Quadricentennial Ipinagdiwang ng Sta. Cruz (May 3, 2009)

Diyosesis ng Boac – Isang masayang paggunita ng ika-400 taon ng Ebanghelisasyon ang ipinagdiwang ng Parokya ng Banal na Krus sa bayan ng Sta. Cruz at Parokya ni San Jose Esposo ni Maria sa bayan ng Gasan ngayong buwan ng Mayo kasabay ng kapistahan ng dalawang parokyang nabanggit.

Sang-ayon sa kasaysayan, ang dalawang bayan na ito ay naabot ng mga misyonerong Franciscano noong 1609 at itinatag sa nasabing lugal ang VISITA (isang lugal kung saan tinitipon ang mga katutubong Filipino upang hubugin sa pananampalatayang kristiyano at ipagdiwang ang Banal na Misa at mga sakramento) matapos na sila’y makapagtayo ng Visita sa bayan ng Boac noong 1580.

Tatlong araw na nagdiwang ang bayan ng Sta. Cruz, sa pangunguna ng Simbahan at ng Pamahalaang Bayan. Pinasimulan ito sa isang Barangay Night at Koronasyon ng Bb. Quadricenterinial na si Bb. Celine. Marie Rejano Rey na ginanap sa gymnasium noong gabing Mayo l. Isinagawa naman ang Prusisyon noong besperas ng hapon matapos ang huling Misa-Novenario sa karangalan ng Banal na Krus. Kasamang,inilibot ng mga baranggay ang kanilang Santo Patron.

Sa araw ng kapiyestahan noong Mayo 3, maagang sinalubong ng mananampalataya ang Kanyang Kabunyian Ricardo Cardinal Vidal na siyang nanguna sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya dakong ika10:00 ng umaga. Sa homiliya ng Kanyang Kabunyian, binigyangdiin niya na kailangan pang lalong palalimin at isabuhay ang pananampalatayang itinanim ng mga misyonerong kastila at tinanggap ng mga ninuno apat na daang taon na ang nakalilipas. Ipinagpasalamat din niya ang kabukasan ng mga mananampalatayang santakrusin para sa kaunlaran at pagpagpapaganda ng simbahan.

Isang masayang, salo-salo ang isinagawa sa patio at lumang kumbento matapos ang Banal na Misa. Dagdag-kasiyahan naman ang isinagawang Seafood Festival at Dancing Competition sa plaza Rizal na pinasimulan dakong ika-l:00 ng hapon. Kabilang dito ang Barangay Nutrition Scholars na siyang nagwagi sa nasabing paligsahan, ang Pambayang Pederasyon ng Sangguniang Kabataan, ang MSC – Sta. Cruz at DepEd. Nagbigay din ng pampasiglang bilang ang TABACDA W ng bayan ng Gasan.

Sa gabi ng kapiyestahan, nagkaroon din ng SAYAWAN SA KALYE sa paligid ng plaza. Ang mga gawaing-kultural na ito ay sa pamumuno ni Dr. Teodolfo Rejano at Mrs. Shirley Fajardo at sa suporta ng pamahalaang-bayan. Pinamunuan Naman ng Parish Pastoral Council sa pangunguna ng kaparian ang mga gawaing pang-espiritwal sa pagdiriwang ng Quadricentennial. Ipinahayag naman ni Reb. Pdre. Allan Malapad, Lingkod-Pari, ang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng naging bahagi ng matagumpay na selebrasyon ng ika-400 taon ng Ebanghelisasyon ng Parokya ng Banal na Krus.