Magkaisa sa pagdamay sa ating mga kapatid sa Nepal

LIHAM SIRKULAR BLG. 1
Serye 2015
Mayo 7, 2015

Minamahal kong mga Pari:

Noong ika-25 ng Abril, 2015, niyanig ng 7.9 magnitude na lindol ang bansang Nepal. Sa ngayon, mahigit pitong libo (7,000) na ang naitalang namatay at labing-apat na libo (14,000) na ang sugatan. Marami ang nawalan ng mga mahal sa buhay at tirahan. Ramdam pa rin ang takot dahil may mga maliliit pa ring pagyanig na nararamdaman.

Ang United Nations kasama ang marami pang mga International Humanitarian Organizations ay nagpadala na ng tulong sa nasabing bansa. Ganun pa man, marami pa rin ang nangangailangan ng tulong tulad ng matitirhan, pagkain, tubig, medisina at iba pang pangangailangan.

Bilang tugon sa pangangailangan ng marami nating kapatid sa Nepal, ang National Secretariat for Social Action (NASSA) ay umaapela ng suporta sa bawat Diyosesis bilang tulong sa pangangailangan ng mga kapatid natin sa nasabing bansa.

Tayo man po ay nakaranas din ng isang matinding sakuna bilang probinsya nang tayo ay hagupitin ng bagyong Reming noong taong 2005, kaya’t lagi nating tatanawing malaking utang na loob sa napakaraming tumulong sa atin para makabangon. Kaya nga sa pangangailangan ng ating mga kapatid sa Nepal, kumakatok po kami sa inyong mabubuting puso upang magbigay ng tulong pinansyal para sa ating mga kapatid na nangangailangan. Magkakaroon po tayo ng Special Collection sa darating na Linggo, ika-17 ng Mayo, 2015 (kasama po ang Anticipated Mass). Ang malilikom na halaga ay isusulit sa ating Diocesan Curia at ipapadala naman ito sa National Secretariat for Social Action.

Halinang magkaisa sa pagdamay sa ating mga kapatid na nangangailangan upang ang bawat isa ay mamuhay nang may sapat sa gitna ng pangangailangan, bunga ng ating pagtutulungan.

Maraming salamat po sa inyong patuloy na paglilingkod sa mga dukha at nangangailangan.

Pagpalain tayo ng Diyos.

+MARCELINO ANTONIO M. MARALIT, JR. D.D.
Obispo ng Boac