MAGING TUNAY NA SAKSI SA SALITA AT GAWA!

Kung paanong masususbok o masusukat ang kadalisayan at halaga ng ginto  o pilak sa pamamagitan ng “touchstone”, gayundin ang gawi at ugali ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang salita at gawa. Ang ating salita at gawa ay nagpapakita at nagbubunyag ng tunay nating sarili, at ng ugali o uri ng ating karakter. May kasabihan tayo “sa bibig nahuhuli ang isda.” Anumang kabutihan o kasamaan ay nagmumula sa puso at ang laman ng puso ay naririnig sa ating salita at nakikita sa ating gawa. Sinasabi sa Aklat ni Sirak ikalawang kabanata ang ganito, “pag ang tao’y nagsalita, kapintasa’y lumilitaw, sa pangungusap ng tao, damdamin niya’y nahahalata.” Bagamat ang salita ay esensyal, hindi ito sapat. Ang ating mga gawa ay mahalaga sapakat ang mga ito ay magpapatunay o magpapawalang-bisa sa ating mga salita. Ang kredibilidad ng isang tao ay makikita natin sa kanyang salita at gawa, ang pagtutugma ng kanyang sinasabi at ginagawa.
Mayroong isang kwento ng isang batang pastol, na sumisigaw lagi na may mabangis na lobo. Ang sigaw niya, “Tulungan ninyo ako,inaatake ng mga lobo ang aking mga tupa.” Pinaglalaruan lamang pala niya ang mga taong sumasaklolo sa kanya. Kaya minsan isang araw, lumusob nga ang mga lobo at kahit na siya’y nagsisisgaw sa paghingi ng saklolo, walang pumunta upang tulungan siya. Nawalan ng kredibilidad ang batang pastol.
Ang ating tapang, katapatan, kabutihang-loob at karunungan, at totoo, kahit ang ating  kaluwagan, pagbabalat-kayo at ibat-ibang kalolokan o kabulukan at nahahalata at nabibisto rin kapag nabuksan ang ating bibig sa pagsasalita.
Ang Panginoong Jesus ay nagbunyag ng Kanyang Katauhan sa mga salita at gawa Niya. Makikilala natin Siya na isang mapagkikitaan ng tunay na kabutihang-loob sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa. Pati ang mga taong tumutuligsa sa Kanya ay walang masabi kundi, “sapagkat walang makagagawa ng Kanyang ginagawa, kung hindi sumasakanya ang Diyos.”
Ang Panginoong Jesus ay nagbigay rin sa atin ng tatlong kasabihang akma sa buhay natin araw-araw, “taga-akay na bulag sa kapwa bulag kapwa malalaglag, puwing ng kapatid iyong nakikita, ngunit tahilan sa mata mo di mo makita, kung ano ang puno, siyang bunga.”
Ang mga ito’y  diwa ng Salita ng Diyos na tumitilamsik sa atin bilang hamon at paanyaya na tayo ay maging tapat at laging   mapagtugma ang ating mga sinasalita at ginagawa. Nagbibigay ito sa atin ng pagkakataon na ating mapagnilayan ang ating mga pagkukulang, kahinaan at limitasyon. Ginagawa at gagawin natin ito upang tayo ay higit na maging mga buhay na saksi sa salita at gawa.
Napapanahon rin itong tilamsik-diwa ng mga kasabihang maka-ebanghelyo at akmang-akmang panuntunan sa gawaing pampulitika, lalo sa  panahon ito ng pagkilatis sa mga kandidatong karapat-dapat at tapat na maglilingkod sa ating bayan at para sa kapakanan ng madla.
Lahat ng mga kumakandidato at naghahangad na maglingkod sa bayan at tayong taumbayan na botante, magkapatotoo sa Diyos at sa Bayan sa pamamagitan ng pagiging tunay na saksi sa salita at gawa.