Diocese of Boac

Marinduque, Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pag-ibig at Kapayapaan

Synodal Statement

MENSAHE NG KAUNA-UNAHANG PANDIYOSESIS NA SINODO SA SAMBAYANAN NGDIYOSESIS NG BOAC

“DUC IN ALTUM, ECCLESIA PAUPERUM, IN JUSTITIA IN CHARITATE ET IN PACE.”

Ang binhi ng pananampalataya ay inihasik sa lalawigan ng Marinduque humigit kumulang ay limang daang taon na ang nakalilipas. Isang biyaya na ating kinikilala bilang regalo ng Diyos sa atin. Ito rin ay isang biyaya na ating ipinagpapasalamat sa mga misyonerong naging kasangkapan ng Diyos upang ang binhi ng pananampalatayang ito ay umusbong at mamunga ng sagana sa pag-usad ng panahon. Isang pagkilala rin at pasasalamat ang ating ibinibigay sa mga Ecclesiastical Jurisdictions, Authorities and Administrators na nagsilbing gabay sa pagtahak natin sa landas ng ating Panginoon Hesukristo – ang Arsidiyosesis ng Lipa at ang Diyosesis ng Lucena.

Taong 1978, tanda ng ating pag-unlad sa pananampalataya, nakamtan natin ang ating kasarinlan bilang isang Diyosesis mula sa ating Inang Diyosesis na nagsilang sa atin, ang Diyosesis ng Lucena sa bisa ng Apostolic Bull Cum Tempore Maturare ni Papa Pablo VI na nagtatalaga sa atin bilang isang Diyosesis. Itinalaga noong Mayo 10, 1978 ang Lubhang Kgg. Rafael M. Lim bilang kauna-unahang Obispo ng Diyosesis ng Boac.

Sa patnubay ng yumaong Obispo Rafel M. Lim, tayo ay bumuo ng isang pangarap: “Marinduque, Simbahan ng mga Dukha na may katarungan, pag-ibig at kapayapaan.” Itinaguyod at pinagsikapan nating lahat na maabot ang pangarap na ito para sa ating Diyosesis.

Sa taong ito, ipinagdiriwang natin ang Pinilakang Anibersaryo ng Pagkakatatag ng ating Diyosesis. Udyok ng malikhaing kaisipan at pagmamalasakit pastoral ng ating kasalukuyang Obispo Jose F. Oliveros, itinakda at isinagawa natin ang Kauna-unahang Pandiyosesis ng Sinodo. Ito ay naglalayon na: tayo ay magpasalamat sa Diyos sa lahat ng biyayang ipinagkaloob Niya sa atin sa nakalipas na mga taon; magkaroon ng isang masusing pagtatasa sa ating buhay pananampalataya at gawaing pastoral sa mga nakalipas na taon hanggang sa kasalukuyan at magkaroon ng isang mahusay na pagpaplano para sa ating kinabukasan bilang isang Diyosesis. Ang ganitong gawain ay batay na rin sa inilathala ng ating Santo Papa Juan Pablo II sa kanyang Sulat Ensiklikal na pinamagatang Tertio Milennio Ineunte na nagsasabing “ang lahat ng ito ay ating ginagawa upang matuklasan at mapagnilayan ang mukha ni Kristo. Sapagkat ang ating pagsaksi ay magiging walang kabuluhan kung hindi natin matutuklasan at mapagninilayan ang mukha ni Kristo.” Ganoon din naman, ang ating pagsasariwa at pagpapanibago ng sarili at ng ating simbahang lokal ng Diyosesis ng Boac bilang sambayanan ng mga alagad ni Kristo, ay naglalayong magdala sa atin at sa ating simbahan sa kabanalan.

Tinatanggap nating lahat na sa nakalipas na panahon hindi pa rin naging lubos ang ating tagumpay sa ating pinapangarap na Marinduque, simbahan ng mga dukha na may katarungan, pag-ibig at kapayapaan. Buong kapakumbabaan nating tinatanggap bilang pari, relihiyosa at layko ang lahat ng mga kahinaang ito, subalit puno ng panibagong pag-asa at pananalig sa Diyos, taglay ang Kanyang biyaya , ang lahat ng ating kakulangan ay mapupunan. Sapagkat tayo ay naniniwala na ang Diyos “ay nagbibigay ng biyaya sa mga mahihina (Santiago 4:6); at ang biyaya ng Diyos ay sapat para sa atin (2 Cor 12:9).

Sa pagtahak natin sa panibagong yugto ng ating buhay bilang isang simbahan, matapos ang anim na araw na pagbabahaginan, pagtatalakay, at mga pagninilay, tayo ay muling isinusugo ni Kristo: “Duc in altum, Ecclesia pauperum, in justitia, in charitate et in pace.” Isang bagong pagtugon at pakikiisa sa misyon ni Kristo.

Pagkatapos niyang magsalita ay sinabi kay Simon, “pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.” Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod at wala kaming nahuli. Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat. Gayon nga ang ginawa nila at sa dami ng kanilang huli ay halos magkansisira ang kanilang lambat. Kayat kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa ibang bangka upang patulong, at lumapit naman ang mga ito. Napuno ang dalawng bangka na halos lumubog.” (Lukas 5:4-7)

Sa pagtugon sa hamon at misyon ni Kristo itinatalaga namin ang aming sarili sa pagsasagawa ng mga sumusunod na misyon: Una, kilanlin at tanggapin bilang tao ang kahalagahan ng pagbabalik-loob na nagmumula sa pagtalikod sa lahat ng kasamaan at kasalanan at pagharap sa bago at banal na pamumuhay, kung saan, hindi lamang ang ating kaisipan ang pina-iiral sa pagsasabuhay ng katarungan kundi ang puso at pagmamahal na siyang nagpapaging-ganap dito. Alalaong baga’y hindi ang katarungan ng tao ang magiging batayan kundi ang katarungan ng Diyos na tumitingin sa karapatan at dangal, pangangailangan at pagiging makatuwiran ng isang tao. Ikalawa, mahalin ang ating kapwa katulad ng pagmamahal ng Diyos sa kanyang bayan, katulad ng pagmamahal ng mapagpatawad ng Ama sa kanyang alibughang anak. Isang uri ng pagmamahal na katangi-tangi at walang pasubali, katulad ng pagmamahal ng isang magulang sa kanyang kaisa-isang anak. Isang uri ng pagmamahal, hindi lamang sa salita kundi sa gawa. Ang ganitong uri ng pagmamahal ay nagpapatingkad sa karanasan ng tao na sila ay mahal ng Diyos at nagbibigay sigla sa pag-ibig sa Diyos. Katulad ng Mahal na Birhen Ina ng Biglang-Awa, ang bawat isa sa atin ay inaasahan na maging panibagong dimension ng pagmamahal ng Diyos. Ikatlo, magkaisa sa pagtataguyod ng mga programa at mga proyektong magmumulat, magbubuo, magpapakilos at magpapaunlad sa sambayanan ng Marinduque tungo sa kapayapaan na nakaugat sa katotohanan, nakatayo sa katarungan, binigibyang buhay ng pag-ibig at ginaganap sa kalayaan. Ikaapat, magkaroon ng malalim na pagkakaunawa sa kahulugan ng simbahan ng mga dukha at patingkarin ang mga programa na magsusulong sa ating pagmamahal na may pagkiling sa mga dukha hindi lamang upang sila’y lubos na mapaglingkuran kundi mabigyan din ng pagkakataong makisangkot sa gawaing Ebanghelisasyon.

Sa pagtatapos ng Kauna-unahang Pandiyosesis na Sinodong ito, aming ipinapahayag ang limitasyon ng gawaing ito. Hindi namin kayang batahing nag-iisa ang mga pagbabagong inaasahan para sa ating sambayanan. Hindi magkakaroon ng makabuluhang pagpapatupad ang mga magagandang dekretong bunga ng Sinodong ito, tungo sa katuparan ng ating pangarap: “Marinduque, Simbahan ng mga dukha, na may kartarungan, pag-ibig at kapayapaan, kung wala ang mahalagang tulong at pakikiisa ng buong sambayanan sa ating pandiyosesis na simulain.

Kung kaya nga, sa pangunguna ng ating minamahal na Obispo, mga pari, relihiyosa at mga layko na bumubuo ng Sinodong ito – ipinamamanhik namin sa inyong lahat na mananampalataya ng simbahang lokal ng Diyosesis ng Boac dito sa Marinduque na sama-sama nating isulong ang simulaing ito, tungo sa katuparan ng ating pangarap at kaganapan ng ating buhay kristiyano. Purihin nati’t pasalamatan ang Diyos, sapagkat walang hanggan ang Kanyang awa. Kasama ni San Pablo buong tapang at pagtatalaga ng ating sarili, ipahayag natin: “magagawa ko ang lahat ng bagay sa pamamgitan ni Kristo na Siyang nagbibigay sa akinng lakas.” ( Fil 4:13)

Para sa kinatawan ng Kauna-unahang Pandiyosesis na Sinodo ng Diyosesis ng Boac, MSGR. SENEN M. MALAPAD, Pangulo ng Sinodo