General Pastoral Assembly, Isinagawa sa Parokya ng Banal na Krus

 

Isinagawa sa Parokya ng Banal na Krus, Sta. Cruz, Marinduque ang General Pastoral Assembly noong ika-21 ng Pebrero, 2016. Ang gawaing nabanggit ay naglalayong makita ang kalalagayang pastoral ng parokya, magplano at magtakda ng mga gawain para sa patuloy na pag-unlad nito. Dinaluhan ng humigit-kumulang sa apat na daang (400) delegado mula sa tatlumpo’t tatlong (33) baranggay na nasasakupan ng parokya na binubuo ng mga kasapi ng Barangay Pastoral Council, Lupon ng Pagsamba, Lupon ng Paghuhubog, Lupon ng Paglilingkod, Kabataan, Hermano at Hermana ng Piyesta,  kapitan ng Barangay  at kasapi ng Batayang Pamayanang Kristiyano (BPK) ng parokya, masaya at matagumpay na naisagawa ang maghapong gawain.

Ang nabanggit na General Pastoral Assembly ay pinasimulan sa pamamagitan ng pagtalakay tungkol sa kahalagahan ng isang sambayanan o komunidad na nangangarap para sa patuloy na pag-unlad nito na ginampanan ni Reb. P. Edwin M. Sager, isa sa mga lingkod-pari ng parokya at siya ring naging tagapagpadaloy ng palatuntunan. Sinundan ito ng paglalahad tungkol sa Simbahan bilang 1.) hirarkikal (hierarchical) , 2.) sakramental (sacramental) at 3.) nakikisangkot (participative). Pagkatapos nito ay nagkaroon ng pagbabahaginan at mga  panayam. Sa pagtutulungan at pakikisa ng mga dumalo at namamahala ng buong parokya, bilang panghuli ay nabuo ang bagong pananaw, “Parokya ng Sta. Cuz: Banal at Huwarang Sambayanan na may Malalim na Pang-unawa sa Pananampalataya, Responsableng Nagtatalaga, Nakikisangkot at Nakikiisa sa mga Namumuno ng Simbahan at Sibikong Sambayanan”. Binuo rin pagkatapos ang mga bagong misyon para sa parokya. Ang nasabing pagtitipon ay susundan pa ng iba pang pagsasama-sama at pagpupulong sa susunod pang mga buwan.

Ang naganap na General Pastoral Assembly ay mula sa pamamahala ng Executive Committee ng Parish Pastoral Council na pinamumunuan ni Gng. Carmelita R. Reyes at Parish Finance Council na pinamumunuan naman ni Dr. Tito J. Rejano at sa paggabay ng mga lingkod-pari  ng parokya (Reb. P. Edwin M. Sager, Reb. P. Saturnino D. Rioveros, Reb. P. James F. Janda, Reb. P. Alexander M. Llante) sa pangunguna ni Reb. P. Elino P. Esplana, kura paroko ng Parokya ng Banal na Krus. – Fr. Alex