Paglulunsad ng Alay-kapwa, ginanap sa Boac Covered Court

Boac, Marinduque – Isinagawa ang paglulunsad ng Alay-Kapwa noong ika-4 ng Marso sa covered court ng Boac na dinaluhan ng ng-mga delegado mula sa iba’t ibang parokya ng diyosesis. Nagsimula ang pagtitipon sa isang parada na pinangunahan ng DLC Marinduque Midwest College at MNHS dakong ika-8:00 ng umaga.

Sinundan ito ng isang Misa Konselebrada sa pangunguna ni Bp. Reynaldo G. Evangelista D.D. kasama ang mga kaparian. Binigyang-diin ng Obispo sa kanyang homiliya ang kahalagahan ng programang Alay-Kapwa na siyang daan at tumutugon sa paanyaya sa bawat kristiyano tuwing panahon ng Kwaresma upang mag-abuloy at gumawa ng mabuti sa kapwa. Sadyang ang programang ito ay kasabay ng panahon ng Kuwaresma upang maisabuhay ng mga mananampalataya ang pagtulong sa mga dukha at nangangailangan.

Matapos ang Banal na Misa nagbigay ng mensahe ang panauhing tagapagsalita na mula pa sa National Secretariat for Social Action (NASSA) sa lungsod ng Maynila. Ipinakita niya ang pagdanas ng iba’t ibang mukha ng kahirapan na nararanasan ngayon sa ating bausa at ang pangangailangan ng higit na pansin at agarang pagtulong mula sa mga may malasakit sa kapwa.

lnilahad naman ni Pdre. Allan Malapad, Direktor ng Social Action Commission, ang mga programang tumutugon sa pangangailangan ng mahihrap sa loob ng probinsya tulad ng HAPAG-ASA, Pondo ng Pinoy, pangkabuhayan, Medical Mission, pabahay atbp. Hinikayat niya ang mga tao sa patuloy na pagtugon sa panawagan ng programang Alay-Kapwa sapagkat ito ay malaking tulong para sa mga nangangailangan.

Nagpasalamat naman si Pdre. John Jovel Luna sa mga nakiisa sa pandiyosesis na gawain. Si Pdre. Luna ang siyang diocesan coordinator ng Alay Kapwa.