Diocese of Boac

Marinduque, Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pag-ibig at Kapayapaan

Ang Pari at ang Samahan sa Masayang Taon ng mga Pari

By Diocese of Boac • Jul 7th, 2010 • Category: Editorial

Matagumpay na naidaos ang pagtatapos ng Taon ng mga Pari sa diyosesis. Isang simple subalit makabuluhan at solemneng pagdiriwang na pinasimulan sa isang prusisyon at nagtapos sa Banal na Misa na pinamunuan ng Lubhang Kgg. Reynaldo G. Evangelista DD. Kasama ang mga pari ng diyosesis at ang buong sambayanan.

Sa buong taon na nagdaan, sandaling naipihit ng buong diyosesis ang pans in nito sa buhay at kahalagahan ng pari. Nagkaroon din ng pagkakataong makabisita sa ating lalawigan ang mga pari ng Timog Katagalugan na tinatawag na SOLTARE (Southern Luzon Tagalog Region Sports Festival noong Oktubre 2009. Naging lubos na makahulugan din ang pagtitipon ng mahigit 5,400 na mga pari ng buong Pilipinas noon nakalipas na buwan ng Enero 2010.

Salamat sa Diyos sa napakadakilang biyaya, ang pagsusugo niya ng mga pari sa Kanyang sambayanang uhaw sa Salita ng Diyos at sabik sa pagtanggap sa Kamahal-mahalang Katawan at Dugo ng ating Panginoong Hesukristo at sa mga biyayang makalangit na nakakamtan natin sa pamamagitan ng mga pari. Ayon ka San Juan Ma. Vianney:

“Without the priest, the passion and death of our Lord would be of no avail. It is the priest who continues the work of redemption on earth. … What use would be a house filled with gold, ‘were there no one to open its door? The priest holds the key to the treasures of heaven: it is he who opens the door: he is the steward of the good Lord; the administrator of His goods. … Leave a parish for twenty years without a priest, and they will end by worshipping the beasts there. … The priest is not a priest for himself, he is a priest for you.”

Napakahalaga nga ng papel ng pari sa buhay ng tao. At nakatutuwa rin na lalo pang nabigyang-pansin ng mananampalataya ang pagpapakita ng malaking suporta sa mga kaparian hindi lamang sa pamamagitan ng pananalangin kundi pati na rin sa pang-pinansyal na pangangailangan.

Kapuri-puri sa kasigasigan ng butihing Obispo na siyang nagpasimula ng Samahan ni San Juan Maria Vianney.

Ang presensyang Samahan ni San Juan Maria Vianney ay isang konkretong pagtugon sa hamon ng pagpapahalaga sa mga lingkod ng Diyos. Kapuripuri din ang walang kapagurang pagsisikap at sama-samang pagkilos ng Pandiyosesis at Pamparokyang Yunit upang maipalaganap sa buong diyosesis ang Samahang nagtataguyod sa mga pari.

Ang mga biyayang ito sa Diyosesis ng Boac ang siyang lalo pang nagpapatibay at nagpapasigla ng bokasyon at pagmimisyon ng ating mga lingkod-pari. Nawa’y magpatuloy ang magandang simulain ng Samahan ni San Juan Maria Vianney at ang maalab na pagtugon ng mga kaparian sa buhay at tungkuling ipinagkatiwala sa kanila Mabuting Pastol at Dakilang Pari!