Gising na Marinduque

Buwan ng Mayo, buwan ng piestahan. Iba’t ibang pakulo ng bawat bayan at mga barangay kung papaano nila maidaraos ng masaya ang piesta. May nagpapasayaw, beauty contest, palaro, street dancing atbp.

Sa taong ito, kapansin-pansin din sa halos lahat ng barangay na ang mga piestaha’y dinarayo ng mga bisita. Kahit na malayo ang baryo, sinasadya ito ng mga kilalang tao… (este, kilalang politiko o nagpapakilala pa lang sa mga tao.) Kaya naman lagi nang puno ang bulwagan. Di na nga naman matatagalan at sa isang taon, sa ganitong buwan, idaraos na naman natin ang pinakahihintay na “bilihan”…ah! hindi pala kundi halalan!

Ipagpaumanhin po ninyo, talagang may sistema tayong di maitatago na “sa pagdating ng halalan, lumalabas din ang yaman.” Ang nakakalungkot nga dito, maging yaong mga matitinong politiko, tila ba nawawalan ng pag-asa sa sistemang patuloy na lumalamon sa atin. Ang sabi nga, “May bumibili ng boto dahil may nagpapabili.” Pwede kayang magtulungan tayo? Unti-unti nating ibalik ang magandang sistema. Yaong malinis na halalan at malayang pagboto sa taong tunay na maaasahan ng bayan. Sayang kasi ang pagkakataon dahil ang totoo, huwad ang ating sinasabing kaunlaran.
Mula sa pagiging 3rd class Province, hindi ba’t 4th class na tayo ngayon? Ang ating hospital, may sapat na panggamot na ba sa mga maysakit at dinadala roon? Bakit kailangan pa silang iluwas ng Lucena at Maynila? Ang ating mga kalsada, bago pa lang nasemento, bumibitak na. Maging ang mga kawawang kalsada sa baranggay na pinabayaan na ng panahon. At ang kapuna-puna pa’y ang patuloy na pagtaas ng bayaran sa kuryente gayong brown out naman kahit may mahalagang okasyon.Opo, ang brown out ay madalas sa ibang bayan at sa mga liblib na lugal gayong sirit naman pataas ang kuryente dahilan sa iba’t ibang ipinataw na karagdagan sa kaukulang bayad.

Kalimitan, di natin napapansin ang mga bagay na ita pero ang totoo, lahat tayo’y apektado. Nasaan ba yaong dapat ay magsasalita para sa atin, magtatanggol sa ating karapatan, magsusulong ng tunay na kaunlaran at maglilingkod ng tapat sa iipunan? Sa entablado, oo madali itong ipagsigawan, pero sa tunay na buhay, mabagal pa sa pagong ang pag-unlad ng ating lalawigan.

Minsan nga’y napadaan kami sa nagtatabas ng damo sa tabing kalsada at nakatawag ng aming pansin ang matagal nang tambak sa kalahati ng daang sementado, matataas na ang damo kaya’t tinabasan na rin ng kaminyero. Ilang taon na ring nakatiwangwang ang nag landslide na iyon sa tabi ng ilog. Ewan lang natin kung ito’y napapansin ng mga sasakyang may pulang plaka. Pero ngayon, nabawasan na ang nasabing tambak. Bakit? Sapagkat mayroon nang nadisgrasyang motorsiklo at namatay na tao dahil sa tambak na iyon. At kapansin-pansin ngayon ang krus na gawa sa kawayan na nakatusok sa lugal na iyon.

Ito’y isang panggising lang. Huwag na po nating hintayin pang maging huli na ang lahat bago tayo gumawa ng matino at tamang pagpapasya kung sino ang dapat mamuno sa atin. Huwag na rin sana tayong maging maramot sa mga taong nais maglingkod ng tapat.

Kilatisin nating mabuti ngayon pa lang kung ang isang naghahangad manungkulan ay wagas ang hangaring maglingkod sa ating bayan. Ang pinakamahalagang tanong marahil pagdating ‘ng kampanyahan ay hindi “kung ano ang maibibigay mo sa amin ngayon para ka namin ihalal?” kundi kung “ano ang magagawa mo at maibabahagi sa kapwa at bayan pagkatapos ng halalan?” Suriin nating mabuti ngayon pa lang maging yaong mga nanungkulan na ng matagal kung ano ang naidagdag nila para sa kaunlaran.
Ang tunay na lingkod ay di lang natin kasama sa piestahan kundi karamay natin at kaagapay kaylanman at laging para sa taong bayan!