Mga Pari ng Dodge City, Dumalaw sa Diyosesis

Boac, Marinduque Masayang sinalubong ng mga pari ng Boac sa pangunguna ni Bp. Rey Evangelista ang mga pari mula sa Dodge City, Kansas na sina Fr. Robert Schremmer (Bikaryo Heneral), Mr. Daniel Stremel (Finance Officer) at Msgr. Angel Dy ng Sorsogon na sampung taon nang nakatalaga sa Dodge City. Dumating sila sa probinsiya noong Marso 6 lulan ng Zest Air.

Ang pagdalaw ng tatlong pari mula sa Amerika ay naglalayong mapalalim pa lalo ang ugnayan ng diyosesis ng Boac at Dodge City sa pamamagitan na rin ng “Priest on Loan Program” na sinimulan ng yumaong si Bp. Rafael Lim, unang obispo ng Boac. Sa pamamagitan ng Priest on Loan Program ay nakakapaglingkod sa diyosesis ng Dodge City ang ating mga pari at gayundin naman, tumatanggap ng mga benepisyong pinansiyal ang ating diyosesis. Sa kasalukuyan, sina Fr. Rene Labrador at Fr. Bernard Felix ang nasa priest on loan sa diyosesis ng Dodge. Matatandaang dinalaw sila doon ni Bp. Rey noong nakaraang Hunyo kasabay ng pagdalaw niya sa obispo ng Dodge na si Bp. Ronald Gilmore.

Sa pagdalaw ng bikaryo heneral na si Fr. Bob at ng dalawa pang nabanggit na pari, napagusapan din ang mga batayan ng mga paring ipapadala sa Diyosesis ng Dodge. Matapos ang isang araw na pagbisita, hinatid ng Obispo ang mga panauhin sa Diyosesis ng Gumaca, Quezon upang makapulong din si Bp. Ben Famadico para sa nasabing programa.