Fr. Peter at Fr. Nick, nagdaos ng ika-25 Anibersaryo

Boac. Marinduque – Magkasabay na nagdiwang ng ika25 anibersaryo ng pagkapari sina Reb. P. Nicanor “Nick” Ferangco Jr. at Reb. P. Juan Pedro “Peter” Recalde Jr. noong ika-13 ng Abril na nagsimula sa ika-9:00 ng umaga.

Ang pasinayang ito ay ginanap sa Katedral ng Inmaculada Concepcion na dinaluhan ng Obispo at mga kaparian ng diyosesis, mga bisitang pari mula sa Lipa City, Lucena at Gumaca, mga kapamilya at kaibigan ng dalawang nagdiwang na pari.

Dumating din ang mga pari ng St. Alphons Regional Seminary sa Lucena sa pangunguna ni Msgr. Oscar Leano kasama ang mga kinatawan ng mga seminarista kung saan nagtuturo ngayon si P. Nick.

Ang Obispo Rey Evangelista naman ang nagbigay ng homiliya para sa dalawang pari base sa kanilang ipinasang pagninilay sa 25 taon na paglilingkod na punongpuno ng biyaya at pasasalamat sa kagandahang-loob ng Diyos.

Matapos ang Banal na Eukaristiya, nagtuloy ang mga panauhin sa Sacred Heart Pastoral Center para sa isang pananghaliang inihanda ng dalawang paring selebrante.