Diocese of Boac

Marinduque, Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pag-ibig at Kapayapaan

LIHAM PASTORAL BLG. 2 | SERYE 2009

By Diocese of Boac • Mar 4th, 2009 • Category: Pastoral Letters


1 Marso 2009

 

MINAMAHAL KONG MGA PARI, MGA MADRE, MGA KASAPI NG IBA’T-IBANG SAMAHANG BANAL AT SA BUONG SAMBAYANAN NG DIYOS DITO SA DIYOSESIS NG BOAC:

 

            Bunsod ng aking pagmamahal at malasakit sa inyong lahat bilang Obispo ng Diyosesis ng Boac, at bunsod na rin ng pangangailangang pormal na ipabatid sa inyo at ipaliwanag ang mga mahahalagang bagay na may kaugnayan kay REVERENDO PADRE SATUR EVORA PELAEZ (Priester Satur Bar Eliezar na ngayon), kaya minarapat kong isulat ang Liham Pastoral na ito. Bilang Obispo ng Boac, nakaatang sa aking mga balikat ang mabigat na tungkuling “ingatan at panatilihin ang kaisahan ng pananampalatayang Katoliko; tiyaking walang anumang abuso sa mga disiplina ng Simbahan, lalo’t higit yaong may kaugnayan sa ministeryo ng Salita ng Diyos at pagdiriwang ng mga sakramento at sakramental, gayundin sa buhay pagsamba sa Diyos at paggalang sa mga Banal, at sa pamamahala ng mga pag-aari ng Simbahan” (Canons 375, 386, at 392).

            Noong Pebrero 21, 2009, tumanggap ako ng isang liham mula kay Padre Pelaez  na nagpapahayag ng kanyang pormal na pagsapi sa Aramaic Apostolic and Catholic Church of the East. Ayon sa nasabing sulat: “It is now with joy and gladness that I praise God and humbly make known to your Lordship my well thought and seriously considered decisions to be excardinated from the Diocese of Boac and to be incardinated with the Aramaic Apostolic and Catholic Church of the East.(Tunghayan ang nasabing sulat sa hulihan ng Liham Pastoral na ito). Ang nasabing Aramaic Apostolic and Catholic Church ay isang independyenteng relihiyon na may kanyang sariling paniniwala na sadyang kakaiba sa paniniwala at pagsamba ng ating Simbahan – ang Simbahang Katoliko Romano.

            Bagama’t nakalulungkot at mabigat sa aking kalooban bilang inyong Obispo ang kanyang naging pasiya, iginagalang ko ang kanyang kusang-loob na pagsapi sa nasabing relihiyon. Naniniwala ako na tunay nga niyang pinag-isipan (well thought) at seryosong pinagdesisyonan (seriously considered decisions) ang mga bagay na ito. Naniniwala rin ako na alam niya ang magiging bunga ng kanyang ginawa, sa harap ng Panginoon at sa Batas ng ating Simbahan (canonical and disciplinary implications). Ang lahat ng ito ay nakapaloob sa kasagutan ko sa kanyang liham. Sa pamamagitan ng Liham Pastoral na ito ay ipinaaalam at ipinaliliwanag ko na sa inyo ang ilang mahahalagang bagay na nilalaman ng nasabing sulat – ang mga bagay na tahasang makaka-apekto sa ating lahat bilang Diyosesis at bilang Simbahan.

            Una sa lahat, ang kusang-loob na pagsapi ni Padre Pelaez sa Aramaic Apostolic and Catholic Church, ay isang hayagang pagpapahayag ng kanyang pagtalikod sa Simbahang Katoliko Romano, at pagkalas sa pagiging kasapi ng presbiteryo ng Diyosesis ng Boac. Dahil dito, kasabay ng kanyang ginawang desisyon (latae sententiae), nawawala na rin ang lahat ng kanyang karapatan at prebilehiyo bilang pari ng Simbahang Katoliko Romano at bilang pari ng Diyosesis ng Boac. Nawawala na rin ang kanyang kaugnayan sa lahat ng mga kasapi o mananampalataya ng Simbahang Katoliko Romano, lalo’t-higit ay sa mananampalataya dito sa buong Diyosesis ng Boac. Nawawala na rin ang kaugnayan at responsibilidad sa kanya ng lahat ng mananampalataya bilang paring Katoliko Romano ng ating Simbahan at ng ating Diyosesis.

            Ikalawa, dahil na rin sa mga bagay na nabanggit sa unahan, mula sa sandali ng kanyang pagsapi sa Aramaic Apostolic and Catholic Church, hindi na rin siya maaaring magdiwang ng pitong sakramento ng Simbahang Katoliko Romano, lalo’t higit, ang Banal na Eukaristiya o Misa, sa lahat ng ating mga Simbahan, mga Kapilya, at sa mga bahay ng mga mananampalatayang Romano Katoliko.

 

Kalakip din po nito ay ang aking matimyas na panawagan sa mga mananampalatayang Romano Katoliko ng ating Diyosesis lalong lalo na ang mga minamahal kong mga taga Parokya ng Mahal na Birhen ng Lourdes sa Malibago, Torrijos na nahikayat na o nasa bingit ng pagsapi sa samahang  Aramaic Apostolic and Catholic Church of the East. Ang epekto po ng inyong pagsapi sa nasabing grupo ay ang inyong pagtatakwil sa ating pananampalataya bilang mga binyagang kasapi ng Simbahang Romano Katoliko. Akin pong nililinaw sa inyo na ang Aramaic Apostolic and Catholic Church of the East ay hindi kinikilala ng ating pananampalataya bilang kasapi ng ating Simbahan.

 

            Lubos kong ikinalulungkot ang ganitong pangyayari. Kaya nga, itinatagubilin ko sa lahat at bawat isa sa inyo na unawain at sundin ang nilalaman ng Liham Pastoral na ito. Pahalagahan natin ang ating pagkakaisa bilang isang Diyosesis at bilang isang Simbahan na mayroong iisang pananampalataya at iisang Panginoon. Maunawaan din sana natin ang halaga ng pagsunod sa mga namumuno sa ating Simbahan, lalo’t-higit ay sa mga Obispo. Sila ang inatasan ng Panginoong Hesukristo upang magturo ng pananampalataya, mamuno, at magpabanal sa Kanyang kawan. Pagmalasakitan natin ang ating Simbahan na pinagpuhunanan ng buhay ng ating Panginoon.

            Sa gitna ng ganitong mga pangyayari, huwag sanang manghina ang inyong loob sapagkat sinasabi ng Banal na Kasulatan, “maging matapang kayo at magpakatatag, huwag kayong matakot sa kaninuman sapagkat ang Panginoong Diyos ang kasama natin. Hindi niya tayo pababayaaan (Deuteronomeo 31:6). Tulad rin naman ng sinasabi ni San Pablo Apostol: “kung ang Diyos ay sumasa-atin, sino ang laban sa atin” (Roma 8:32)

            Bilang inyong Obispo, ipinananalangin kong maging matatag ang bawat isa sa atin, maging tapat sa pananampalatayang Katoliko Romano, at maging maaasahang kasapi ng ating Simbahan, lalo’t-higit ng ating Diyosesis.

 

            Pagpalain nawa kayong lagi ng Panginoong Diyos!

 

 

 

+ REYNALDO G. EVANGELISTA, D.D.

Obispo ng Boac

           

***Basahin ang Liham Pastoral na ito pagkatapos ng Panalangin Pagka-Komunyon.

Leave a Reply

Security Code: