KUWARESMA TUNGO SA PAGBABAGONG PUSO

Maagap tayong pumasok sa taong ito sa Panahon ng Kuwaresma. Kaya’t ang Araw ng mga Puso o Valentine’s Day ay tumama sa unang linggo ng Kuwaresma. Pumasok tayo sa panahong ito bilang mga mapagpakumbang makasalanan. Ang pagdiriwang ng araw ng mga mga puso sa unang linggo ng Kuwaresma ay isang napakagandang pagkakataon upang mapasok natin ang ating mga puso na siyang natatagong santuwaryo ng ating mga kaluluwa at pinakamasilang na lugal ng ating konsiyensiya kung saan naroroon ang ating mga malalalim na lihim o sekreto. Ayaw natin itong ibunyag kaninuman, maging sa ating sarili. Dahil dito ang puso ay nagiging lugal ng mabibigat na pandaraya at panlilinlang. Sinasabi ng Banal na Kasulatan: “Napakamanlilinlang ang puso. Sino ang makauunawa nito?” (Jeremias 17:9). Ang puso ay nahuhuli sa suliranin ng kasalanan, at waring nalulukuban ng kapangyarihan ng kadiliman. Nagaabang si Satanas sa pintuan ng ating mga puso at sa ibang lugal ng ating bagsak na kalikasan.  Tayo ay mga biktima ng kasalananag minana natin o kasalanang orihinal. Ito ay malalim na naka-ugat sa atin at hindi natin malalampasan ito hanggat hindi rin tayo malalimang papasok sa misteryo ng tagumpay ni Kristo sa krus.

 

Ang Panahon ng Kuwaresma ay nagbibigay sa atin pagkakataon na baguhin o tumanggap tayo ng bagong puso, upang tayo ay maging kung ano talaga tayo dapat na hindi kayang matamo sa pamamagitan lang ng ating sariling lakas. Dahil dito, ginaganyak tayo ng ating  Inang Simbahan na itanim sa ating sariling pagkatao ang isipan at puso ni Kristo. Kaya  nararapat na hubaran o bakantehin ang ating mga sarili (Filipos 2:7). Magagawa natin ito sa pagtalima natin sa pangkuwaresmang intstruksyon sa atin ng Simbahan batay sa Salita ng Diyos. Sa pasimula pa lang ng panahong ito, ibinibigay na sa atin ang ilang praktikal na tulong upang  hubaran ang ating sariling kalooban nang sa gayon matamo natin ang tunay na pagbabago o konbersyon ng ating puso. Ito ay ang pananalangin, pagaayuno o pagsasakripisyo at pagkakawang-gawa. Pananalangin. Tinatawag tayo ng Panginoong Hesus sa pananalangin at tinuturuan tayo kung paano manalangin, dahil hangad Niya ay ang ating pakikiisa o komunyon sa Kanya. Anumang paraan na katanggap-tanggap sa pananalangin ay nagpapatibay ng ating relasyon sa Kanya. Ang relasyong ito ay lumalago sa “lihim na silid” ng ating mga puso. Kaya, bahagi ng gawaing pananalangin ay ang “pagpinid ng pinto” sa lahat ng makakadisturbo sa ating pakikiisa o komunyon sa Diyos. Pagaayuno. Ang panlabas na gawain ng pagtanggi sa sarili ay walang halaga kung walang panloob na diwa ng pagsisisi. Ang pagaayuno sa pagkain at pagtalikod sa anumang nagbibigay satispaksyon sa ating sarili ay lumilikha ng puwang sa ating puso para sa Diyos. Ang sakrispisyo ay higit pang epektibo kung ito ay tinutumbasan ng mapagmalasakit na pagbibigay o pagtulong sa kapwa – kung ang panahon at salapi na ating natipid ay gagamitin para sa kapakanan ng kapwang higit na nangangailangan. Pagkakawang-gawa. Kung ang panalangin ay ekspresyon ng pagmamahal sa Diyos, ang pagkakawang-gawa ay ekspresyon naman ng pagmamahal sa kapwa. Ang Kuwaresma ay hindi lamang panahon ng pagtanggap ng awa ng Diyos, kundi maging instrumento tayo ng awa ng Diyos sa ating kapwang nangangailangan. Ngunit ginaganyak tayo na gawin natin ito ng walang hinihintay na kapalit.

Hindi tayo ang sentro ng pagkakawang-gawa. Maaring may benepisyo tayo, ngunit ang kawang-gawa ay esensyal na para sa ating kapwa.

 

Ang Kuwaresma ay isang regalo, isang pagkakataon, at isang panahon ng grasya at awa. Sa mga nalalabing mga araw at linggo pa nito, hayaan nating maipokus ang ating mga puso sa kahalagahan ng regalong ito, samantalahin sa anumang paraan ang pagkakataong ito ng pagtatamo ng pusong puspos ng grasya at awa ng Diyos at sa kapwa upang higit nating maipagdiwang sa kaganapan ang Misteryo ng Paskwa ng Panginoon – ang Paghihirap, Kamatayan at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus.