Kinatawan ng diyosesis, dumalo sa seminar ng PPCRV, sinubukan ang PCOS Machine

IMG_4034[1]

Pius XII Catholic Center, Maynila –  Tatlong araw na pagsasanay para sa kauna-unahang Local and National Automated Elections ang inilunasad ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPRV) noong ika-10 hanggang 12 ng Pebrero, 2010 bilang paghahanda sa Eleksiyon sa darating na Mayo 10, 2010.

Ayon kay Ambassador Henrietta T. de Villa na siyang tagapangulo ng PPCRV, sa 40 diyosesis na inimbitahan sa  naturang seminar ay may 35  na dumating mula Rehiyon ng Luzon, at ang Diyosesis ng Boac ay isa na sa mga nabanggit na nagpadala ng 3 kinatawan: Rev. Fr. Edison M. Lotilla para sa coordinators group, Mr. Anthony M. Zoleta bilang technical person, at Gng. Adora R. Sapunto para sa Voters’ Education.  Ang 3 kinatawan ay dumalo sa ibat-ibang uri ng mga paksa na isinagawa ng sabay-sabay sa ibat-ibang workshop.  Samantala ang 5 diyosesis na di nakarating sa seminar ay sa Visayas at Mindanao group  lalahok na nakatakda na ring ganapin sa mga susunod na araw.

IMG_4042[1]

Naging tampok sa seminar ang pagsasanay sa paggamit ng Precint Count Optical Machine (PCOS) na mismong sinubukan ng ating mga delegado.  Naging maliwanag naman sa bawat isa kung paano isasagawa ang nakatakdang eleksiyon. Ayon sa kinatawan ng Comission on Elections (COMELEC) na naging tagapagsanay, nasisiguro nila na ang election, lalo na ang bilangan ay magiging maayos sapagkat ang mga botante na anila ang maglalagay sa PCOS ng kani-kanilang balota at kaagad na ring bibilangin ng naturang machine ang mga boto.  Sakali umanong magkaroon ng problema ang PCOS machine sa panahon ng eleksyon ay nakahanda rin ang alternatibong pamamaraan ng COMELEC.

Samantala, ayon kay COMELEC Commissioner Lucilito Tagle, may kabuuang 82,200 PCOS machine ang ikakalat sa buong bansa kung kaya’t magiging Fully Automated na ang gagawing eleksyon.  Gayunman, payo ng PPCRV, kahit na automated na ang eleksyon ay kinakailangan pa rin ang masusing pagbabantay sa lalo’t higit dapat bantayan ang mga PCOS machines na mauuna nang ilagay sa mga presinto ilang araw bagong maghalalan, dahil dito ang mga PPCRV Volunteers ay kinakailangan pa rin sa darating na eleksiyon.

IMG_4028[1]

Napag-alaman pa rin sa naturang seminar na ang PPCRV lamang ang tanging nabigyan ng Accreditation ng COMELEC bilang Citizen’s Arm sa buong bansa, na may gawaing voters’ education at  pagbabantay sa presinto.

Samantala, ang Diyosesis ng Boac naman ay naghahanda na para sa pagbibigay ng edukasyon para sa mga botante sa ibat-ibang parokyang sakop nito.