Rektor ng National Shrine of Mary Help of Christians, limang kasama, bumisita sa Parokya

MHCP, Balimbing, Boac – Bumisita sa Parokya ni Maria Mapag-ampon sa mga Kristiyano ang Rektor ng National Shrine of Mary Help of Christians na si Reb. Padre Remo Bati at lima nitong kasama, Enero 15-17, 2016.

Layunin ng kanilang pagbisita na ipalaganap sa buong bansa ang debosyon kay Maria Mapag-ampon sa mga Kristiyano at bisitahin na rin ang parokya bilang kauna-unahang parokyang itinatag sa bansa sa ilalim ng pamimintuho sa Mahal na Birheng Mapag-ampon.

Dumating si Padre Bati kasama ang kanyang mga kasama na sina Bro. Antonio Endaya, Sis. Sally Rigodon, Sis. Eleanor Jimenez, Sis. Belen Bauza at Sis. Susan Opinion, pawang  mga kasapi ng Marian Commission sa National Shrine, Enero 15, 2016. Lumibot sila sa ilang parokya ng Diyosesis at dumalaw sa mga kapilyang namimintuho kay Maria Mapag-ampon bilang kanilang patron. Kinabukasan ay ipinagdiwang ang Banal na Misa sa pangunguna ni Padre Bati. Sinundan ito ng tradisyunal na putong para sa mga panauhin. Pagkatapos ay ibinahagi ni Padre Bati ang kasaysayan ng pagdedebosyon kay Maria Mapag-ampon sa mga Kristiyano at kung paanong ang debosyong ito ay nakarating sa Pilipinas. Ibinahagi din niya ang kanilang mga gawain tuwing ika-24 na araw ng buwan tulad pagdiriwang ng Banal na Misa sa karangalan ng Mahal na Birheng Mapag-ampon at pagbabahagi ng mga himala sa pamamagitan niya. Pagkatapos ay ibinahagi rin si Reb. Padre Milliemar Perin, kura paroko, ang mga gawain ng parokya tuwing ika-24 ng buwan tulad ng pagpuprusisyon sa karangalan ng Mahal na Birhen, pagdiriwang ng Banal na Misa, pag-aalay ng bulaklak at pagpapahalik sa relikya ni San Juan Bosco – ang paring nagpalaganap ng debosyon sa Mahal na Birhen. Pagkatapos ay nagkaroon din ng pagbabahagi ang ilang mga parokyano tungkol sa mga himalang kanilang naranasan sa pamamagitan ng pamimintuho kay Maria Mapag-ampon sa mga Kristiyano. Namahagi rin sila ng mga aklat dasalan at ilang religious items na makakatulong sa lalo pang pagpapalalim sa pagpapaalab ng debosyon sa kanya. Binasbasan na rin ito bilang pagtatapos.

Pinuri naman ni Padre Bati ang parokya sa kanilang debosyon at inaming mas marami ang miyembro ng Archonfraternity of Mary Help of Christians dito kung ihahambing sa Pambansang Dambana. Hinikayat din niya ang mga kabataan na ipagpatuloy ang debosyon sapagkat sila ang magtutuloy nito sa darating na panahon.

Gabi ng Kundiman sa Lumang Simbahan, itinanghal

 

MHCP, Balimbing, Boac – Bilang bahagi ng patuloy na pangangalap ng pondo para sa pagpapaayos ng gusaling simbahan ng Parokya ni Maria Mapag-ampon sa mga Kristiyano, ginanap dito ang natatanging pagtatanghal na pinamagatang Gabi ng Kundiman sa Lumang Simbahan, Pebrero 6, 2016.

Sa pangunguna ng Lingkod Pari na si Reb. Padre Milliemar M. Perin at katuwang na Lingkod Pari na si Reb. Padre Rodel M. Mansalapus, sandaling ibinalik ng mga parokyano ang mga manunuod sa panahon ng kundiman sa pamamagitan ng mga makalumang sayaw at awitin. Pinangunahan ng Stella Maris Chorale ang mga awitin samantalang ipinakita naman ng mga kasapi ng iba`t-ibang samahang banal ang kanilang talento sa pagsayaw. Tampok ang maka-ipit-paang tinikling nina Padre Perin at Padre Mansalapus kasama ang ilang kabataan. Malakas naman ang sigawan sa kanilang harana kasama ang mga akolito ng parokya. Pagkalahatang direktor ng pagtatanghal si Bro. Joseph Malapajo.

Sa kanyang mensahe ay ipinaalala ng Obispo, Lubhang Kagalang-galang Marcelino Antonio Maralit, Jr. na ang tunay na dahilan ng pagtatanghal na ito ay ang buong-pusong pagbibigay ng sarili para sa Diyos. Pinasalamatan niya sina Padre Perin at Padre Mansalapus sa kanilang hindi matatawarang pagsisikap para sa pagpapaayos ng gusaling simbahan, pati na rin ang mga nagsipagtanghal para sa kanilang sakripisyo. Pinasalamatan din niya ang mga dumalo at nanuod sa kanilang patuloy na pagsuporta sa mga gawain ng simbahan. Nagtapos ang pagtatanghal sa pamamagitan ng kanyang pagbabasbas.