Diocese of Boac

Marinduque, Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pag-ibig at Kapayapaan

Mga Panuntunang Pangliturhiya ukol sa Pagsasa-abo

By Diocese of Boac • May 21st, 2008 • Category: Pastoral Letters

Batay sa isang Paglilinaw mula sa Holy Office noong ika-8 ng Mayo, 1963, ang pagsasa-abo ng labi ng katawan ng yumaong Kristiyano bilang isang paraan ng paglilibing ay sinimulang tanggapin, kung ito’y hindi sa kadahilanan ng pagtanggi sa mga aral ng Simbahan, o galit ng isang lihim na samahan, o pagkamuhi sa relihiyong Katoliko at sa Simbahan. Ang naturang Paglilinaw ay nagmumungkahi pa rin sa nakagawiang magalang na paglilibing sa yumaong Kristiyano. Makikita rin ang mungkahing ito sa 1983 Code of Canon Law (can. 1176, #3).

Bagama’t ang paglilibing sa lupa ay nananatili pa ring kaugalian sa Pilipinas, unti-unti namang tinatanggap ang paraan ng pagsusunog sa katawan ng yumao upang maging abo, lalo na sa mga lugar na mayroon ng “crematorium”. Ang pagtanggap sa ganitong paraan ng Paglilibing ay nag-uugat sa iba’t-ibang mga kadahilanan tulad ng pag-iwas sa paglaganap ng sakit at sakuna, o dahil sa kakulangan ng pananalapi ng namatayang pamilya, o dahil ito ang nais ng yumao. Sa mga nakaraang taon, iba’t-ibang mga pamamaraan o kaugalian ang nagsimulang ipalaganap kaugnay ng pagsasa-abo na kadalasan ay taliwas sa itinuturo ng Simbahan. Dahil dito, nais ng Episcopal Commission on Liturgy, sa kapahintulutan ng Kapulungan ng mga Obispo ng Pilipinas (CBCP), na magbigay linaw at gabay hinggil sa mga bagay na ito:

1. Ang pagsasa-abo ay maaaring gawin bago o pagkatapos ng pagdiriwang ng Misa para sa paglilibing ng yumaong Kristiyano.

2. Kapag ang pagsasa-abo ay gagawin pagkatapos ng Misa, ito (Misa) ay wawakasan sa pamamagitan ng Huling Paghahabilin at Pamamaalam. Samantalang ginaganap ang pagsasa-abo, hinihikayat ang pamilya at mga kaibigan ng yumao na magtipon upang manalangin. Maaaring maipagdiwang ang Liturhiya ng Salita ng Diyos o ibang mga panalangin tulad ng Santo Rosario. Pagkatapos ng pagsasa-abo, ang mga abo ng yumaong Kristiyano ay dapat ilagay sa isang karapat-dapat na lalagyan at buong pitagan na dadalhin sa pook ng paglilibingan.

3. Kung ang pagsasa-abo naman ay gagawin bago ang Misa Para Sa Paglilibing, maaaring ganapin ang ritu ng Huling Paghahabilin at Pamamaalam sa “crematorium chapel” bago ang pagsasa-abo. Pagkatapos ng pagsasa-abo, ang Misa Para Sa Paglilibing ay maaaring ipagdiwang sa harap ng abong-labi ng yumao. Kung wala namang Misa Para Sa Paglilibing, ang Pagtitipon sa Simbahan para sa Paglilibing Kapag Walang Pagmimisa ay gaganapin sa harap ng abong-labi ng yumao. Ang Banal na Misa o ang Pagtitipon sa Simbahan para sa Paglilibing Kapag Walang Pagmimisa ay tatapusin sa pamamagitan ng ritu ng Huling Paghahabilin at Pamamaalam, kung ito’y hindi ginawa bago ang pagsasa-abo. Kinakailangang ding palitan ng katagang “labi” ang katagang “katawan” sa mga panalangin sa pagdiriwang (liturgical formularies).

4. Kinakailangang ilibing ang abong-labi sa isang libingan, mausoleum, o columbarium. Ang pagsasabog ng mga abong-labi sa dagat at sa kalawakan ay salungat sa aral ng Simbahan hinggil sa paglilibing ng yumaong Kristiyano. Gayundin naman, hindi ipinahihintulot ang pagtatago ng lalagyan ng abong-labi sa loob ng tahanan o sa altar ng mga tahanan. Kung maaantala ang paglilibing ng abong-labi, ito’y maaaring pansamantalang itago sa isang angkop na lugar.

5. Bilang paggalang sa labi ng yumao, iminumungkahi na ang bawat simbahan o kapilya ay magkaroon ng karapat-dapat na lalagyan ng abong-labi na siyang gagamitin sa oras ng pagdiriwang pangliturhiya.

6. Hindi ipinahihintulot na magtayo ng columbaria sa loob ng simbahan, bagkus ito (columbaria) ay dapat na itayo sa isang hiwalay na kapilya na karatig ng simbahan o sa isang kripta.

Nawa’y ang paglilinaw na ito ay maituro din natin sa ating mga mananampalataya ng sa gayon ay makasunod sila sa tamang mga gawain bilang mga Katoliko.

Leave a Reply

Security Code: