Pintig ng puso ko bilang pastol ng ating Simbahan

Isang mabiyaya at mapayapang pagbati po sa inyong lahat!

Sa unang pagkakataon ako ay sumusulat sa inyong lahat na mga mananampalatayang bumubuo ng kawan ng Diyosesis ng Boac bilang inyong Pastol. At sa aking pagkakaalam ang hangad ng munting lathalain nating ito ay ang makapagbahagi ako sa inyo ng pulso o pintig ng puso ko bilang pastol ng ating simbahan sa panahong pangkasalukuyan. Kaya nga dahilan na rin sa ako ay isa pang bagitong pastol tunay na limitado pa at halos napaka-personal na pagpupulso pa lamang ang kaya kong isulat.

Hindi pa man ako nakararating sa Diyosesis ng Boac, naging malakas na agad sa akin ang dating ng katotohanan ng ating Simbahan bilang Simbahan ng mga Dukha na may Pag-ibig, Katarungan at Kapayapaan. Malakas ang dating sa akin ng katotohanang ito sapagkat alam kong ako ang hinirang na pastol na dapat maglingkod at manguna patungo sa pagsasakatuparan ng katotohanang ito ng ating simbahan dito sa Diyosesis ng Boac. Ito ay dahil na rin sa sariwa pa sa aking pag-iisip at diwa ang naging pagbisita sa atin ng mahal nating Santo Papa Francisco na siya namang humirang din sa akin bilang Obispo ng Boac. At hindi nga ba si Papa Francisco ang laging nagpapaalala sa atin na hindi lang tayo Simbahan para sa mga dukha, kungdi dapat tayo ay Simbahan kasama ng mga dukha? At pinagtibay niya mismo ito sa buhay kahit bago pa siya naging Obispo ng Roma, sa kanyang payak na pamumuhay at malaking pagmamahal at pakikiisa sa mga dukha sa Buenos Aires, Argentina. At lalong kakaibang biyaya ito para sa akin na sa ating diyosesis, hindi pa man niya naipapahayag ito bilang Papa Francisco, ay siya na ang uri ng simbahang hangad nating maging- Simbahan ng mga Dukha.

Kasama nito, biro nga ng mga Obispo sa akin nang una akong makasama sa kapulungan ng mga Obispo ng Pilipinas noong nakalipas ding Enero, ako daw ay ginawang Obispo ni Pope Francis dahil sa ipinagdiriwang sa Pilipinas ang Taon ng mga Dukha, at ninais ng Santo Papa na ang unang obispong Pilipino para sa taong 2015 ay isang MARALITa; man lamang daw ay sa pangalan. Taon nga po ng mga Dukha at ito ang siya binibigyan diin ngayon sa simbahang Pilipino sa taong 2014-2015, na malinaw sa liham ni Arsobispo Socrates Villegas, pangulo ng CBCP, ang pagpapahayag nang tunay na halaga ng katotohanan ng mga dukha sa ating pagiging Kristiyano. At higit pa, lalo pa niya itong binigyang diin sa kanyang pagpapahayag sa paanyaya sa atin ng ating Panginoong Hesus na maging mga dukha, kaisa Niya- “… hinubaran o inalisan ng damit, dangal, mga pag-aari, kapangyarihan at lakas, kaisa ng mga madudumi, ng mga api, ng mga kinukutya, ng mga walang kapangyarihan, ng mga aba at mga tinatakwil…” (CBCP- Mensaheng Pastoral, Nob. 12, 2014)

At mas lalo pang naging makahulugan sa akin ito, dahil sa isang napaka-personal na paraan ay kaya kong sabihin na ako ay iniligtas ng ating Panginoon sa pamamagitan ng mga dukha o maliliit ng Diyos. Kaya nga sa akin mismong sagisag o Coat of Arms, ay ninais ko na maipahayag ito sa pamamagitan ng imahen sa gawing ilalim ng sagisag, sa pamamagitan ng mga bilog-bilog sa gitnang-ilalim ng mga titik na AM. Hangad nito na maipakita nga na kasama ng aking debosyon sa ating Mahal na Ina ay ang halaga at ang aking malaking utang na loob sa mga dukha o maliliit ng Diyos. Bilang pari ay hindi ko itinatanggi na minsan kong naransan ang kawalan ng tunay na direksyon at kahulugan sa aking paglilingkod sa Simbahan. Ang akala ko ang ibig sabihin ng pagiging mabuting pari ay yung paring walang ginagawang masama. Kaya tuloy ang akala ko ay mabuting pari na ako noon, sapagkat wala naman akong ginagawang masama sa pagkakaalam ko. Ito ang nagdala din sa aking maging pari na ang ginagawa ay yun lamang hinihiling sa akin ng pagkakataon at ng aking trabaho bilang pari. Nagmistulang trabaho at propesyon ang pagkapari ko. Nalimutan ko ang tunay na kabanalan ng pari ay na sa kanyang pagbibigay ng sarili sa paglilingkod ng buong-buo, na minsan ay kahit wala nang pasubali sa sariling kapakanan, dahilan na rin sa halimbawa at sa dapat na pakikiisa kay Kristong nag-iisang Kataas-taasang Pari. At mula sa aking naging maling pananaw sa aking pagkapari ay iniligtas ako ng Panginoon nang ipadala Niya sa akin ang mga batang may karamdaman na Kanser, na dahil sa kanilang karukhaan ay hindi nila magawang lumaban sa sakit na ito. Dinala ako ng Diyos na maging bahagi ng buhay nila at ng kanilang laban. Binago ako ng Panginoon nang iparanas Niya sa akin na sa gitna ng kanilang karukhaan ay nandoon din ang kalakihan ng pananampalataya, pag-asa at pag-ibig ng kanilang mga magulang at mahal sa buhay. Sa kanilang karukhaan ay ipinadama sa akin ng Diyos ang Kanyang pagtawag sa akin patungo sa pagbabago ng aking puso at pamumuhay. Kay linaw nga sa akin noon ng kahulugan ng mga salita ni Papa Francisco ng anyayahan niya ang lahat ng mga naroroon sa UST noong ika-18 ng Enero, na huwag isipin na tayo lamang ang nagbibigay o nag-aalok sa mga dukha ng biyaya. Dapat rin daw tayong maging handa na tumanggap mula sa mga dukha nang higit pang mga biyaya. At ito ang naging karanasan ko sa aking buhay bilang tao, kristiyano at pari, biniyayaan ako ng Diyos ng isang bagong buhay dahil sa mga dukha o maliliit niya. Sila ang naging daan ng biyaya para sa akin…

Kaya nga, sa unang pagkakataon ay tahasan ko na ring ipinapahayag sa inyong lahat ang kalinawan ng pulso ng inyong bagong pastol, na sa lahat at kahit anong programamng pastoral na maaari nating ipagpatuloy o ipatupad ito ay kailangang magpahayag ng ating katotohanan bilang isang Simbahan ng mga Dukha. Walang saysay tayo bilang mga mananampalataya at hindi tayo magiging tapat sa panawagan sa atin ng Simbahan at lalo’t higit ng ating Panginoon kung hindi tayo magiging Simbahan ng mga Dukha na may Pag-ibig, Katarungan at Kapayapaan