Diocese of Boac

Marinduque, Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pag-ibig at Kapayapaan

ANG KASAYSAYAN NG PAROKYA NG BANAL NA KRUS (HOLY CROSS PARISH) Sta.Cruz, Marinduque

By Pulso • Mar 4th, 2009 • Category: Mag Istoryahan Kita

1. Paano Nakarating sa Sta. Cruz ang Mabuting Balita

Noong taong 1521, hindi sinasadyang matuklasan at marating ng grupo ni Fernando Magallanes (Ferdinand Magellan) ang Pilipinas. Siya ay isang manlalabay na Portuguese na noon ay naglilingkod kay Haring Carlos I ng Espana (Emperador Carlos ng Alimanya).1 Hindi sinsadya, sapagkat ang hinahanap nila ay ang Mollucas (Spice Island). Tinawag niya itong Archipielago de San Lazaro.2 Sa kauna-unahang pagkakataon, nakarating sa bahaging ito ng kapuluan ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Ang mga sumusunod na expedition ay hindi naging matagumpay upang ipagpatuloy ang sinimulan ng grupo ni Magallanes. Noong 1565, dumating sa kapuluan ng Pilipinas ang grupo ni Miguel Lopez de Legazpi kasama si Fray Andres de Urdaneta, isang relihiyosong Agostino (OSA).3 Sinundan nila ang rota ni Magallanes hanggang marating nila ang Cebu. Ipinahayag nila ang Mabuting Balita sa mga katutubo roon. Matapos ang anim na taon (Mayo 1571), mula sa Cebu, lumipat sila sa Maynila. Noong Hunyo 1572, pormal niyang itinatag ang Maynila bilang sentro ng Pamahalang Kastila sa Pilipinas.4

Hindi nagsayang ng panahon ang mga kasamang misyonero ni Legazpi. Kagyat niyang ipinangaral ang mabuting balita sa mga katutubo sa paligid ng Maynila. Ang mga relihiyosong Agostino (OSA) ang unang grupo ng mga misyonero sa Pilipinas. Malimit silang sumasama sa mga sundalong Kastila sa kanilang pasipikasyon (pacification) ng mga katutubong Pilipino. Hindi nagtagal noong taong 15775 ang mga misyonerong Franciscano (OFM). Sinundan nila ng mga Hesuwita (SJ) noong taong 1581, at ng mga Domicano (OP) noong 1588.

Ipinagpatuloy ng mga misyonerong ito ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa lahat ng lugal sa kapuluan na kanilang nararating. Tinatayang noong 1579, nakarating sa Marinduque ang misyonerong naghasik ng Mabuting Balita sa bahaging ito ng Pilipinas. Itinatag niya at ng kanyang mga kasamang Francisco ang tatlong visita sa Marinduque: Monserrat de Marinduque (Boac) sa pamumuno ni Fray Alonzo Banol noong 1580; San Bernanrdo de Marinduque (Sta.Cruz) noong taoong ding iyong (1609) sa pamumuno ni Fray Pedro de Talavera. Tinatayang noong 1613 ibinalik ng mga Franciscano sa Obispo ng Maynila ang pamamahala sa mga visita o mission territories ng Marinduque.6

Ayon kay Migel de Loarca na sumulat sa pagitan ng taong 1582 at 1583, ang Marinduque kasama ang Capul (?) ay pinamahalaan ng iisang encomendero.7 Marahil ang tinutukoy dito ay si Kapitan Poyatos na binabanggit naman sa sulat ni Gobernador Dasmarinas.8 Pinatutunayan lamang ng mga dokumentong ito na sa mga taong 1582 hanggang 1583 ang Isla ng Marinduque ay pasipikado na (pacifide), alalaon baga’y nasa ilalim na ng gobyernong Kastila. Subalit nakalulungkot malaman na walang nagtuturo sa kanila tungkol sa Mabuting Balita. Ito ang isinasaad ng sulat ni Obispo Domingo de Salazar sa Hari ng Espana noong taong 15889.

Dahil sa mga dokumentong nabanggit sa itaas, maaaring paminsan-minsan lamang pumupunta sa Marinduque ang mga misyonerong Franciscano, kaya nama’y nagkataong wala sila sa Marinduque ng mga taong 1582 hanggang 1588. gayun pa man hindi pa rin maaaring baliwalain ang mga dokumentong nagpapatunay na sila ang mga misyonero sa Marinduque na nagtatag ng tatlong visita dito.

2. Ang visita ng San Juan de Marinduque sa Panahon ng mga Franciscano (1609-1613)

Ang Visita ay salitang ginagamit ng mga misyonerong Kastila upang tukuyin ang isang lugal kung saang visita saan tinitipon ang mga katutubong Filipino upang hubugin sa pananampalatayang Kristiyano. Paminsan-minsan, depende sa layo ng lugal, dinadalaw ng mga misyonero ang mga kristiayano sa visita upang magdiwang ng Banal na Misa, maggawad ng iba pang sakramento, at magturo tungkol sa pananampalataya. Hindi nagtatagal sa isang visita ang mga misyonero sapagkat kalimitan, lalo na noong unang sampung taon ng kanilang pananatili sa Pilipinas, higit pa sa isa ang visitang nasa kanilang pangangalaga. Kung minsan ang isang misyonero ay mayroong lima hanggang sampung inaalagaang visitas. Dahil sa kasalukuyan sa misyonero, minsan o dalawang beses lamang sa isang taon lamang nila nadadalaw ang mga visita.

Ang visita ay tinatawag ding reduccion o cabecerra. Ito ay kalimitang binubuo ng mga pamilyang mula sa iisang angkan na bumubuo ng isang barangay o balangay. May mga pagkakataong higit na nagiging madali para sa mga misyonero ang pagbubuo ng isang visita dahil sa ganitong likas na estruktura ng ating lipunan. Subalit kalimitan, ang mga pamilyang ito ay tinitipon mula sa iba’t-ibang magkakalapit na pamilya sa pamamagitan ng isang proseso na tinatawag na reduccion.

Ang reduccion ay ang proseso ng pagdadala sa mga katutubong Filipino mula sa kanilang tirahan sa mga malalayong kabundukan at kagubatan tungo sa isang lugal na itinakda ng mga misyonero. Ito ay naglalayong mapadali ang pagtuturo ng pananampalatayang kristiyano sa kanila. Ayon sa ilang misyonerong Hesuwita, hindi angkop na lagi na lamang hahanapin sa mga kabundukan at kagubatan ang mga katutubo na tila mga maiilap na usa. Kailangang tipunin sila sa isang lugal kung saan doon sila magtatayo ng bahay at mananatili upang sistimatikong maturuan sa pananampalataya. Ang mga misyonerong Franciscano ay higit na kinilala sa ganitong larangan ng reduccion. Sa katunayan, sila ang naging modelo ng iba pang mga misyonero sa pagbubuo ng pamayanan ng mga katutubong Filipino.

Matatandaan na ang unang visitang itinayo ng mga Franciscano sa Marinduque ay ang visita ng Montserrat de Marinduque (1580) na walang iba kundi ang sambayanang kristiyano ng Boac. Mula sa Boac ay nilibot nila ang iba pang bahagi ng Marinduque. Tinatayang pagkatapos ng 29 na taon pa nila sabay na itinayo ang mga visita ng San Juan de Marinduque (Sta.Cruz) at an Bernardo de Marinduque (Gasan)-taong 1609. nagpapatunay lamang ito na mabagal ang kristiyanisasyon ng Marinduque sa pamamahala ng mga Franciscano, dahil na nga sa kakulangan nila sa bilang, sa layo ng Marinduque sa mga sentro ng kanilang misyon na nasa Maynila, Laguna, Bicol, at sa hirap na dinaranas nila sa pagkumbinse sa mga katutubo na manirahan sa reduccion.

Nanatiling visita ang Sta.Cruz sa panahon ng mga Franciscano. Dumarating lamang sa cabecera ang mga katutubo kapag dumadating ang mga misyonero. Hindi naman nagtatagal dito ang mga misyonero. Kagyat silang umaalis sa visita, reduccion, o cabeccera pagkatapos na maipagdiwang ang Banal na Misa, o ang sakramento ng Kumpiisal, at matapos na maturuan ang mga katutubo sa mga pangunahing aral-kristiyano. Pagkaalis ng mga misyonero, umalis na rin ang maraming katutubo pabalik sa kanilang mga bahay sa kabundukan at kagubatan kung saan matatagpuan ang kanilang ikinabubuhay. Ito ang dahilan kung bakit marami pa ring mga tao ang may bahay sa bayan samantalang malimit naman silang naroon sa bukid. Kung panahon lamang ng Mahal na Araw o mahalagang Pista sila pumupunta sa bayan. Ito ang kinagawian ng ating mga ninuno na kinagisnan na lamang natin nitong mga huling araw. Ang kalimitan lamang naiiwan sa visita o reduccion ay ang namamahala sa simbahan. Siya ang nagpapanatili ng kaayusan nito hanggang sa muling pagdalaw ng mga misyonero. Siya rin ang tagapagbalita sa kapwa niya katutubo sa tuwing dumarating ang huli.

3. Ang Visita ng San Juan de Marinduque sa Panahon ng mga Heswita (1622-1768)

Ang 1609 ang tinatayang taon kung kailan itinanim sa bahaging ito ng Marinduque ang Mabuting Balita. Sinikap ng mga Franciscano na buuin ang sambayanang kristiyano ng Sta.Cruz sa loob ng apat na taon. Subalit gaano na kaya ang magagawa nila sa loob ng maikling panahon iyon? Ang pagtatatag at pagbubuo ng Sambayang kristiyano ng Sta.Cruz ay binalikat ng mga pari at misyonerong Heswita. Sa kanilang panahon, muling itinanim sa puso ng mga taga-Sta.Cruz ang Mabuting Balita, binuhay at pinasiglang ,muli ang mga dating mananampalataya dito, at pinagbunga ang pananampalataya sa loob ng isa at kalahating daang-taon (146).

Ang tawag sa religious congregation ng mga Heswita ay Society of Jesus (SJ). Ang samahang ito ng mga lalaking relihiyoso ay itinatag ni San Ignazio de Loyola (Inigo Lopez de Loyola) at anim pa niyang kasama. Noong Agosto 15, 1534 sa Montmare, Paris, isinabuhay nila ang pangako ng karukhaan (vow of property), kalinisan (vow of chastity) at ang pagmimisyon sa Banal na Lungsod (Holy Land) o sa alinmang lugal na ipadala sila ng Santo Papa. Ang Society of Jesus ay itinatag ayon sa batas ng Simbahan (canonically established) noong Setyembre 27, 1540 sa pamamagitan ng Bull Regimini militantis Ecclesiae ni Papa Pablo o Paolo III. Sa Bulang ito, pinagtibay din niya ang mga pangunahing alituntunin at komposisyon ng nasabing grupo (Prima formula instuti). Ipinahintulot din niya ang pagbubuo ng detalyadong konstitusyon ng nasabing religious society.10

Paano naman sila napunta sa Pilipinas? Nakita ng mga unang misyonerong Agostino (OSA) ang kahalagahan ng higit na maraming misyonero sa Pilipinas. Narasan nila ang hirap ng pagmimisyon at ang magandang pagtanggap ng nakararaming katutubo sa Mabuting Balita. Dahil ditto tinataya nilang sa loob lamang ng maikling panahon ay higit na marami ang mga kristiyano at mga hinuhubog sa pananampalataya (catechumens) kaysa sa mga misyonero. Ipinarating ni Gobernador Guido Lavezares kay Haring Felipe II ng Espana ang naturang kahilingan. Ipinaalam ng Hari sa Viceroy ng Mexico ang nasabing kahilingan upang siya na ang makipag-ugnayan sa Mexican Jesuit Provincial na si Padre Pedro Sanchez. Noong taon 1577, tinalakay sa kapulungan ang nasabing kahilingan na magpadala ng mga misyonerong Heswita sa Pilipinas. Napagkasunduan sa nasabing pagpupulong (Provincial Congregation) na ipabatid sa kanilang Superior General na si Eveerard Mercurian, ang bagay na ito. Pumayag ang nasabing Superior General na magpadala sa Pilipinas ng dalawang pari at dalawang brothers na mula sa Mexico. Ang apat na itinalagang pumunta sa Pilipinas ay sina Padre Antonio Sedeno, Padre Alonso Sanchez, ang Scholastic na si Gaspar Suarez de Toledo (namatay samantalang nasa biyahe papuntang Pilipinas), ang Dominicanong si Fray Domingo de Salazar noong Setyembre 17, 1581.11

Paano naman nakarating sa Sta.Cruz ang mga Heswitang ito? Ganito ang sinasabi ni Padre Horacio de la Costa:

Isa pang pansamantalang misyon, tulad ng sa Cavite na naging permanenteng misyon, ang ipinagkatiwala sa mga Heswita (Society of Jesus) noong 1621. Ito ay ang Isla ng Malindig, isinalin sa Kastila na Marinduque […]. Ito a sakop ng Arsidiyosesis ng Maynila, na noong namatay ang paring diyosesano (secular clergy) na nakatalaga doon, nakiusap ang Arsobispo Garcia Serrano sa mga Heswita na pamamahalaan ito samantalang humahanap siya ng ipapalit sa namatay na pari. Hindi siya nakakita ng sinumang ipapalit dito, kaya nga nanatili ang mga Heswita (sa Marinduque) at itinatag ang tatlong bayan ng Boac, Sta. Cruz at Gasang (sic), kung saan may kakabit pang isang visita ang huli.12

Itinatag nga ng mga Heswita ang bayan ng Boac, Gasan, at Sta. Cruz. Subalit paano nga ba nagtatatag ng isang bayan noon? May iba’t-ibang paraan ng pagtatatag ng isang bayan noon, depende sa dami ng taong matatagpuan sa isang lugal. Sa panahon ng pasipikasyon, ang isang malaking komunidad o barangay ay maaaring kagyat na italagang bayan. Ang kakailangan na lamang itayo dito ay ang permanenteng tahanan ng mga sundalong Kastila at representate ng gobyernong Kastila. Kasabay na ring itatayo sa tulong ng mga katutubo sa nasabing lugal ang simbahan. Magkatulong na bubuuin ng mga paring misyonero at ng pamahalaang Kastila sa Pilipinas ang sambayanan. Maglalagay ng mga pamunuang bayan ang pamahalaan samantalang sisimulan naman ng mga misyonero ang pagtuturo at paghuhubog sa pananampalataya ng mga tao ditto. Bilang tanda ng pagtutulungang ito, kalimitang tinatayong magkakalapit ang simbahan at bahay pamahalaan, kalimitan ding magkaharap sila. Simbahan, bahay-pamahalaan, at sambayanan ng mga katutubo-ito ang mahahalagang elemento sa pagtatatag ng isang bayan na tinatawag din nilang cabecera, pueblo, o poblacion.

Sa malaking bahagi ng Pilipinas, kung saan ang mga katutubo ay kalat-kalat, ang pagtatatag ng bayan ay nagsisimula sa pagtitipon ng mga katutubo sa isang nakatalagang lugal. Magtatayo sila ng bahay sa nasabing lugal upang doon na permanenteng manirahan. Ito ang tinatawag na proseso ng reduccion. Kung madaling mahikayat ang mga katutubo na manirahan sa reduccion, magiging madali ang pagtatatag ng bayan. Subalit kung hindi, magiging matagal din ang proseso ng pagtatatag ng bayang iyon.

Mayroon namang u pagkakataon na kagyat na nagtatayo ng simbahan at bahay-pamahalaan ang mga Kastila sa lugal na kanilang napili. Saka pa lamang nila titipunin ang mga katutubo sa nasabing lugal sa paraang malumay at kung minsan ginagalitan din nila ng lakas, lalo na kung may katigasan ng ulo ng mga katutubo. Alin kaya sa mga nabanggit na pamamaraan ang ginagamit sa pagtatatag ng bayan ng Sta. Cruz? Ayon sa mga dokumentong may kaugnayan ditto, maaaring maging madali sa mga misyonerong Heswita ang pagtatatag ng bayan ng Sta. Cruz. Pinatutunayan ng mga sokumentong ito na nasulat sa pagitan ng mga taong 1580 hanggang 1588 na ang Marinduque ay pinamamahalaan na ng isang encomendero13 na nagngangalang Kapitan Poyatus. Dagdag pa rito, sinasabing ang mga Marinduqueno ay nagbabayad na ng buwis (tribute) sa pamahalaan. Gayun pa man, nangangailangan ito ng permanenteng misyonero upang turuan at hubugin ang mga katutubo sa pananampalataya14.

Bukod sa pagkakaroon ng encomendero, nasimulan na ng mga Franciscano ang reduccion ng mga katutubo. Kailangan na lamang tipunin silang muli ang kanilang pananampalataya lalo na yaong nabinyagan na. gayun pa man, kailangan pa ring unawaing mabuti ang sinasabi ng mga dokumentong nabanggit sa unahan kung saan sinasabing isa sa mga “tinatag na bayan” ng Heswita ay ang Sta. Cruz. Nagsimula ang pamamahala ang pamamahala ng mga misyonerong Heswita sa Marinduque noong 1622 kung saan sinabing “tinatag” nila ang tatlong bayan sa Marinduque. Subalit maliwanag na bago sila dumating, na itatag na ng mga Franciscano ang visita sa San Juan de Marinduque sa Sta. Cruz noong 1609. Mayroon na ring encomendero sa nasabing lugal (1580-1583).

Samakatuwid, posibleng nang dumating ang mga Heswita sa Sta. Cruz ay halos napabayaan na ang visita at ang pagtuturo ng pananampalataya sa mga katutubo. Gayun pa man, posibleng may sadyang tahanan na noon dito ang encomendero o kaya’y ang kanyang representante upang mapabilis ang pangungulekta ng buwis. Sa katunayan ang encomendero ay representate ng pamahalaan sa isang lugal upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan ditto. Siya rin ang nagiging tagapag-ulat ng mga kaganapan sa nasabing lugal. Samakatuwid may elemento na ng pamahalaang-Kastila sa katauhan ng encomendero.

Sa ganitong sitwasyon, maaaring tinutukoy na noong una pa mang panahon ang Sta. Cruz bilang isang bayan-bayan sa pangalan lamang tulad ng ilang lugal sa Samar at Leyte noong mga unang taon ng mga Heswita sa lugal na iyon. Paano nga naman maituturing na tunay na bayan ang isang lugal kung ang tumitira dito yaong taga pamahala lamang ng visita at ilang sundalong Kastila? Upang matawag itong isang ganap na bayan, dapat marami ang naninirahan dito, aktibo sa pananampalataya ang mga tao dito, at maayos na naipatutupad ng pamahalaang-Kastila ang ma patakaran o policia de govierno. Dapat permanenteng naninirahan din dito ang opisyal ng pamahalaang-Kastila at ang misyonero ng Mabuting Balita.

Kung ang pag-uusapan ay isaktong taon, ito ang mga posibleng nangyari. Noong 1609 natatag ang visita (hindi pa Parokya) ng San Juan de Marinduque. Ng taon din iyon, o maaaring pa man dumating ang taong iyon, may permanenteng representante na ang Pamahalaang-Kastila sa Sta. Cruz na ang pangunahing gawain ay magkulekta ng tribute o buwis sa mga mamamayan. Sa mga panahong iyon maaaring tinawag na itong isang bayan, tulad ng mga maraming lugal sa kapuluan ng mga panahong iyon. Subalit ang pagiging ganap na bayan nito, tulad ng pagkaunawa sa isang bayan ngayon, ay tinatayang nagsimula sa kapanahunan ng mga Heswita, taong 1622.

Sa table of parish ang mission residences ng mga Heswita noong 1656, makikitang mayroon silang apat na mission areas sa bahagi ng Boac. Sa isa pang table ng misyonerong Heswita sa iba’t-ibang lugal, makikitang mula 1659 hanggang 1693 ay mayroong dalawang misyonerong Heswita sa Boac. Noong 1696, naging tatlo ito. Ito marahil ang simula kung kailan nagkaroon ng permanenteng misyonerong Heswita ang Sta. Cruz. Noong 1768, ng paalisin sila sa Pilipinas, malinaw na dalawa pa lamang ang lugal sa Marinduque na mayroong misyonero. Ito ay ang Boac at Sta. Cruz de Napo. Samakatuwid isa nang ganap na bayan ang Sta. Cruz noong taong iyon. Kaya malamang na sa pagitan 1696 hanggang 1768 naging pormal ang pagtatayo ng bayan ng Sta. Cruz. (Colin-Pastells III, pp.792-802; De la Costa, pp.435, 438, 603-607).

Upang maisaayos ang lahat ng bagay, hindi angkop paghalu-haluin ang mga pagdiriwang. Maging malinaw na sa taong 2009, ang ipagdiriwang ay ang ika-apat na daang taon (400) ng KRISTIYANISASYON NG BAYAN NG STA. CRUZ. Ang ika-apat na daang taong (400) anibersaryo ng pagiging PAROKYA (Parokya ng Banal na Krus) ay gaganapin pa sa 2022. Ang pagtatayo o konstruksiyon naman ng simbahan ay maaring nagsimula ng kalagitnaan ng ika-labimpitong daang taon (c. 1750) at maaaring natapos sa pasimula ng kanyang ika-labingwalong daang taon o humigit pa (c. 1800). Ang pagtatayang ito ay base sa pangkahalatang panahon ng konstruksiyon o pagtatayo ng simbahan ng mga Heswita sa Pilipinas. Tinatayang ang 1700 ang ginintuang panahon ng pagtatayo,

Pulso is
Email this author | All posts by Pulso

jayson says:

I LOVE IT{}