Cardinal Vidal, nagdiwang ng Silver Jubille

Cebu City – Ipingdiwang ng Arsediyosesis ng Cebu ang pagsapit ng ika-25 taon ng pagka-Cardinal ng Kanyang Kabunyian Ricardo Cardinal Vidal noong Mayo 25, 2010.

Isinagawa ang Banal na Misa sa ika-l 0 ng umaga sa Cebu Metropolitan Cathedral na pinamunuan na rin ng butihing Cardinal. Kaisa niya sa napakahalagang araw na iyon ang Papal Nuncio to the Philippines na si Archbishop Eduard Joseph Adams, ang Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales na siyang nagbigay ng homilia at mga Obispo at kaparian.

Matapos ang Banal na Misa, tumuloy ang mga panauhin sa Waterfront Hotel para sa pananghalian at launching ng aklat ng talambuhay ng butihing Cardinal.

Dalawampu’t limang taon na ang nakakaraan, noong Mayo 25, 1985 nang matanggap ni Cardinal Vidal ang tinatawag na “Red Hat of the Cardinalship” mula sa yumaong Papa Juan Pablo II. Siya ang ikaapat na naging Pilipinong Cardinal. Nauna sa kanya sina Rufino Cardinal Santos, Julio R. Cardinal Rosales at Jaime Cardinal Sin. Sinundan naman siya nina Jose Cardinal Sanches at Gaudencio Cardinal Rosales na kasalukuyang Arsobispo ng Maynila.

Natatanging si Cardinal Vidal na lamang ang nananatiling nasa aktibong ministeryong pastoral mula sa 28 Cardinal na kasabay niyang tumanggap tungkulin bilang Cardinal noong 1985.

Minabuti ng kasalukuyang Papa Benedicto XVI na ipagpatuloy ni Cardinal Vidal ang kanyang paglilingkod matapos na siya ay magdiwang ng ika-75 taong kaarawan noong 2006. Bago dumating ang nasabing pagdiriwang, dumalaw muli ang butihing Cardinal sa Diyosesis ng Boac upang pamunuan ang pagdiriwang ng kapistahan ng kanyang bayang sinilangan, ang Parokya ni San Isidro Labrador sa Mogpog noong Mayo 15. Nagkaroon din siya ng pagkakataong magdiwang ng Banal na Misa sa mga parokya sa Brgy. Balanacan at sa bayan ng Gasan noong Mayo 19.