Ika-16 na taon ng Panghalahatang Pagtitipon ng mga Kasapi ng MASAMCO

Sta. Cruz, Marinduque – Nagdaos na muli ng General Assembly sa ika-l6 na pagkakataon ang Marinduque Social Action Multi-Purpose Cooperative na may temang: “Sa Pagmamalasakit ng Miyembro ng MASAMCO, pag-unlad ay matatamo. Ito ay ginanap noong Peb. 28 sa bulwagang-pulungan at lumang kumbento ng parokya ng Banal na Krus. Ang pagtitipong ito ay pinasimulan sa isang Misa pasasalamat na pinamunuan ni Bp. Reynaldo Evangelista D.D.

Matapos ang Banal na Misa, itinuloy ang programa sa pagpupulong ng mga kasapi na pinangunahan ng Staff ng MASAMCO kasama ang director na si Fr. Allan Malapad at ang panauhing tagapagsalita na si Manager Emelita Santos mula sa NATCCO o National Confederation of Cooperatives.

Ikinatuwa ng mga miyembro ang pagbabahagi ng Lupon ng Pananalapi sa pamamagitan ni Gng. Dorie Sapunto na ang MASAMCO ay walang pagkakautang saan mang lending institutions at ngayong 2008 ay umabot sa 627,825.53 ang gross income ng kooperatiba. Bagama’t di maikakaila ang mabagal na pag-usad ng koop dahilan na rin sa pagsulpot ng iba’t ibang grupo na nagpapautang, hinikayat ni Fr. Allan ang kapulungan upang muling tasahin ang material at human resources at magbago ng mas mabisang estratehiya para sa mabilis na pagunlad. Binigyangdiin niya na dapat ang bawat miyembro ay magmalasakit sa kooperatiba sapagkat kung walang malasakit, walang mamamayaning kasigasigan para sa pagunlad.

Binigyan din ng pagkilala sa nasabing okasyon ang Outstanding Members na sina Amelyn Par, Esting P., Nelia Monterey, Veneranda Zulueta at Antonio Mantal. Gayundin ang Outstanding Branch na binubuo ng Bocboc, Tabionan, Libjo at Amoingon. Kasama rin dito ang pinakamaraming grupo -Hinanggayon Branch; Pinakainaagang dumating -Kasily Branch; at indibidwal na pinakamaagang dumating na si Perla Lasac mula sa Brgy. Hinapulan. Dagdagkasiyahan naman ng mga dumalo ang raffle draw na isinagawa bago magtapos ang programa.