Yaman at Lakas

Tinitingala nating mga Pilipino ang mga mayaman at at malakas. Maraming mga tao ang handing magsakripisyo at isakripisyo ang pagiging magkamag-anak, magkaibigan, magkababayan, magkapartido, magkaklase o iba, ang sariling paniniidigan at paniniwala at ibang tao dahil lamang sa paghahangap ng yaman o lakas.
Ang yaman ay mabuti pati na ang mga ari-arian. Ibig ng Diyos na ang lahat ng tao ay makibahagi sa yaman ng mundo. Ang nilalayon ng Kristiyanismo ay bawat isa ay magkaroon ng sapat sa kanyang pangangailangan. Ang magtamasa ng karapatan sa pribadong pag-aari. Pero hindi ang pagkakaroon ng maraming ari-arian o yaman ang puno’t-dulo ng buhay ng tao.
Ang yaman, bagamat mabuti sa ganang sarili, ay maaaring makabulag sa isang tao para hindi niya Makita kung ano ang talagang mahalaga. Sa Lucas 12:13-21 ay mababasa natin ang istorya ng isang mayamang tao na nag-ani nang sagana. At sa kanyang pagplano para sa kinabukasan pansinin natin na walang puwang para sa kanya ang pinakamahalaga sa buhay ng tao: pag-ibig sa Diyos higit sa lahat at pag ibig sa kapwa tulad sa sarili. Ang di-pagpapahalaga sa mga pinakamahalaga at pagtuon sa kayamanan at sa sarili ay nakabulag sa kanya sa mga pangangailangan ng kapwa.
Ang mga humahawak ng katungkulan ay pinapalagay na nakatataas sa iba. Ang kapangyarihan ay kapangyarihang mangibabaw sa bayan. Nakalulungkot na ang kapangyarihan ay ginagamit ng maykapangyarihan para sa kanilang sariling kapakinabangan o ng mga taong malapit sa kanila kahit na ito ay makapipinsala sa pangkalahatang kapakanan. Sa gayong paraan sila ay nagiging manggagamit at mapaniil sa kanilang kapwa. Isa sa mga pangunahing kadahilanan kung bakit walang pag-unlad an gating bansa ay itong makasariling paggamit ng mga maykapangyarihan at ng mga taong malapit sa kanila.
Ibig ni Hesus na ang kanyang mga tagasunod ay gumamit ng kapangyarihan na taliwas sa mapaniil na paggamit nito. Para kay Hesus, ang kapangyarihan ay dapat gamitin sa isang paglilingkod na ekspresyon ng pag-ibig. Sa paggamit ng kapangyarihan ng mga namumuno, sa simbahan man o sa pamahalaan, dapat ingatang maprotektahan     ang lehitimong kapangyarihan ng bawat tao o grupo pati na ang mga hindi umaayon sa Simbahan. (Pahayag tungkol sa Simbahan ng mga Dukha, Unang Sinodo ng Diyosesis ng Boac)