Diocese of Boac

Marinduque, Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pag-ibig at Kapayapaan

Ang Mabuting Pastol

By Pulso • May 5th, 2010 • Category: Editorial

Matapos ang muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus, pumili siya ng mga natatanging tao bago umakyat sa langit upang may mamahala sa kanyang kawan. Ibinigay niya sa kanila ang kapangyarihang mamuno sa sambayanan. Isang pamumuno na nakabatay sa pagiging isang mabuting pastol tulad ng ipinakita niya sa kanyang mga alagad. Ito’y ang “pag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga tupa upang sila mismo ay magkaroon ng buhay na ganap at kasiya-siya.”

Ang pagdiriwang ng Lingo ng Mabuting Pastol ay may magandang mensahe sa atin sa panahong ito ng halalan. Ilang araw na lang at muli na naman tayong pipili ng mga lider ng pamahalaan. Paikot-ikot ang mga kandidato at abalang-abala sa panliligaw sa taong bayan upang bigyan sila ng pagkakataong makapaglingkod muli bilang lider. Lumalapit nga sila sa atin ngayon sapagkat tayo ang may kapangyarihang magluklok sa kanila sa pwesto na kanilang hinahangad. Kung paanong pinili ni Jesus ang kanyang mga apostol sa pagtitiwalang magiging mabuting pastol ang mga ito sang-ayon sa kanyang natatanging timbangan, inaanyayahan din tayo na pumili ng nararapat at naaayon sa ating konsiyensya.

Masakit mang isipin,tuwing eleksyon, maraming tao ang hindi nakapamimili ng wasto at sang-ayon sa kanilang malayang pagpili at pagpapasya. Ito ay sa kadahilanang talamak ang pamimili ng boto sa ating probinsiya.

Kung ating pagninilayan ang gawaing ito, makikita natin na ang pamimili ng boto ay taliwas sa pagiging isang mabuting pastol at tapat na lider. Bakit nga ba kailangan pang bilhin ang boto ng kapwa kung ang nais niya ay totoong paglilingkod nang walang hinihintay na anumang kapalit?

Bakit nga ba kailangang bumaha ng pera sa gabi bago magkaroon ng halalan? Ibig sabihin, ang mga gawaing ito ay tumutukoy sa pagkahumaling sa kapangyarihan at karangalan, takot sa pagkatalo at tila ba nagiging palabigasan na lamang ang kanilang pwesto sa gobyerno.

Bato-bato sa langit, ang tamaan huwag magagalit. Ngunit kung susumahin natin kung gaano kalaki ang nagagastos ng isang namimili ng boto sa libo-libong botante, Aba! Milyon-milyon mandin kapatid kumpara sa sweldong tatanggapin nila kapag sila’y nahalal na! Hindi na natin kailangan ang magbolahan pa sa puntong ito ng halalan. Kung nais natin ng mabuting lider, pumili tayo ng tulad sa pagpili sa isang mabuting pasto!.

Pagpili sang-ayon sa sariling kalooban. Pagpili nang walang hinihintay na salapi o walang inaalaalang utang na loob kanino man kundi ang nararapat ang siyang ihahalal para sa mas mabuting kinabukasan.

Sa sistemang VOTE BUYING sino nga ba ang tunay na lugi? Ilang araw ba ang tagal sa bulsa ng perang ipinambili sa karapatan nating pumili? Ilang taon naman ang tagal ng taong namimili ng boto kung sila’y mahahalal? Paano niya babawiin ang milyon-milyong ipinambili sa bato natin? Paano pa nga ba maaayos ang ating naghihingalong KURYENTE, ang DE-PALITADA at lubak-lubak na KALSADA, ang mabagal na TRANSP0RTASYON, ang HOSPITAL, TUBIG at marami pang iba na nangangailanganng sapat na atensyonng ating mga lider!

Gawin natin ang tamang pagpili sa isang mabuting pastol na maghahatid sa atin sa isang mainam na pastulan at isang masaganang batis ng buhay. “Isang pastol na handang mag-alay ng kanyang sarili para sa kanyang mga tupa at di nakakalimot sa bayan!”

Pulso is
Email this author | All posts by Pulso