Kalayaan by Karlo Marquez
By Pulso • Mar 23rd, 2009 • Category: Tinig Layko
Sa tuwing naririnig natin ang mga pangalang Abraham Lincoln, Martin Luther King, Ninoy Aquino, sumasagi sa ating isipan ang salitang “kalayaan”. Tama! Sila ang mga sikat at mga kilalang pigura na may maigting na pagpapahalaga para sa kalayan. Ang kanilang kabayanihan ay isang halimbawa na ang pangsibikong kalayaan ay nangangailangan ng napakalaking pagpupursige at sakripisyo.
Sa kabilang banda, ang mga pangalang Ferdinand Marcos, Adolf Hitler, Mussolini, ay nagpapanariwa sa ating isipan sa kanilang paglapastangan sa kalayaan ng tao. Ang kanilang mga personalidad ang minsang nagbunsod sa tao upang umasa na minsan isang umaga darating ang araw ng kalayaan.
Ano nga ba ang kalayan? Meron bang kungkretong depinisyon o diskripsyon ang kalayaan? O kaya nama’y nananatili tayo sa sariling pakahulugan sa kung ano para sa atin ang kalayaan. Ang kalayaan ba ay nakasalalay sa kung ano ang sarili nating pagkaintindi?
Mayroong kalayaan sa pisikal na banta, tulad ng inaasahan ng marami sa panahon ng malawakang krisis. May kalayaang hindi sumasaalang-alang sa batas. Ngunit hindi ito ang lahat lahat sa katotohanan ng kalayaan. Napakaraming opinyon, ediya at nosyon ang nagtutunggali sa kung sino ang pinakamalakas at makapangyarihan sa balat ng lupa. Sa kabila ng mga nabanggit, ito ay nagtutulak sa atin ng upang humantong sa teleyolohikal na ediya ng kalayaan.
Mahihirapan tayong magbigay ng depinisyon sa kung ano ang kalayaan kung hindi natin ikakabit sa salitang “responsibilidad”. Kung wala ito, ang kalayaan ay walang kungkreto at pinal na kahulugan. Ito ay nagtuturo sa ating kapasidad na gumawa ng kung ano ang nararapat sa mga sitwasyon ng buhay. Katulad ng puno ng kawayan na sumusunod sa kumpas ng hangin, nararapat at hayaan nating magpamalas ang kalayaan ng kanyang kakanyahan na tumugon sa kung ano ang hinihingi na pagkakataon. Ang pagtugon sa kung ano ang nararapat ay makakatulong sa atin bilang tao upang lumago, at hindi dahil sa bigat ng ating pasanin upang masabi nating hindi tayo malaya.
Minsan may mga panahong nakakalimot tayo na ang kalayaan ay may kakambal na resposibilidad. At sino ang masisisisi sa huli? Dahil sa pag-abuso natin sa kalayan, hindi na natin nagagampanan ang ating mga obligasyon sa buhay. Ang kaayusan ay nawawala. Napakaraming mapagpipilian. Magsisimula ang kaguluhan.
Ang saysay ng kalayaan ay kung ito’y tumutugon sa kung ano ang hinihingi sa atin upang makabuo ng malayang kumunidad na handang maglingkod at rumispeto sa ating kapwa. Ito ang panahon na masasabi nating tayo ay malaya dahil sa tayo ay nirirespeto, at mga responsableng tao na natutong mamuhay na katanggap-tanggap sa iba at sa respeto na rin ng ating kapwa tao.
Ang kalayan kung gayun ay hindi kaylanman isang tanikalang nasasabi sa ating kung kailan gumawa o hindi gumawa ng tama. At sa huli, masasabi nating, nagiging malaya tayo hindi dahil sa kung ano ang gusto natin para sa ating sarili, kundi tumindig sa katotohanan ng kalayaan kasama ang lahat ng nakakaranas ng nito. Ang pagiging meron para sa iba ay hindi lamang naghuhudyat sa sarili nating kalayaan, kundi mamuhay ng masayang nagbibigay ng kalayaan para sa iba.
Pulso is
Email this author | All posts by Pulso


