Ang mga Hukom tulad nina Gideon at Samson ay modelo ng kababaang-loob at pagtalima sa Diyos. Hindi lamang ang gampani’y iligtas ang mga tao sa sandali ng kagipitan kundi manguna sa pagsunod at katapatan sa Diyos. Whenever the people disobeyed the Law of God, they were oppressed by other nations; whenever they repented God raised up leaders to deliver them.
Ang mga hari sa panahong itinakda ng Diyos at mga propeta sa paglipas ng panahon ang magiging tagapagturo at tagapagpatupad ng katarungan ng Diyos. Laging umaalingawngaw ang tinig ni Propeta Isaias “Magpakabuti na kayo, magbalik-loob, talikdan na ang masasamang gawain” (Is. 1:16; 58:6-7). Ang katarungan para sa kanila ay ang pagpapanumbalik ng kaaya-ayang ugnayan ng tao sa Diyos.
Sa katunayan, ang Diyos sa Lumang Tipan ay Diyos na humihingi ng pagpapatupad ng katarungan para sa kapwa. Sapagkat “tanging sa pagpapatupad lamang ng mga tungkuling pangkatarungan tunay na makikilala ang Diyos bilang tagapagpalaya ng mga api.”
B. ANG PAGDATAL NG TAGAPAGLIGTAS – PAGHAHARI NG KATARUNGAN.
Sa pagdating ng Mananakop ang katarungan ay nasa puso ng kanyang pagtuturo. Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo. Hinirang ako upang ipangaral ang Mabuting Balita…kalayaan sa mga bihag, paningin sa mga bulag, kaluwagan sa mga sinisiil at ipahayag ang pagliligtas (Lk. 4:16-21).
Para kay Hesus, ang paghahari ng Diyos ay ang bagong mundo na may bagong kasaysayan na kung saan ang Diyos ang magpapatupad ng paghahari at ang mga tao’y makararanas ng pagpapahalaga sa katarungan, pagsasaya at muling pagkabuhay. Ang katarungan ay nagaganap sa kahariang kanyang ipinangangaral na may diin sa mga dukha. Ang mga Anawin – mga dukha at pinagsasamantalahan, mga biktima ng mayayaman at makapangyarihan. Ang Magandang Balita sa mga dukha sa gayon, ay ang kanilang paglaya sa kahirapan at pagkaalipin. Ito ang Ebanghelyo ng katarungan. “Sinasabi ko sa inyo nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito’y sa akin ninyo ginawa” (Mt. 25:40). Hindi lamang ipinahayag ni Hesus ang katarungan kundi ipinadama sa pakikiisa sa mga dukha.
III. ANG PANAWAGAN NG SIMBAHAN – ANG PATULOY NA PAGPAPAIRAL NG KATARUNGAN
Tulad sa kapanahunan ng mga Patriarka, mga Hukom, Hari at mga Propeta, ang ating kapanahunan ay nababalot din ng kawalang-katarungan at kapayapaan. Nangangailangan tayo ng mga pinuno tulad sa Lumang Tipan at tulad ni Hesus na magtuturo hindi lamang sa salita kundi mangungunang magsasagawa ng mga implikasyon ng katarungan sa pang-araw-araw na buhay. Mga magpapaalala sa kahulugan at batayan ng mga makataong batas na nararapat nakaugat sa batas ng Diyos – ang moral at relihiyosong batas ng katarungan, katotohanan, pag-ibig at pagmamahal. Sapagkat marami tayong pantaong batas na di nakaugat sa batas ng Diyos, sa gayo’y walang lalim, walang diwa at walang espiritu.
Ang sinodo noong 1971 “Justice in the World”, ay nagsimula ng pagtawag hindi sa pangkaisipang kahulugan ng katarungan kundi sa pagsasagawa ng katarungan. Ang pagsulong ng katarungan ay tungkulin ng bawat Kristiyano. Ang panawagan ni Papa Juan Pablo II ay ang pagkakaroon ng “pagkakapatirang pagkakaisa” (solidarity) –isang matibay at pangmatagalang determinasyon na italaga ang sarili sa kapakanang pangkalahatan. Ito’y isang tapang ng loob – isang bagong pakikiisa o new courage of a new solidarity. Sa pagkakaloob ng nararapat nagiging kaisa tayo ng ating pinagkakalooban at ito’y nagaganap lamang kung may kahandaang isakripisyo ang ilang pinahahalagahan para sa kabutihan ng lahat. Kaya ang panawagan ay gumawa ng mga hakbang para labanan ang lahat ng mga gawaing magpapababa sa dangal ng tao.
Ang mga madilim nating nakalipas at mga suliranin sa kasalukuyan ay nararapat magtulak sa atin sa pagbabalik-loob sa Diyos – to metanoia, the Greek word for profound repentance, the conversion of the heart and mind, of values, of lifestyle, of relationship in society between rich and poor, between rulers and ruled, between peoples of different faiths and cultures. Only when such radical conversion takes place in us as a people could justice really flourish and peace truly reign. Tanging sa tahasang pagbabago nakakamit ang katarungan at naghahari ang kapayapaan.
Para magkabisa ang katarungan sa ating lalawigan, unang kinakailangan ay ang paghubog ng konsensya ng bawat isa. Ang pang-unawa at paggalang sa dangal ng bawat tao ang tunay na kailangan. Sapagkat gaano man kadukha at kawalang pinag-paralan… ay nararapat irespeto bilang kapatid at kasapi sa pamilya ng Diyos. Kaalinsabay sa pagkilala sa pagkakapantay-pantay ng tao at pag-aalis ng lahat ng uri ng deskriminasyon sa lipunan at kultura, seks, lahi, wika o relihiyon. At ang pagtatanim sa kaisipan ng lahat na ipinagkaloob ng Diyos ang daigdig at lahat ng nilalaman nito sa lahat ng tao upang ang lahat ng nilikha ng Diyos ay makatuwirang maipamahahgi sa ilalim ng katarungan at pagbibigayan. Ikalawa, ang pagbubuklod o pagsasamang magkakapatid, isang “kaisahan” na hindi mangangahulugan ng isang diwa lamang kundi matatag at matiyagang pagpupunyagi na ilaan ang sarili sa kapakanan ng lahat lalo’t higit sa pagtatangi sa mga dukha, sapagkat malaking bahagi ng ating kapuluan ay nakalublob sa karalitaan at pagdurusa. At ikatlo, ang pagpapairal ng makatuwiran at makatotohanang batas ng katarungan sa lahat, hindi lamang sa nasasakupan kundi maging sa pamunuan man.
IV. PAGNINILAY AT PAG-UUGNAY
Malinaw na ang “kultura ng katahimikan” ng Marinduque ay isang bagay na nararapat nating lubos na pagnilayan. Ang Diyos na makatarungan ay di kailanman tumahimik sa mga sandali ng kagipitan o kaguluhan sa kasaysayan ng bayang Israel. Siya’y Diyos na laging nagpapahayag ng kaligtasan. Kaya ang napakahalagang tanong, ang “kultura ng katahimikan” ba nating ito ay ayon sa kalooban ng Diyos?
Sa malalim na pagtingin ang ugaling ito ay humahadlang at nagpapabagal sa pag-iral ng katarungan. Papaano makakamit ang pinakamalalim at pinakamabisang solusyon sa mga suliranin kung kulang sa pakikiisa at pakikisangkot ang mga tao? Sa bahagi ng mga namumuno, di kaya pagsakay nila ito upang manatili sa puwesto at mahawakan ang maraming mga pagkakataon para sa kanilang kapakanan? Hindi kaya nararapat na ilapat ang ugaling ito sa pamamaraang demokratiko – na makibahagi at makisangkot ang lahat upang marating ang naaayon sa kapakanan ng lahat?
Totoo na ang bunga ng katarungan ay ang pag-iral ng kaayusan at kapayapaan. Nararapat tingnan ang pag-uugaling ito sa mata ng katarungan. Ang katarungan na nagtatadhana kung ano ang naaayon sa batas na dapat gawin ng sinuman sa kanyang kapwa. Sapagkat sa pamamagitan ng pagpapairal ng katarungan nakakamit ang tunay na katahimikan at kapanatagan ng kalooban.
Bagaman ang katarungan ay nakaugat sa tunay na “pagkakaibigan” na nang-aanyaya sa lahat ng konkretong pagsasagawa ng katarungan, kulang pa rin ito. Sapagkat hindi atas ng batas ng katarungan ang pagkiling sa mga dukha at inaapi kundi bunga ng pusong tumatanaw sa katatayuan ng kapwa bilang kamukha ni Kristong nagmamahal. Kailangan pa ang pagibig. Ang tunay na kaganapan ng katarungan ay nasa pagibig. Sa katarungan, ang ibang tao’y nananatiling hiwalay, sa pagibig siya’y nagiging kaibigan, kapatid kay Kristo.
Inihanda ni:REB. P. ALLAN L. MALAPAD
Kura Paroko – Parokya ni San Jose Esposo ni Maria
Gasan, Marinduque
REAKSYON TUNGKOL SA KATARUNGAN
Ang Sinodong ito ay magandang simulain para sa Diyosesis ng Boac subalit tayo ay malayo pa ang lalakbayin sa mahabang pananaw. Sa Provincial Council ng Manila na tumutok sa Layko, nagkaroon ng kaunting pagtatalo dahil sa binuong papel ng sumuri o tumingin sa papel ng mga Layko. Sabi nila na mangahas ang mga Layko na punahin ang pagkilos ng mga taong simbahan, ng mga Obispo, pari at iba pa subalit maingat pa rin sila sa pagsasala nito, ang sabi nila- ito ay inihahandog namin sa kabatirang baka may masagasaan na mga sagradong paa. Bunga noon sa pagtatalakay ay mayroong mga tumuligsa nito na kulang daw sa paggalang sa mga pari, Obispo, mga sugo ng Diyos kaya dapat igalang anuman ang mangyari.
Una ay ang tema ng salungatan at ang kultura ng katahimikan na naging panimula at pangwakas. Noong Enero, ako ay inaanyayahan ng UP sa isang Consultation Seminar sa pamahalaang pambayan sa pag-iisip o kaisipang Pilipino at doon ay natanong kung bakit ang konsepto ng kapwa ay napakahalaga sa mga Pilipino at paano natin ito iniuugnay sa pagitan ng Estados Unidos at ng Iraq. Paano natin maipapaliwanag na ang paninindigang ito ng lahat ng tao ay magkakapwa? Bakit sila nag-aaway? Ayon sa sumuri ng kulturang Pilipino, sinasabi nila na tayo ay mulat na sa pananaw ng kulturang Pilipino na galing lamang sa isang hanay o pangkat, halimbawa sa Ateneo na hinugis lamang ng mga dayuhan na hindi lubos na nakaunawa sa ating wika at sa grupong di nauunawaan ang lahat ng pakahulugan nito. Ayon sa kanilang pananaw sa ugat ng ating kultura tayo ay magkakapwa tao subalit ang pagpapahayag ng pakikipagkapwa tao ay pagpapahayag ng nahahati sa malalim at mababaw na kultura. Sa ibabaw ay nakikita natin ang kanilang tinatawag na accommodative values, ang pagpapahalaga, mapagpalaya “of serving”. Ito ay ang utang na loob, pakikisama at hiya. Ito ay tinatawag na pagpaparaya, katulad ng sinasabi na: “sinunod ko lamang para wala nang gulo”. Nagpaparaya, pinagbibigyan alang-alang sa katahimikan. Sa ilalim ng kultura o ang katuwang nito na tinatawag na “accommodative values” ay mayroong tinatawag na “controltative values”. Ito ay principle values o mapagpanindigan at ito ay ang lakas ng loob, hindi pakikisama kundi pakikibaka, hindi lang hiya kundi bahala na. Katulad ng mga nanay nagiging tigre at leon sa pakikipaglaban alang-alang sa kanilang mga anak. Bakit tayo nakikibaka at tumatapang, ito ay sa dahilang may ipinaglalaban, sapagkat tayo ay namulat sa sariling karangalan, mayroon nang pagsasangkalan ng kanyang pagkilos. Ang bahala na ay hindi pagsubok sa itinadhana.
Ang kalimitang pinagmumulan ng tunggalian ay hindi ang ating pagkakaiba, lahat tayo ay magkakaiba, ako ay iba sa ibang tao, sa inyong mga katabi, pero bakit ito pinagmumulan ng pag-aaway. Pinagmumulan ito ng pag-aaway kapag ang pagkakaiba ay tinuturing na hindi pagkakauri o di pagkakapantay-pantay. Tinuran ni Fr. Allan na darating lamang ang katarungan kapag nawala na ang pagkakaiba at paghahati ng namumuno at pinamumunuan ng babae ang lalaki at ng anak sa magulang.
Bagamat tayo ay di magkakapareho hindi ito nangangahulugan ng hindi pagkakapantay-pantay sapagkat sa kadulu-duluhan tayong lahat ay magkauri, tayong lahat ay tao, isinilang na hubad at uuwi sa hukay ng hubad sa pagitan ng pagsilang at kamatayan doon binuo ang buhay na tao at doon nakilala ang banal at kabuluhan ng kanyang pagtahan dito sa daigdig. Subalit bilang tao, tayong lahat ay magkakapwa. Samakatuwid ang katahimikang hinahanap natin ay dapat suriin at pag-aralan kung ito nga ay nararapat o hindi, sapagkat ang katahimikan ay binuo ng dalawang bagay: kaayusang panlabas at ang katahimikang panloob.
Sa labas ay pinag-uusapan natin ang ugnayan ng mga tao, estruktura, mga proseso ng institusyon kung ito ba ay maayos, halimbawa: kung tayo ay walang pagkakasundo at walang magpapatakbo sa sinodong ito, hindi tayo magkakaigi, kaya kinakailangang may kaayusang panlabas, kinakailangang ito ay ginagabayan ng mga proseso at estruktura. Pero alam naman natin na maayos man sa labas hindi ito nangangahulugan na panatag ang loob ng mga tao katulad ng mga bata na normal ang buhay kapag maiingay at kung tahimik na ay may nangyayari. Katulad din ng marshall law, tahimik ang kapaligiran subalit mag-iingat ka sa iyong sasabihin, sa iyong pupunahin. Maayos sa labas subalit bagabag at walang kapanatagan sa loob. Sinasabi na tayong Marinduqueño ay likas na tahimik, maaaring sabihin natin na likas pero nararapat ba, nakabubuti ba? Kung minsan kailangan mo ring manggulo upang magkaroon ng mas malalim na katarungan.
Ikalawa: Pagbabago o ang tinatawag nating Metanoia. Ang pagbabago ayon sa bibliya ay binubuo sa dalawang pagkilos: 1.Ikaw ay tumatalikod at ikaw ay bumabaling (conversion from and conversion to). Mayroon kang tinatalikuran at alam mo kung ano ang iyong tinatalikuran sapagkat kung hindi mo ito sinuri o hindi mo pinuna ay hindi ka rin kombensidong talikuran. Kinakailangang pagtuunan ng pansin at magnilay-nilay sumangguni ka sa iba, pag-usapan upang malaman kung ano ang matuwid at ano ang mali sapagkat sa unang tingin ang binubunsod ng ating puso ay maaaring mali kaya kailangang pag-isipan pero ang conversion na hinihingi sa atin ay hindi lang pangkaisipan, kailangang yakapin natin ito, kailangang buuhin ito sa ating puso, kailangang tayo ay maging kumbensido.
Ang katwiran ay di nagmumula sa isip kundi ito ay namumula sa puso huwag nating paghiwalayin. Minsan ang katwiran ay nagmumula sa utak, ang katwiran ay nagmumula sa puso. Huwag nating paghiwalayin ang dalawa kailangang sila ay magkaugnay, kailangan ang katwiran ng isip ay hindi katwiran ng puso. Tutulak ang puso na humahatak at naghahanap ng katwiran, pero katulad ng mga bata na hindi pa nag-iisip at hindi pa naturuan ng puso sila ay gawa lang ng gawa. May mga bagay tayong natutuhan sa paggawa ng karanasan at marahil maaaring unawain natin ito sapagkat ang paggawa ng katarungan minsan ay hindi tinutulak ng isip hindi tinutulak ng puso kundi natutuhan sa pagkilos. Kaya’t mahalaga ito sa ating pagbabago, sa ating pagtalikod sa mga bagay na di makatarungan, pagbaling, pagkapit, pagsulong ng katarungan sa isip, sa puso at sa gawa. Kailangang gawin natin ito bilang isang lipunan at ang katarungan ay hindi gawain ng iilan, kundi gawain ng lipunan. Tinuran ni Fr. Allan na ang katarungan ng madla, ay kabutihan ng madla at sa aking pagtuturo ito ay tinatawag kong buting tanan. Ang buting tanan ay unti-unting binubuo at binabago sapagkat ang hinaharap natin ay kabutihan ng hindi iisa, ng dalawa o ng tatlo kundi para sa kabutihan ng lahat. Ang kabutihan ng lahat ay kailangang isaalang-alang at tayo bilang lipunan ay maaaring maghati-hati. Ito ay ideolohiya na sinasabi na ang lipunan ay ito: sila ang puwersa – ang lipunan ng mayayaman ay walang lugar para sa mahihirap, mamamatay sila, mawala sila, mag-immigrate sila, wala kaming pakialam sapagkat ito ang aming daigdig. Ang kaliwa naman ay sinasabi na ang daigdig ay nahahati sa dalawa, ang mga panig: makabayan at hindi makabayan. Sa pamilya ba ganon ang ating paghahati? Paano ba natin hinahanay ang ating mga kasama sa pamilya? Pilit natin itong binubuo sapagkat ang pamilya ay paaralan ng lahat ng pinapahalagahan natin sa ating kultura.
Ang pagbabagong buhay ay pagbabago hindi lang ng isip, ito ay pagbabago ng puso, ng kilos at paano ito magaganap? Kailangang ito ay manggagaling sa Diyos, tulad ng nasa lumang tipan, paulit-ulit na pumupukaw ang Diyos sa puso ng iilan upang tumayo bilang mga propeta, upang tumayo bilang pwersa at pamuno upang mamahala sa kanilang bayan bilang mga hari.
Kailangang manalig tayo na kapag bukas ang puso sa kapwa at sa Diyos balang araw ay mayroon ding puso na aantigin ng Diyos na siyang tatayo at mangunguna sa kayang lipi at muli silang hahanguin sa kanilang kahirapan at ililigtas sa kanilag pagkaalipin.
Ang ikatlo: ang pinapaksa ng lahat na ito – ang katarungan. Una ay ang ating pananaw sa bahaging ito bilang ating mga minana. Napagdaanan natin sa ating kultura na ibigay sa eskwelahan, sa ating mga magulang na minana natin sa iba’t-ibang pangkat. Ang tinatawag nating klasikal o tradisyonal na kahulugan o “conceptual understanding of justice” ay nahahati sa tatlo: Commutative, Distributive at Social justice.
1. Commutative justice – ay katarungang suklian, halimbawa sasabihing: “gagawin mo ito, ito ang kasunduan nating dalawa”. Dalawang indibibwal o dalawang pangkat na nagkakasundo.
2. Distributive justice – ito ay hinihingi natin sa mga namumuno, sa mga pari, obispo at lahat ng nakatataas sa gobyerno. Ang gobernador ay dapat lahat binibigyan hindi lang ang punong lalawigan, hindi lang ang mayor, hindi lang iilan ito ay dapat sa lahat. Walang pinipili sapagkat siya ay hinalal ng bayan, ama ng lalawigan; katulad rin sa simbahan: siya ay obispo at pari sa buong parokya hindi lang para sa isa kundi para sa lahat, ito ang katarungang masasabi nating pantao lamang.
3. Social justice – ito ay ang pinakamagulo sapagkat ito ay pagtutuwid ng anumang mali.
Sa anumang pagtutuwid may masasagasaan. Halimbawa; may synod tayo mayroong masasagasaan, magpapagawa ka ng kalsada may masasagasaan. Hindi maiiwasan ang banggaan, kaya kailangang ito ay harapin sa simulat-simula pa lamang kaya kung minsan kinakailangang nating magparaya. Tulad rin sa pamilya, may isang nagpaparaya, at sa usaping panlipunan talagang ito ay mabigat at mahirap. Kaya itong minana nating katarungan sa dalawahan na galing sa taas at pagbubuo ng isang lipunan, sa pilosopiya pa lang ay mahirap nang harapin pero bagamat ito ay binuo ng isang classical theologian philosopher, may pagkakaiba ang tinatawag nating katarungang legal at ang katarungang moral. Bakit? Sapagkat ang batas kung minsa ay hindi makatarungan at dahil sa kukunti lang ang bumubuo ng batas ito ay may sariling interes at masasabi nating hindi makatarungan. Ginagawa ito hindi para sa lahat kaya ito ay sinasalungat ng iba na sumusuri sa kosepto ng katarungan. Suriin natin kung anong konsepto ng katarungan ang umiiral sa lipunan ngayon sapagkat ang katarungan ay maaring pinagtatanggol nito ang maling katarungan. Paano magiging makatarungan ang isang lipunan na ang mga babae ay nasa ilalim ng mga lalaki, nakababa sa mga lalaki? Paano magiging makatarungan ang isang magulang na itinuturing ang kanilang anak na isang kasangkapan lamang? Ito ba ay makatarungan? Ito ang daigdig nila noon: may naghahari at may pinaghaharian. Kaya bahagi ng pagsusuri ng katarungan na tanungin kung ang balangkas, ang ugnayan, ang mga proseso ng isang lipunan ay makatarungan o hindi. Paano ba nauugnay ang sinasabi ng Bibliya? Darating ngayon ang Banal na Kasulatan at nagsasabing ang Diyos ay hindi Diyos ng kaayusan. Nakita natin ang katarungan noon – ang babae ay may hawak na timbangan at nakapiring ang mga mata. Ngayon ay nakikita mo sa Banal na Kasulatan na ang Diyos ay malaki ang mata, bukas na bukas ang mata, nakatingin sa iisang tao, hindi pinapansin ang iba sapagkat sagana na sila, maganda, mabango, may posisyon sila. Ang hinahanap ng Diyos ay mga dukha, ang inaapi, mga nahihirapan, mga maliliit na hindi pinapansin, at walang tumitingin. Tulad ng sinabi ng Diyos: dahil ako ang Diyos, ako ang lumikha, sila ang mga anak ko, hahanapin ko sila, titingnan ko sila, mamahalin ko sila sapagkat sila ay salat. Katulad sa isang pamilya dapat ganon din ang puso ng ama at ina, dapat sa kanila magsisimula ang katarungan ng Diyos. Ang pakikinig sa hindi pinakikinggan, ang pagpansin sa hindi pinapansin, ang pagmamahal sa hindi minamahal, pagpapayaman doon sa walang nag-aaruga at dahil ginusto niyang ipakita sa kanila ang pagmamahal, gagawin niya sa kanila ang lahat ng ikabubuti- iyon ang katarungan ng Diyos, hindi ng tao. Ang katarungan ng tao ay katulad ng sinasabi na: “para magkasundo tayo, ang kasunduan natin ay ganito”.
Kaya sinasabi ng Diyos: “Ang Aking katuwiran ay hindi katulad ng katuwiran ng tao”. Samakatuwid ninanais ng Diyos na ang lahat ay maging bahagi ng kanyang angkan, ng kanyang lipunan. Kapag mayroon kang nais ituwid sa isang lipunan, mayroong masasaktan, mayroong magdaramdam, mayroong ayaw masasagasaan.
Ang katarungan ng Diyos ay hindi nagmumula sa katarungan ng tao kundi sa katuwiran ng Diyos at parang sinasabi ng Diyos:“kung ako ay Diyos hindi ko maaatim, hindi ko matitiis na ang aking mga anak na ito ay mabubuhay nang ganon na lamang”.
May tatlong kahulugan ang katarungan:
1. Katarungan na minarapat ng taong naririto ang mga kaugalian at ang mga batas. Ang katarungang ito ay sinasabi na dapat ay pantay-pantay.
2. Ito ay ang katarungan ng pangangailangan- kung ang isang tao ay gutom, maaari syang kumuha sa sobra ng iba bilang pamatid gutom. May karapatang ang tao sa kanyang kakailanganin upang mabuhay tulad ng tubig, silungan, pagkain at damit, kailangan ito upang mabuhay ng sapat at kinakailangang maibigay sa kanya ang karapat-dapat upang siya ay mabuhay bilang tao. Karapatan din na pumili ng magiging asawa, na tumira kung saan niya gusto, na piliin kung anong relihiyon ang kanyang sasampalatayanan at lahat ng mga bagay na tinatawag nating karapatang pantao. Kinikilala ang lahat ng ito at kinakailangang sukatin kung tinutugunan ang mga bagay na ito. Ang lipunang maraming nagugutom ay matatawag nating hindi makatarungang lipunan at obligasyon ng mga namumuno na baguhin ito.
3. Utang mo sa iyong sa iyong sarili, wala mang sumusumbat sa iyo, ikaw rin ng susumbat sa iyong sarili kung ikaw ay mayroong pakiramdam at pagpapahalaga sa iyong sarili bilang tao. Samakatuwid ang iyong pagiging matuwid sa iyong sarili ay may malalim na pakahulugan ng katarungan. Kung ikaw ay ama magpakaama ka, kung ikaw ay hari, magpakahari ka, kung ikaw ay obispo magpakaobispo ka at kung ikaw ay pinunuo ng gobyerno magpakapinuno ka, subalit hindi ibig sabihi ay sasagasaan mo ang iba, kundi maging tunay na pinuno, sapagkat ng akuin mo ang posisyon na iyan ay binalikat mo na rin ang tungkulin, utang mo ito sa iyong sarili at pagbabayarin ka rin ng Diyos kung hindi matupad ang iniatang niya sa iyo. Ngunit bakit ganito ang katarungan ng Diyos, sapagkat kahit siya ay Diyos, ito ay utang niya sa kanyang sarili, hindi siya nagpabaya at ang sabi niya: “Ako ay Diyos, hindi ako maaring magpabaya, hindi maaaring hindi kikilos ng ganito at ito ang tunay na katarungan.
Unang binigyan diin ni Fr. Miranda ang kultura ng mga Pilipino sa isyong Katarungan. Sinabi niyang ayon sa mga dalubhasa matagal bago isang Pilipino ay punahin ang mga namumuno. Labis-labis o sukdulan ang paggalang sa sibil at sa simbahan. Sa ugat ng ating kultura, lahat tayo ay magka-kapwa tao.
Binanggit niya ang tungkol sa accommodative values – pagpapahalagang mapagparaya – nag-uugat sa utang na loob, pakikisama, hiya alang-alang sa katahimikan. Ang confrontative values naman ay naka-ugat sa lakas ng loob, pakikibaka at bahala na. Inihalimbawa niya ang isang Nanay na parang tigre kung ipinagtatanggol ang anak.
Ipinagpaliwanag din ni Fr. Miranda ang Kaayusang Panlabas na may kinalaman sa ugnayan ng mga tao, istraktora at proseso na ginagabayan ng batas. Samantala ang kaayusang panloob ay panatag ang loob, normal ang buhay. Ang ibinigay niyang halimbawa ay ang Martial Law – tahimik ngunit mapanganib.
Tanong ni Fr. Miranda: Likas nga bang tahimik ang mga Marinduqueño? Ang metanoia na unang binanggit ni Fr. Allan Malapad ay pagbabago sa puso at sa gawa. Ito ay grasya na galing sa Diyos.
Samantala ang katarungan ay bahagi ng ating mga minana sa iba’t-ibang pangkat at kultura. May tatlong uri ang katarungan. 1) Commutative o Katarungang Suklian. Ito ay napagkasunduan ng 2 pangkat. Ito ang gagawin mo, ito ang gagawin ko. 2) Distributive Justice – ang pamahalaan o gobyerno dapat lahat binibigyan hindi lamang ang kanyang bayan kundi lahat o buong lalawigan. 3) Social Justice – pagtutuwid ng ano mang mali at hindi makatarungan sa lipunan. Sa ano mang pagtutuwid ay may masasagasaan. Kung meron kang gustong ituwid sa lipunan mayroon kang masasagasaan.
Katarungang legal – kung minsan ang isinasaad ng batas ay hindi makatarungan. Ito ay para sa ilan at hindi para sa lahat. Samantala ang katarungan ng Diyos ay hindi tulad ng tao. Ang lahat ay bahagi ng Kaniyang lipunan. Sa Bibliya ang Diyos ay malaki ang mata – hinahanap ang mga dukha, inaapi, maliliit, nahihirapan at walang umaaruga.
Ang tatlong kahulugan ng katarungan ay 1.) Katarungang Minarapat ng Tao – sa batas, ang lahat ay pantay pantay. 2.) Katarungan ng Pangangailangan – kung nagugutom, magnanakaw upang mabusog. Kumuha sa labis ng iba bilang pamatid uhaw. Sa mga kanayunan ay may namamatay sa gutom – walang katarungan. 3.) Katarungang Utang Mo sa Iyong Sarili – ikaw na rin ang susumbat sa iyong sarili. Gawin mo ang pinakamatuwid sa iyong sarili.
Kung ikaw ay ama, magpaka-ama ka! Kung ikaw ay ina, magpaka-ina ka!
Kung ikaw ay pari, magpaka-pari ka! Kung ikaw ay madre, magpaka-madre ka!
Kung ikaw ay hari, magpaka-hari ka!
“ANG TUNAY NA KATARUNGAN AY ANG GAWIN MO ANG KATUNGKULAN MO,”
Inihanda ni:
REV. FR. DIONICIO MIRANDA








