Diocese of Boac

Marinduque, Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pag-ibig at Kapayapaan

Ang Morion ng Marinduque


Ang PAGUTAN SA MARINDUQUE – MARTIRYO NI SAN LONGINO ay bahagi ng huling yugto ng dula tungkol sa Kasaysayan ng Pagpapakasakit, Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesu-Cristo. Ang hiwagang ito ng Pagpapakasakit, Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ng Panginoon ay siyang ipinagdiriwang ng Simbahan sa buong sanlinggo na tinatawag na Mahal na Araw o Semana Santa.

Ang huling tatlong araw ng Semana Santa ay tinatawag na TRIDUO NG PASKO NG PAGKAMATAY AT MULING PAGKABUHAY NG PANGINOONG JESU-CRISTO. Nagsisimula ito sa Misa ng Huwebes Santong hapon at sumusukdol sa Misa ng Paglalamay sa Gabi ng Sabado at nagtatapos sa hapon ng Linggo ng Muling Pagkabuhay.

MORION, KATHANG ISIP NI PADRE DIONISIO SANTIAGO

Ang Morion ay isang Kathang-isip ng malikhaing si Padre Dionisio Santiago, naging Kura Paroko ng Bayan ng Mogpog. Sinasabi ng mababasang kasaysayan, na mula noong Semana Santa ng taong 1807, tuwing tanghali ng Biyernes Santo, mula alas dose hanggang alas tres ng hapon, isinasadula ang pagpapako kay Jesus sa Krus.

Sa loob ng mga oras na ito isinasagawa ang pagninilay sa Pitong Huling Wika ng naghihingalong Kristo.

Nanduruon sa paligid ng nakapakong Kristo ang Birhen Dolorosa, ni Sa Juan, Apostol at ni Sta Ma. Magdalena. Nanduruon ding nakatayo ang ilang tao na nakasuot ng maskara ng MORION o HELMET upang kumatawan sa mga Judio at kawal ng hukbong Romano, na sumaksi at nangasiwa sa pagpapako at pagkamatay kay Hesus.

Ang taunang pagsasadula ng drama ng pagpapako at pagkamatay ng Panginoon ay isinasagawa taun-taon, mula nga noong 1807, upang makaakit ng higit na maraming mananampalataya na makiisa sa pagdiriwang ng Triduo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. lto’y patuloy na isinasagawa taun-taon, kahit hindi na si P. Dionisio Santiago ang Kura Paroko ng Parokya ng Mogpog hanggang sa ito’y maging isang kostumbre sa Parokyang ito, isang pangpenitensyang panata.

SAN LONGINO

lsa sa mga Moriong Romano ay ang Kapitan na binabanggit sa Ebanghelyo nina San Mateo 27:54, San Marcos 15:39 at San Lucas 23:47. Siya ang namuno sa mga Kawal na nagbantay at nangasiwa sa pagpapahirap at pagpapako sa Krus kay Hesus. Siya ang Kawal na tinutukoy ng Ebanghelyo ni San Juan 19:34 na umulos ng sibat sa tagiliran ni Hesus na mula doon ay may dumaloy na dugo at tubig

Sa wikang Griyego ang sibat ay tinatawag na LONGHE. At mula sa salitng ito hinalaw ang salitang LONGINO na ipinapatungkol sa KawaI na siyang umulos ng sibat sa tagiliran ni Hesus.

Ang taguring LONGINO ay hindi isang pangalan, kundi ito’y tumutukoy sa gawang ginampanan ng ng kawal ng siyang sumibat sa tagiliran ni Kristo.

Nang maramdaman ang lindol at masaksihan ni Longino ang lahat ng mga kagila-gilalas na pangyayari nang namatay si Hesus noong Biyernes Santong hapon, sinabi niya “Tunay ngang matuwid ang taong ito” (Lk. 23:47). “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito” (Mc. 15: 39).

At nang masaksihan niya ang mga kamangha-manghang pangyayari noong umaga ng Linggong ng Muling Pagkabuhay ni Hesus, hindi niya nakayanang ilihim o pabulaanan ang katotohanan tungkol sa Muling Pagkabuhay ni Kristo.

Sa kabila ng panunuhol ng mga punong sacerdote at ng mga matatanda ng Bayan (Mt.28:11-15) at sa harap ng mga pagbabanta at panganib sa kanyang buhay, ipinasiya niyang ipamalita at ipagsigawan na “SI KRISTO’Y MULING NABUHAY!”

Ito ang puno’t dulo ng kinagisnan nating kaugalian dito sa Marinduque na tinatawag na “PUGUTAN”

Dito ang atraksiyon ay nakasentro sa Kapitan ng mga Kawal na binabanggit ng Ebanghelyo na may dalang sibat (longhe sa Griyego) at siyang umulos at sumibat sa tagiliran ng bangkay ng nakapakong Kristo (Jn. 19:34).

Ang kapitang ito ng mga Kawal ang tinatawag na LONGINO. Siya ang malakas at matibay na saksi ng pagkamatay ni Kristo sa Kalbaryo at ng Muling Pagkabuhay noong madaling araw ng Linggo.

Subali’t ang araw ng kamatayan ni San Longino ay hindi ang mismong araw ng Muling Pagkabuhay ni Kristo. Sinasabi ng Talambuhay ng mga Santo na matapos ang mga magugulong pangyayari na may kaugnayan kay Hesus na taga Nazareth na personal niyang nasaksihan, siya’y kumalas sa paglilingkod sa Hukbong Sandatahan ng Emperio Romano. Siya’y naging Kristiyano, inaralan ng mga Apostol at naging isang banal na Monghe sa Capadocia. Siya’y nagpatotoo sa Muling Pagkabuhay ni Kristo hanggang siya’y dakpin at pugutan ng ulo bilang isang Martir o saksi ni Kristo.


Itinatala ng Martirologiyo Romano ang Kapistahan ni San Longino sa ika-15 ng Marso.