QUEMARLABARO Regional Youth Camp 2010

LIHAM SIRKULAR BLG. 1

Serye 2010

QUEMARLABARO Regional Youth Camp 2010

Pebrero 6, 2010

Minamahal kong mga pari, mga madre, mga opisyales ng Parish Pastoral Council (PPC) ng 14 na Parokya, mga lider layko at mga namumuno ng mga samahang banal, mga punong-guro, mga guro ng mga paaralan at mga kabataan:

Sumainyo nawa ang pag-ibig at kapayapaan ng Diyos!

Sa darating na Abril 12-16, 2010 ay gaganapin dito sa ating Diyosesis ang pagtitipon ng mga lider kabataan sa buong Southern Tagalog Region. Tinatawag ito na QUEMARLABARO Regional Youth Camp 2010. Ang salitang QUEMARLABARO ay pinagsama-samang pangalan ng mga probinsya ng QUEzon, MARinduque, LAguna, BAtangas at MindoRO. Walong (8) ecclesiastical jurisdictions ang nasa 5 probinsyang ito: ang Diyosesis ng Lucena, Diyosesis ng Gumaca at Prelatura ng Infanta sa Quezon; ang ating Diyosesis, ang Diyosesis ng Boac dito sa Marinduque; ang Diyosesis ng San Pablo sa Laguna; ang Arsidiyosesis ng Lipa sa Batangas; at ang Apostolic Vicariate of Calapan sa Oriental Mindoro at Apostolic Vicariate of San Jose sa Occidental Mindoro.

Ang pagdaraos po ng ganitong pagtitipon ng mga kabataan ay ginaganap na sa rehiyon noon pang 1997 pagkatapos ng World Youth Day na ginanap dito sa ating bansa noong 1996 na kung saan ay dumalo ang yumaong Santo Papa Juan Pablo II. Ang programang paghuhubog sa mga kabataan ay sadyang bahagi ng paglilingkod ng Simbahan. Sinasabi nga sa KA-LAKBAY, Directory for Catholic Youth Ministry in the Philippines – “Youth ministry is a comprehensive and collaborative effort, carried out by the entire ecclesial community.”

Maliwanag sa buong Simbahan at lalo na sa Santo Papa na ang mga kabataan ang kinabukasan ng buong sangkatauhan. Sa huling World Youth na ginanap sa Sydney, Australia noong 2008, sinabi ng Santo Papa Benedicto XVI – “Dear young friends, the Lord is asking you to be prophets of this new age, messengers of His love, drawing people to the Father and building a future of hope for all humanity.” Maging sa ating Unang Sinodo ng Diyosesis, ay 13 dekreto ang tumutukoy sa  kahalagahan ng paghuhubog sa mga kabataan ng ating Diyosesis upang sila ay lalong mapalapit sa Diyos at maging mabubuting Kristiyano para sa ating Simbahang Lokal.

Humigit-kumulang sa 600 kabataan ang magtitipon sa Boac mula Abril 12, Lunes – hanggang Abril 6, Biyernes na tatampukan ng katekesis, sama-samang pagdarasal, pagdiriwang ng Banal na Misa, pagbabahaginan, atbp. Bilang “host” na Diyosesis, kinakailangan nating pagtulung-tulungan ang lahat ng paghahanda mula sa pangangailangang pinansyal, mga tahahan na tutuluyan (host families), mga lugar (venues) na pagdarausan ng pagtitipon, transportasyon, at marami pang iba. Kaya naman, nananawagan po ako sa inyo na ibigay natin ang lahat nating makakaya para sa matagumpay na pagdaraos ng QUEMARLABARO Regional Youth Camp sa ating Diyosesis. Narito po ang ilang paala-ala ko at hanay ng mga gawain na puwede nating mapagtulung-tulungan:

  1. Ipagdasal po natin sa araw-araw at isama sa Panalangin ng Bayan tuwing araw ng Linggo ang idaraos na QUEMARLABARO 2010. Sa Diyos nagmumula ang lahat ng biyaya para maging maayos at matagumpay ang malaking pagtitipon na ito ng mga kabataan. Iminumungkahi ko rin sa mga Kura Paroko na hikayatin ang mga kabataan sa Parokya na mag-Banal na Oras, linggo-linggo sa araw at oras na mapipili nila.
  1. Dapat maging bukas ang lahat ng parokya sa paghingi ng tulong pinasyal o pagso-solicit ng Diocesan Youth Commission at ating mga lider kabataan. Inaasahan ko rin na makapagbibigay ng mas malaking tulong pinanasyal ang mas malalaking parokya gaya ng Sta. Cruz, Boac, Mogpog, Gasan at Torrijos. Iminumungkahi ko na magkaroon ng second collection para sa QUEMARLABARO sa mga misa sa darating na mga Linggo hanggang sa unang Linggo ng Abril 2010.
  1. Hinihikayat ko ang lahat ng mga pari lalo na ang mga Kura Paroko ng 14 na Parokya na ipaalam sa lahat ng mga tao o parokyanong nasasakupan ang QUEMARLABARO Regional Youth Camp 2010 at kung paano makasusuporta dito. Puwede itong gawin sa mga pagdiriwang ng Banal na Misa at mga pagpupulong sa parokya at mga barangay.
  1. Nangangailangan ng 100% na suporta ang mga lider kabataan ng bawat parokya. Kaya naman, ang mga Lingkod-Pari, Parish Pastoral Council (PPC), mga kasapi ng samahang banal at mga paaralan ang dapat unang magpakita ng suporta sa mga kabataan lalo na sa panahong ito ng paghahanda sa QUEMARLABARO at sa panahon ng pagdaraos nito. Ang mga lider kabataan ay makikipag-ugnay sa inyo sa mga ginagawa nilang paghahanda. Bigyan natin sila ng kaukulang atensiyon at suporta.
  1. Makipag-ugnay lamang kay Fr. Martin Puertollano, Jr. Director ng Komisyon ng Kabataan ng ating Diyosesis at kay Fr. Richard Landig, ang kanyang Assistant Director sa detalye ng mga kailangang ihanda para sa QUEMARLABARO 2010.
  1. Nananawagan po ako sa mga pamilya sa sentro ng bayan ng Boac na maging bukas sila sa pagtanggap sa mga lider-kabataan mula sa iba’t-ibang ecclesiastical jurisdiction. Ang pagiging “host family” sa mga kabataan ay katumbas ng pagpapatuloy ninyo sa ating Panginoong Hesukristo. Ang pagtanggi sa kanila ay para na ring pagtanggi sa Diyos!
  1. Huwag po kayong mag-atubili na sabihin sa akin o sa kanino mang pari sa ating Diyosesis, lalo na kay Fr. Martin at Fr. Richard ang mga bagay o mungkahi na makatutulong sa lalong ikagaganda ng pagdaraos natin ng QUEMARLABARO 2010.
  1. Puwede po ninyong sundan ang mga paghahanda na ginagawa natin para sa QUEMARLABARO Regional Youth Camp 2010 sa website: www.dioceseofboac.org/quemarlabaro

Ang Diyos na pinagmumulan ng lahat ng mabubuting bagay ang Siya nawang maging lakas at kaagapay natin para magampanan ang mga atas na gawain na nais Niyang maisakatuparan.

Pagpalain nawa kayong lahat ng Diyos!

+REYNALDO G. EVANGELISTA, D.D.

Obispo ng Boac