Mayor Senen Livelo at iba pang pinuno ng pamahalaan nanguna sa Sandbagging

MOGPOG, Marinduque – Pinangunahan ni Mogpog Mayor Senen Livelo, Jr. ang iba pang pinuno, kawani at kinatawan ng iba’t ibang ahensiya at sangay ng pamahalaang lokal, lalawigan at pambansa na nakiisa at tumulong sa iba’t ibang paraan upang matagumpay na malsagawa ang sandbagging activity sa Ilog Mogpog. Siya rin ang nagsilbing taga pangulo ng Coordinative Committee na binuo ng MACEC upang tiyaking nasa ayos ang lahat ng aspeto ng paghahanda.

Naging bahagi ng preparasyon ang ipinalabas na Executive Order ni Mayor Senen na naging daan upang lahat ng barangay ng Mogpog ay magpadala ng mga kinatawan sa nasabing gawain. Nauna rito’y nagpatibay rin ng nauukol na Kapasyahan ang Sangguniang Bayan ng Mogpog na may katulad ding paanyaya lakip ang pasasalamat sa isinagawang inisyatiba ng MACEC.

Buong kasiyahan namang naging punong abala si Bocboc Punong Barangay Benjamin Labatete at kanyang sanggunian na silang nagtiyak na may sapat na inuming tubig at munting miryenda ang bawat isang nakiisa upang boluntaryong magtrabaho.

Malaki rin ang ginampanan ni Committee on Environment Tagapangulo Bokal Allan Nepomuceno at Bokal Leticia Monte na buong sigasig ding tumulong sa paghahanda ng gawain at nagbigay rin ng kaukulang pondo para sa krudong ginamit ng mga sasakyan.

Personal din silang nakiisa sa araw ng sandbagging kasama si Bokal Cezaria Zoleta. Kasama rin sa pagsasako ang mga Konsehal ng Sangguniang Bayan ng Mogpog at kanilang mga kawani lalo na ang Tanggapan ng Pambayang Inhinyerya sa pangunguna ni Engr. Jerome Manguerra na nagtiyak sa teknikal na aspeto ng paghahanay ng mga sinakong graba at buhangin.

Isang malaking delegasyon din ang ipinadala ng bayan ng Boac na pinangunahan ni Boac Mayor Meynardo Solomon at Vice-Mayor Dante Marquez kasama ang kanilang mga Konsehal at kawani ng iba’t ibang ahensiya. Kapwa rin nagpalabas ng paanyaya sa mga barangay ang nasabing mga pinuno sa pamamagitan ng nauukol na Memorandum Circular at Kapasyahan.

Nakiisa rin sa sandbagging sina PENRO Danilo Quirejero at CENRO Atty. Nicasio Rino, Jr. na kapwa nagbigay ng kanikanilang teknikal na gabay at payo.

Personal na nagtungo sa lugal ng sandbagging sa barangay na ito si Lubhang Kgg. Reynaldo G. Evangelista upang makita ang aktuwal na ginagawang pagsasako ng mga graba upang gawing temporaryong dam na magbibigay-proteksiyon sa pamayanan sa panahon ng mga pagbaha.

Labis-Iabis na pasasalamat ang ipinaabot sa kanila ng pamunuan at mamamayan ng barangay Bocboc.