“Ama ko… huwag ang aking kalooban kungdi ang kalooban mo ang mangyari.” (Mat 26:39) [Liham Pastoral Blg. 1 – ikalawang bahagi]

Sa usapin tungkol sa Kalikasan, marami ang nagiging mga katanungan na dulot ng mga sakunang nararanasan sa buong mundo nitong mga nakalipas na panahon (lindol, bagyo, tag-tuyo, taglamig, at iba pa). Pinagsusumikapang tunay ng mga marurunong na bigyang kasagutan ang tanong ng mga tao kung bakit sa panahon natin nangyayari ang mga bagay na ito.  Ang mga dahilan daw ay greenhouse effect, global warming, overpopulation at iba pa… Pero kung tunay nating susuriin ang mga nangyayari ang tunay na dahilan ng mga ito ay ang kapalaluan ng ilang mga tao na akala ay sila ang may-ari ng mundo at kalikasan, at pwede nilang gawin ang ano mang nais nila para sa kapakinabangan lamang nila. At hindi natin kailangang lumayo pa para maunawaan ang mga katotohanang ito. Nawa ay buhay pa sa alaala at diwa ng mga Marinduquenyo ang mga kalapastanganang nangyari sa sarili nating lalawigan, kung paano ang kasakiman ng ilan ang naging kapahamakan ng lahat. Hanggang ngayon ay hindi pa nakakabawi ang kalikasan natin sa ginawa sa kanyang pang-aabuso. At naririyan pa rin ang mga panganib na nakaambang sa atin na dulot ng lason na hanggang ngayon ay na sa mga ilog pa rin natin, at lalo na ang napakalaking kapahamakang maaaring idulot sa atin ng mga iniwan pang mga estruktura ng mga minahan na maaaring masira at magdulot ng mas malaki pang trahedya dahilan na rin sa mga iniwang basura at lason na laman ng mga ito. Dahilan nito kasama nga dapat sa ating sigaw at mga panalangin para sa mga namumuno  na huwag lulubayan ang laban sa mga lumapastangan sa ating lalawigan at ang huwag hayaang muling mangyari ito sa atin. Sapagkat kung atin pong aalamin, hanggang ngayon pagkatapos ng mga nangyari na ay patuloy pa ring hinahangad ng ilan ang pagbabalik ng pagmimina sa ating probinsya at patuloy pa rin tayong tinutukso na muling tanggapin ang pagmimina sa pamamagitan ng mga pangako ng kaunlaran para sa ating lalawigan. Maganda pong gabayan tayo ng sinulat ng ating Santo Papa Francisco na ensiklikal na pinamagatang “Laudato Si”, sapagkat pinaaalalahanan niya tayo na ang ating daigdig ay isa sa mga “pinaka-pinabayaan at minaltrato sa mga dukha” (n. 2). Tinawag ni Papa Francisco ang daigdig nating dukha sapagkat ito ay walang laban at aba sa kalinga. At dito ay malinaw niyang pinatungkulan ang mga tunay na ugat ng mga krisis na pangkalikasan (n. 101-136) na mabubuod sa paniniwala ng tao na siya ang sentro ng lahat. Kaya nga malinaw din niyang ipinahayag na ang tunay na paraan para hindi masira at maging mas malaking kapahamakan sa sangkatauhan ang mga nangyayari sa kalikasan na tahanan nating lahat, ay ang pagbabalik ng tao sa tunay na sentro ng lahat… ang Diyos! Laban nating lahat ang pag-aalaga sa nag-iisa nating tahanan, ang daigdig na ito na iisa. Kaya hamon sa ating lahat ang pagbabago ng ating mga nakasanayan o nakaugaliang maling gawi at gawain na nakakasira sa kanya. Gawain din ng isang tunay na kristiyano ang ipagtanggol ang ating kalikasan sa mga kasakiman at kapalaluan ng mga taong ganid at walang tunay na iniisip kungdi ang kanilang mga sarili kahit pa ikapapahamak ng iba (kapaligiran at kapwa).

itutuloy…..