Banal na Kruz, balik-parokya na..

Sta. Cruz, Marinduque – Matapos ang walong buwang paglalakbay ng Banal na Krus, muli itong ibinaliksa natatanging luklukan sa loob ng simbahan ng Sta. Cruz noong Abril 19 araw ng Linggo sa pangunguna ng mga taga-Brgy. Maharlika.

Matatandaang noong Agosto 29, 2008 unang inilabas ng simbahan ang krus at dinala sa San Isidro, ang unang baranngay sa hanay ng pilgrimage na inihatid sa kanila ng Parish Pastoral Council at ng mga pari ng parokya. Ang gawaing ito ay kaugnay ng paghahanda at pagsalubong ika-400 taon ng Ebanghelisasyon ng Parokya ng Banal na Krus na nakasentro sa kapistahan nito sa darating na Mayo 3, 2009. Sa pagtigil sa bawat barangay sa loob ng isang linggo, nagkaroon ng mga panayam ukol sa pananampalatayang kristiyano na nakasentro sa tatlong mahahalagang misyon ni Kristo, ang Paghahari (Service), Pagkapari(Liturgy) at Pagka-propeta(F ormation).
Ang mga (Panayam ay pinangunahan ni Pdre. Bong Marticio at ng Speaker’s Bureau na siyang pumupunta sa mga barangay. Tinapos ang pagdalaw sa isang Banal na Misa kasabay ng pagtatalaga ng mga bagong halal na Barangay Pastornl Council.

Sinalubong ng PPC at mga kaparian ang Krus matapos ihatid ng mga taga Maharlika dakong ika-6:30 ng gabi sa parokya. Ipinagpasalamat ni Gng. Carmelita Reyes, PPC President, ang matagumpay na gawain dulot ng aktibong pakikiisa ng mga parokyano sa bawat barangay at ang kasigasigan ng mga Lider-Layko at mga pari sa pagbibigay ng panahon at talino para maihatid ang aral-kristiyano.

Binigyang-diin naman ni Pdre. Allan Malapad, Kura Paroko, ang kanyang paghanga sa suportang ibinigay ng mga mananampalataya sa pagdating sa kanilang baranggay ng Banal na Krus. Nag-iwan din siya ng isang hamon upang palaging maging bukas ang mga tao sa mga gawaing pansimbahan at may kaugnayan sa pagpapalago ng pananampalataya kahit lumipas na ang pagdiriwang ng ika-400 taoH ng ebanghelisasyon.

Masaya ngayong naghahanda at naghihitay ang mga parokyano sa pagdating ng kapistahan sa Mayo 3. Darating ang Kanyang Kabunyian Ricardo Cardinal Vidal upang pangunahan ang Misa Konselebrada sa ganap na ika-10 ng umaga sa araw ng piesta kasama ang ilang mga obispo at mga bisitang pari.