TAMANG AKSYON SA TAMANG PANAHON AT ANG MAPANURING PAG-IISIP

Salamat sa Sangguniang Panlalawigan sapagkat narinig din ang boses ng taong bayan sa pagdanas ng sunod-sunod na brown out sa lalawigan. Salamat at kahit paano ay nagkaroon tayo ng idea kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay nawawalan pa rin ng kuryente kahit na nagbabayad tayo at “pinaka-mahal pa nga sa buong kapuluan ang naka-charge sa atin”. Ang maganda nga nito, sa mga nakalipas na mahahalagang okasyon sa ating lalawigan tulad ng Quadricentennial ng Sta. Cruz at Gasan, may BROWN OUT!

Sana nga ay maaksyonan na kaagad ang problemang ito sapagkat ito’y repleksyon kung ano ang tunay na iskor o katatayuan ng ating lalawigan. Paano nga ba naman tayo makaaakit ng turista kung habang nasa hotel sila, paypay ng paypay at di manlang ma-enjoy ang pagtigil dito sa atin? Paano magkakaroon ng magandang komersiyo o negosyo kung ang mga nakaimbak sa refrigirator ay masisira lang dahil walang power? Paano yaong ang mga trabaho ay nakadepende sa kuryente? Gasolina pa lang ng generator, lugi na tayo!

Para sa MARELCO, sana po magkaroon tayo ng magandang pagpaplano, yung pangmatagalan na kasama ang mga pang-emergency. At sana’y nailalagay ang pera sa kung ano ang dapat kalagyan sapagkat ang konsumer ang nagdaranas ng hirap. Ang tinutukoy po nami’y ang 42.6Milyon na Vat. Nangyari na, pero di na dapat maulit pa. Para nga tayong tsubibo na paikot-ikot lang sa problema at hindi tayo makakawala hanggat hindi natin hinaharap at ang tunay na suliranin. Mabilis na aksyon ang sigaw ng taong-bayan. Huwag na rin muna nating pagplanuhang itaas pa ang singil sa kuryente sapagkat sagad na ito sa kataasan. Solusyonan muna natin ang nakabinbin na problema. at huwag dagdagang muli ang problema ng taong-bayan.

Salamat din at unti-unti na nga yatang nagigising, nagiging mapanuri at mapagmatyag ang mga tao dulot ng kanilang malasakit sa kapwa at sa bayan. Di lang basta nakikinig o nanonood ng balita kundi nag-iisip at nagpapahayag ng kanyang ideolohiya at paninindigan tulad ng tungkol sa CON-ASS o Constitutional Assembly na mainit na mainit pa rin hanggang ngayon dahilan sa nalalapit na eleksyon. Kapag nagpatulog-tulog tayo, baka di natin alam na nasa tiyan na pala tayo ng mga dambuhala at mga TRAPONG POLITIKO na di na nakakaisip bumaba sa pwesto. Sa totoo lang, magaganda na ang mga batas at ang nakasaad sa konstitusyon kung susundin lang ng tama. Ang hindi lang maganda ay ang makasariling mithiin ng ilang namumuno na wala nang ginawa kundi gawin ang lahat ng paraan para lang manatili sa pwesto na daig pa ang isang ADIK… Oo, adik nga sa pwesto at animo’y sila lang ang may kakayahang mamuno at pag-asa ng bayan ngunit ang totoo, sila ang nagiging hadlang ng “mabagal pa sa pagong na pag-unlad”. SA MGA TAONG GUMAGAWA NITO, PLS! HWAG NAMAN TAYONG MAGING MARAMOT! LET’S GIVE WHAT IS DUE TO OUR PEOPLE.

Madali lang talagang magmukhang mabuti at nakakatulong sa mga tao lalo na sa sandaling ito ng krisis. Lalo na’t ang mga Pilipino’y nagpapahalaga sa “utang na loob at konsepto ng pagkahiya.” Pero hanggang saan at hanggang kailan tayo magbibingi-bingihan at magbubulag-bulagan sa katotohanang ating kinasasadlakan? Ang kailangan natin ngayon ay ang mapanuring pag-iisip o “Critical Thinking.” Hwag na tayong magpapagamit! Hwag na tayong magpapalinlang! Isaisangtabi na natin ang makasariling mithiin at muli nating iahon ang ating bayan. Kung nais natin ng pagbabago, simulan natin ito sa ating sarili. Paganahin natin ang ating kakayahang mag-isip at ang kalayaan na ipinagkaloob ng Diyos. Sa ganitong paraan, tunay na tayo’y nagiging kalarawan at kawangis Niya. Ito ang susi ng pagbabago tungo sa isang buhay na ganap at kasiya-siya. Ito ang tama at napapanahong aksyon ng bawat isa para sa ating mga anak, para sa ating lalawigan at para sa ating naghihirap na bansa.***