MCEA SEMINAR, naging matagumpay

Matagumpay na isinagawa ang Seminar ng Marinduque Catholic Educators Association (MCEA), sa Holy Infant Parochial School noong ika-11 ng Hunyo 2015. Dinaluhan ito ng mga administrador, punong-guro, guro, at iba pang empleyado ng limang katolikong paaralan: ang paaralan ng St. Mary’s College of Marinduque, Saint Joseph the Worker Academy of Marinduque, Inc., Our Mother of Perpetual Succor Academy, Holy Infant Parochial School, at Holy Child Parochial School. Gayundin, ang mga panauhin mula sa PhilHealth, Social Security System, Department of Labor and Employment, at Bureau of Internal Revenue.

Layunin ng nasabing seminar na magkaroon ng tamang kaalaman ang bawat empleyado sa tamang benepisyo na kanilang matatanggap hinggil sa kanilang mga kontribusyon.

Unang nagbahagi ang tagapagsalita mula sa PhilHealth Fund na si Joy Manrique. Ipinahatid niya kung paano maging miyembro ng PhilHealth at anu-ano ang mga benepisyong kanilang matatanggap kung sila ay kasapi nito. Nilinaw din nila na ang bawat miyembro ng pamilya na nagtatrabaho ay dapat kasapi ng programa, pati na rin ang automatikong enrolment ng may mga edad 60 (senior citizen). Ipinabatid din nila na dapat gawin ang mga operasyon sa mga ospital na accredited ng Philhealth. Mainit na pinagusapan sa Open Forum ang tungkol sa panganganak at ang pag-aasikaso ng mga papel na may kinalaman sa pag claim ng mga kasapi.

Sumunod dito ay ang opisyal mula sa Social Security System na si Santisima Rosario- Baac. Mas binigyang diin naman niya ang karapatan ng mga may edad 60 pataas na kung saan ay dapat napakikinabangan na ang kanilang kontribusyon o ang pension nila. Ipinaliwanag din niya kung bakit hindi pare- pareho ang halaga na tinatanggap ng mga kasapi pagdating sa pensiyon. Iyon ay dahil naging mas malaki ang kontribusyon ng kasapi o kaya naman ay sobra na sa buwan ang naihulog niya bago pa dumating sa edad ng pagkakaroon ng pension kaya naman nadoble eto.

Pinahatid naman ng Department of Labor and Employment ang kanilang mga ginagawang aksyon hinggil sa mga pangangailangang isinasangguni sa kanila ng mga employer at empleyado sa pamamagitan ni Peter James Cortazar. Inisa-isa niyang ibinahagi ang mga pang-karaniwang problema at nagiging sanhi ng mga paglabag sa karapatan ng bawat employer at empleyado. Tinukoy niya rin ang bawat proseso na pagdadaanan kung maaaring humantong sa pagiging Labor Case ang bawat sitwasyon. Sinabi rin niyang mas pinaiigting nila ang pagbabantay sa mga establisyemento na hindi sumusunod sa batas. Iminungkahi rin ni Reb. P. Edwin Sager na magkaroon ng isa pang seminar na maglalayong maisama ang iba’t ibang organisasyon na may kinalaman sa mga nasa working sector, at upang magkaroon ng dayalogo, nais nilang ma-imbitahan ang mga taga Civil Service, at Philippine Rate Commission sa Seminar itinakda sa buwan ng Setyembre, sa OMPSA Torrijos.

Binigyang daan din ang ilang mga paalala mula sa BIR sa pamamagitan ni Romana Marrieta Belen tungkol sa pagbabayad ng kaukulang buwis. Nagkaroon din ng update tungkol sa proseso ng pagbabayad. Binigyang diin din nila na dapat magkaroon ng TIN Number ang bawat isa at ang pagkakaroon ng dalawa at higit pang TIN ay paglabag na sa batas at may karampatang kaparusahan.

Bilang huling bahagi ng programa ay nagdiwang ng Banal na Misa, sa pangunguna ng Lubhang Kagalang-galang Marcelino Antonio M. Maralit, Jr., D.D, kasama ang mga direktor ng bawat paaralan, Rev. Fr. Edwin M. Sager, Rev. Fr. Christian Regencia, Rev. Fr. Jovin Grimaldo at Rev. Fr. John Jovel Luna.