Diocese of Boac

Marinduque, Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pag-ibig at Kapayapaan

Pagdiriwang ng ika-25 Anibersaryo ng BPK

By Diocese of Boac • May 21st, 2008 • Category: Pastoral Letters

LIHAM PASTORAL BLG. 3, SERYE 2007

6 MAYO 2007

Minamahal kong mga kapatid na pari, mga madre, mga bumubuo at opisyales ng Konseho Pastoral sa lahat ng parokya, mga Samahang Banal, mga Community Organizing Volunteers, mga Batayang Pamayanang Kristiyano (BPK) Units, mahal na bayan ng Diyos sa Diyosesis ng Boac, lalawigan ng Marinduque:

“Ang marapat na tulunga’y ang mahina at mahirap,
Sa kamay ng masasama sila’y dapat iligtas.”
(Awit 82:4)

Bukas ika-7 ng Mayo 2007 ay ipagdiriwang natin ang Ika-25 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Batayang Pamayanang Kristiyano dito sa ating Diyosesis ng Boac. Ipinaaabot ko ang aking taos-pusong pagbati sa inyong lahat, lalo’t higit sa mga taong naging instrumento ng Diyos sa pagbubuo at pagpapatatag ng mga Batayang Pamayanang Kristiyano sa buong Diyosesis ng Boac. Nais kong bigyan ng karampatang pagkilala ang kasipagan, dedikasyon sa trabaho, pagtatalaga ng sarili at pagmamahal sa mga mahihirap, ng mga naging Direktor, pamunuan, kawani at mga manggagawa ng Social Action Commission, sa iba’t-ibang programa na kanilang binanghay at ipinatutupad tungo sa katuparan ng pananaw ng ating diyosesis na: “Marinduque: Simbahan ng mga Dukha na pinaghaharian ng Katarungan, Pag-ibig, at Kapayapaan.”

Simula pa nang itatag ang ating diyosesis noong Mayo 10, 1978, naging bahagi na ng pangarap ng yumaong Obispo Rafael M. Lim (Kauna-unahang Obispo ng Boac) sa mga pagpaplanong pastoral, kasama ang kaparian ng buong diyosesis ang pagtatatag ng Batayang Pamayanang Kristiyano o BPK bilang pagpapanibago ng pagtugon sa pangangailangan at misyon ng simbahan, na naglalayon na makamit ang pangkalahatang pag-unlad ng tao. Ito ang konkretong pamamaraan na itinalaga ng Diyosesis ng Boac upang maipagpatuloy ang misyon ni Kristo na paglingkuran ang mga mahihirap. Ito rin ang nasasaad sa Awit 9:18: “Di habang panahon na pababayaan ang nangaghihirap. Maging mga api, may bagong pag-asa na muling sisikat.”

Pagkalipas ng mahabang panahon, ang bansang Pilipinas bilang isang simbahan ay nagkaroon ng masusing pag-aaral kung papaano higit na mapaglilingkuran ang mga kapos-palad. Ang Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas (PCP II) noong 1991 ay nagnilay at nagkaroon ng isang konkretong programa na nagbibigay ng pagtatangi at pagkilala sa mga dukha bilang mahalagang bahagi ng sambayanang kanyang pinaglilingkuran. Kung kaya ang diin na ibinigay sa mission statement ng PCP II ay ang tinatawag nating preferential love for the poor. Ito rin ang pinagtibay ng mga dekreto na nabuo sa Kauna-unahang Pang-Diyosesis na Sinodo sa Diyosesis ng Boac noong Mayo 2003. “Magkaroon ng malinaw at malawak na mga programa at aktibong ipatupad para sa pagtulong sa mga dukha upang maiangat ang antas ng kanilang kabuhayan.”[DSD n. 136] Ganun din naman hinihiling sa atin na ‘hubugin ang mga Batayang Pamayanang Kristiyano (BPK) sa diwa ng kooperatibismo sa liwanag ng Mabuting Balita bilang napakagandang pamamaraan tungo sa demokratiko, makatarungan, maunlad at mapayapang pamumuhay.’ [DSD n. 140] Nagpapatunay lamang na ang landas na tinutungo ng ating Diyosesis ay malinaw na pagsunod sa hinihiling ng ating Inang Simbahan at ng Banal na Kasulatan. “Ang hiling lamang nila ay huwag naming pabayaan ang mga dukha na talaga namang pinagsisikapan naming gawin.” [Gal. 2:10] Sinabi naman ni San Pablo sa kanyang Ikalawang Sulat sa mga taga-Corinto: “Alam ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig ng ating Panginoong Jesu-Cristo na bagamat mayaman ay nagpakadukha upang yumaman kayo sa pamamagitan ng kanyang karukhaan.” [2 Cor 8:9]

Simula noong Mayo 1982 hanggang sa kasalukuyan, pagkatapos ng dalawampu’t limang taon, nagkaroon tayo ng kabuuang 141 BPK Units sa 110 barangay na sakop ng iba’t-ibang parokya sa buong diyosesis. Iba’t-ibang proyekto ang inilunsad upang bigyang buhay at panibagong pag-asa ang mga mahihirap na bumubuo ng ating simbahan. Sa simula ay ang mga paghuhubog na tutugon sa kanilang paglago bilang isang tao, bilang isang mabuting mamamayan at maaasahang tagasunod ni Kristo. Pagkatapos nito ay pinagsikapan naman ng ating diyosesis na maglunsad ng iba pang mga proyekto para maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay. Ilan sa mga proyekto para sa Batayang Pamayanang Kristiyano ay ang mga sumusunod: Alternative Health Care, Hapag-asa (Nutrition Program), Sustainable Agriculture (High Value Crop Production and Marketing), Solid Waste Management, Environmental/Ecological Orientation Seminar, Tree Planting, Livelihood Assistance (Loan for Capital for Income Generating Projects) and Technical Agricultural Assistance, Cooperative-MASAMCO (Loan and Credit Services to BPK) at ang pinakahuli ay ang Pabahay na ating sinimulan nitong nakaraang Pebrero taong kasalukuyan.

Ang lahat ng ito ay pinagsisikapan nating gawin bilang pagtugon sa hinihiling sa dekreto ng ating Unang Sinodo: “Maglaan ang Diyosesis at mga Parokya ng sapat na pondo para sa pagsuporta sa pagbubuo ng mga Batayang Pamayanang Kristiyano (BPK) para sa kanilang total human development o ganap na kaunlarang pantao.” [DSD n. 141] Tunay nga na maipagmamalaki natin ang ating mga BPK Units sa buong bansa sa aspeto ng kanilang narating na pag-unlad sa buhay. Totoo ang sinasabi sa Aklat ng mga Awit: ‘dinirinig ng Diyos ang may kailangan, lingkod na bilanggo’y di nalilimutan,”[Awit 69:33] Ibig ng Panginoong Hesus na makalaya sa pagkaalipin sa anumang di maayos na kalagayan ang tao…..”nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.”[Mateo 11:5] Kung magpapatuloy ang ganitong larawan ng ating pamayanan, ang mga layunin ng ebanghelisasyon ng buong simbahan ay magdudulot sa ating lahat ng ganap na espirituwalidad. Ito rin ang pinapangarap ng Simbahan sa buong bansa ayon sa Ikalawang Konsilyo Plenarya ng Pilipinas (PCP II): isang ganap na espirituwalidad na nakaugnay sa Panginoon, taglay ang katarungan at pag-ibig sa kapwa tao; sama-sama sa pagkilos tungo sa pagbabagong-anyo ng mundo; naghahangad ng kaligtasan ng kabuuan ng tao; pagbabago sa pag-uugali at mga istrukturang pang-simbahan at panlipunan; pagsasabuhay ng pananampalatayang ipinahahayag, at pakikiisa sa misyon at buhay ng simbahan..[Tingnan sa PCP II, n. 188]

Minamahal na bayan ng Diyos, pangarap ko bilang inyong Obispo na sa darating pang mga panahon, higit pang mas maraming Batayang Pamayanang Kristiyano (BPK) ang mabubuo sa ating diyosesis. Sa sama-sama nating pagkilos at pagtutulungan ang pananaw natin bilang isang diyosesis na: Marinduque: Simbahan ng mga dukha na may katarungan, pag-ibig at kapayapaan ay magkakaroon ng kaganapan. Sa tulong ng Mahal na Birhen ng Biglang-Awa, nawa ang bawat isa sa atin, mayaman o mahirap, bata o matanda ay maglaan ng ating sariling panahon, talino at yaman tungo sa kaganapan ng buhay sa ating sambayanan..

Pagpalain nawa kayo ng Poong Maykapal!

+ REYNALDO G. EVANGELISTA, D.D.
Obispo ng Boac

Leave a Reply

Security Code: