“Are you willling to be less richer, so that the poor will become less poorer?”

Hunyo 24, 2015, Sacred Heart Pastoral Center, Boac, Marinduque – Binanggit ng Lubhang Kagalang-galang Marcelino Antonio M. Maralit, Jr., D.D. ang mga katagang ito bilang hamon sa mga business sector na nakatakda umano niyang makapulong sa mga susunod na araw. Ito ay sinabi niya sa pagkakataong siya ay naging tagapagtalakay ng paksa ukol sa Pag-ibig sa katatapos lamang na Seminar ng mga Parish Lay Workers tungkol sa paglilinaw ng kahulugan ng mga salita sa Vison o Pangarap ng Diyosesis ng Boac. Ito ay ang “Marinduque, Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pag-ibig at Kapayapaan.” Ani Bishop Junie, “Ang pagtulong sa kapwang nangangailangan ay dapat dahil mahal natin sila at hindi para magbigay lamang.” Ayon pa rin sa kanya, ito ang tunay na pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa katulad ng pag-ibig na ibinigay ni Kristo para sa atin. Kaya’t dahil na rin sa ngayon ay Taon ng mga Dukha sa Simbahan sa Pilipinas, kukumbinsihin umano ng mahal na Obispo ang mga mayayaman na magbahagi para sa mga dukna.

Gayundin naman tinalakay din ni Fr. Ian R. Retardo, Asst. Social Action Director ang tungkol sa Simbahan ng mga Dukha bilang unang paksa upang higit na maunawaan ng mga nagsasanay ang kahulugan ng Simbahan ng mga Dukha at kung bakit ito ipinagdiriwang ng buong simbahan ng Pilipinas ngayong taon. Ang tungkol sa Katarungan naman ay binigyang paliwanag ni Fr. Allan L. Malapad, Director ng Social Action Commission, sinabi niya na may iba’t-ibang uri ng katarungan subalit ang pinakamagulo ay ang Social Justice kung saan sa anumang pagtutuwid ay may masasagasaan. Gayundin naman naging paksa ni Fr. Arvin J. Madla ang tungkol sa Kapayapaan, dito ay ginamit niya ang ilang dekreto mula sa Kauna-unahang Sinodo ng Diyosesis ng Boac hinggil sa kapayapaan.

Samantala, dalawang panayam ang idinaos ni Bishop Junie sa mga dukha, ang una ay noong ika 19 ng Hunyo sa may 65 katao mula sa ibat-ibang leader ng simbahan buhat sa 14 na parokya kasama na dito ang kinatawan ng Parish Pastoral Council ng bawat parokya na pawang mga delegado sa pagsasanay. Ang panayam na ito ay ginawa bilang pagsunod sa atas ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) na kunin ang mismong hinaing ng mga dukha para sa pagdaraos ng CBCP ng kumperensiya sa buwan ng Hulyo sa Maynila. Ang resulta ng panayam ay magiging basehan ng mga Obispo upang itaguyod ang kapakanan ng mga mahihirap sa buong bansa. Naging maayos naman ang mga kasagutan ng mga nagsidalo lalo na sa mga tanong na: 1) Bakit sinasabi nating tayo ay mahirap?, 2) May naitulong ba sa inyo ang gobyerno, simbahan at organisasyong pangsibiko? 3) sapat ba naman ang tulong nila para maahon kayo sa kahirapan?, at 4) Ano ang inyong mungkahi para matulungan kayo na maahon sa kahirapan?

Ganito ring mga katanungan ang sinagutan ng mahigit 40 dumalo ng ikalawang panayam ni Bishop Junie mula rin sa 14 na parokya sa hanay naman ng sadyang matindi ang kahirapang dinaranas mula sa mga malalayong barangay, ang masasabi nating “unchurch people” o yoong walang alam sa simbahan. Ito rin ay ginanap sa Pastoral Center ng Diyosesis noong ika-24 ng Hunyo.

Sa dalawang panayam, lumabas ang kanilang pakahulugan sa pagiging dukha. Karamihan sa kasagutan ay ang kasalatan sa kabuhayan, sa mga pangunahing pangangailangan lalo na ang pagkain, edukasyon at maayos na bahay. Ang unchurch people naman ay humihiling na bukod sa mga ito ay mapagkalooban pa sila ng trabaho, pabahay at maging pagpapatakid ng kuryente sa bahay nila. May mga nakapanayam din na may mga karamdaman at kailangan ang pampagamot nila mismo at ng kanilang pamilya. Lumabas din sa panayam na mayroong hindi nakakatanggap ng tulong mula sa gobyerno, simbahan at ibang organisasyon, at kung mayroon man ay sadyang hindi sila natulungang umahon sa kahirapan.

Samantala, ipinaalala ni Bishop Junie sa mga nagsidalo na kung mayroong ibibigay na tulong ang simbahan sa kanila ay dapat namang makita na tinutulungan din nila ang kanilang sarili. Kung may mga tulong ani Bishop na darating ay dadaan din sa pagsusuri kung sino ang dapat bigyan nito. Mahalaga rin umano na ang mga mahihirap ay dumalo sa mga pagpupulong sa barangay at sa simbahan pati na sa mga pag-aaral. Pagsikapan din ani Bishop na maging masipag at matiyaga at maganda ang ugali sa komunidad.

Sa pagkakataon ding ito ay pahapyaw na ipinaliwanag ng Obispo ang isinusulong ng Simbahan na “Zero Hunger Bill”, ito ay ang gawing batas ng gobyerno ang Karapatan ng lahat na Makakain ng Sapat. Kapag aniya ito ay nakapasa sa Kongreso at Senado ay maglalaan ng karampatang budget ang gobyerno para sa pagkain ng mga Filipino lalo na ang mga dukha upang wala ng magutom pa sa bansa. Dorie Sapunto