Sa Muling Pagkabuhay ng Panginoon Tayo Rin ay Magtatagumpay…

Nakatanggap po ako ng Easter card mula sa Apostolic Nuncio Archbishop Edward Joseph Adams at ito ang mensahe na hiniram niya sa ating Santo Papa Benedicto XVI:

“He is not here… he is risen.” The heavenly messengers announce… that Jesus “is not here”: the Son of God did not remain in the tomb, because it was not possible for him to be held prisoner by death, and the tomb could not hold on to “the living one” who is the very source of life… “He is not here”, he can no longer be found in the tomb. He made

his pilgrim way on earth among us, he completed his journey in the tomb as all men do, but he conquered death and, in an absolutely new way, by an act of pure love, he opened the earth, threw it open towards Heaven”. – Pope Benedict XVI

“Wala na siya rito… siya’y muling nabuhay.” Ang mga makalangit na tagapagbalita ang nagsabi… na si Hesus “ay wala rito”: ang Anak ng Tao ay hindi nanatili sa libingan, hindi posible para sa kanya ang maging bilanggo ng kamatayan, at ang libingan ay hindi kailanman makapipigil sa “ang nabubuhay” na siya mismong pinagmumulan ng buhay… “Wala na siya rito”, hindi na siya makikita sa libingan. Siya ngayon ay naglalakbay sa daigdig na kasama natin. Nakumpleto na niya ang kanyang paglalakbay sa libingan gaya ng sinumang tao, pero nilupig niya ang kamatayan at sa isang natatanging bagong paraan, sa pamamagitan ng wagas na pag-ibig, binuksan niya ang daigdig, isinambulat niya ito na bukas sa langit.” — Papa Benedicto XVI

Totoong nakakapagpalakas ng kaloobaan, nakakapagbigay ng bagong pag-asa ang mensaheng ito ng Santo Papa Benedicto XVI. Sa kabila ng maraming pagsubok sa buhay sa panahong ito, sa kabila ng nararanasan ng buong mundo na economic recession o krisis pang-ekonomiya na ayon sa mga ekonomista ay marami pang maaapektuhang mga tao, ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus ang siyang nagbibigay pag-asa sa atin. Makababangon din tayo sa mga hirap ng buhay. Malalampasan din natin ang lahat ng pagtitiis at “mumunting pagkamatay natin sa ating sarili” sa tulong at awa ng Diyos. Ang pag-asa natin ay ang Panginoong Hesus! Ang sabi nga sa encyclical ni Papa Benedicto XVI sa Spe Salvi… “This great hope can only be God, who encompasses the whole of reality and who can bestow upon us what we, by ourselves cannot attain.” (# 31)

Maging ang ating paglalakbay bilang isang diyosesis ay may mga kaakibat na hamon. Ang pagsisikap natin tungo sa ating pananaw na maging “Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pag-ibig, at Kapayapaan” ay nangangahulugan ng maraming sakripisyo unang-una mula sa akin na inyong Obispo, sa mga pari, mga relihiyosa, at mga lider layko ng ating mga parokya. Maganda man ang mga nakasaad sa Unang Sinodo ng ating Diyosesis at nakapagbalangkas na rin naman tayo ng iba’t-ibang mga gawain, karanasan natin na hindi madali ang pagsasakatuparan ng ating mga plano. Ang magpapalakas sa atin sa lahat ng ating pagsisikap ay walang iba kundi ang Diyos mismo na nagtagumpay sa lahat ng mga sakit at hirap, maging sa kamatayan.

Lalong kailangan natin sa panahong ito ang taimtim na pagdalangin sa Diyos. Ayon pa rin sa Santo Papa Benedicto XVI – “A first essential setting for learning hope is prayer…” When we pray properly, we undergo a process of inner purification which opens us up to God and thus to our fellow human beings as well.” (Spe Salvi 32, 33) Binigyang diin din niya na …“Kinakailangang matutunan natin na linisin ang ating mga hinahangad at ang ating mga inaasahan. Kinakailangang makalaya tayo sa mga kasinungalingan na pinagkukublihan natin ng ating mga sarili.” (Spe Salvi 33) Sa panahong ito ay lalo pa tayong inaanyayahan na maglaan ng mas maraming oras sa pagdarasal. Ang Diyos natin ay Buhay! Puwede natin siyang kausapin at mapakinggan sa katahimikan ng ating puso at isipan.

Ipinag-aanyaya din sa atin ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay lalo na sa panahong ito na mamuhay tayo sa kabanalan at tunay na kapayapaan na Siya lamang ang makapagbibigay. Ang tunay na kapayapaan ay mararanasan natin sa pamumuhay sa kabutihan. Kung tayo ay may mabuting kalooban, kung tayo ay gumagawa ng mabuti sa ating kapwa, mararanasan natin ang kapayapaan sa ating sarili. Hindi natin puwedeng dayain ang ating sarili. Lalong hindi natin puwedeng dayain ang Diyos. Ang kapayapaan na dulot ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ay bunga ng pakikipag-isa natin sa Kanya. Si Hesus mismo ang kapayapaan dahil Siya ang nagbalik sa atin sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. “Yamang napawalang-sala na tayo sahil sa pananalig sa ating Panginoong Hesuskristo, sa pamamagitan Niya’y mayroon na tayong kapanatagan sa harapan ng Diyos.” ( Roma 5:1)

Sa huli, nais kong batiin ang mga mananampalataya sa Parokya ng Banal na Krus sa Sta. Cruz at ang mga taga Parokya ni San Jose, Esposo ng Mahal na Birheng Maria sa Gasan sa pagdiriwang nila ng ika-400 Taon ng Ebanghelisasyon ng kanilang parokya. Dalangin ko’y lalo pa kayong umunlad sa inyong pananampalataya at pag-asa palagi sa Diyos.

Pagpalain nawa tayong lahat ng Diyos!