The Parish Report

Inaasahang magiging masaya ang Family Day at Christmas Party ng ating kaparian ng Diyosesis kasama ang kanilang malalapit na kamag-anak at officers ng Samahan ni San Juan Ma. Vianney na gaganapin sa ika-28 ng Disyembre 2014 at sa kauna-unahang pagkakataon sa ganap na ika-1 ng hapon sa Marinduque National High School Covered Court, Boac, Marinduque. Magkakaroon ng Christmas Spirit ang bawat isa. Isang misa ng pasasalamat ang gaganapin sa ika-2 ng hapon na pamumunuan ng Diocesan Administrator Rev. Fr. Elino P. Esplana kasama ang kaparian ng ating diyosesis. Pagkaraan nama’y magkakaroon ng programa na ang “presentation” ay by “vicaria” at parlor games upang mas mapasaya ang okasyon.

Samantala, sa pagpasok ng taong 2015 magiging abala ang ating samahan sa paglingap ng pondo sa pagpapagawa ng “Retirement House” o Bahay Pari para sa mga retirado at may sakit na pari ang ating diyosesis. Matatandaang nakapaglikom tayo ng P450,000.00 mula sa fund raising na ginawa natin noong ika-4 ng Agosto 2014 sa pamamagitan ng raffle draw na sinundan ng concert “Tinig ng Pastol,” na ginampanan ng Kaparian ng ating Diyosesis noong Nobyembre 2014. Maraming salamat po sa mga sumuporta at tumulong upang maging matagumpay at masaya ang nasabing concert. Napagkasunduan na magkakaroon din ng souvenir items mula sa January 2015 bilang bahagi ng fund raising katulad ng T-shirt, payong at bag na ilalagay sa opisina ng 14 ng parokya. Kukuha rin ng mga sponsors para sa “Ground Breaking Ceremony” ng retreat house na itatakda sa mga unang buwan ng 2015. Inaasahan po na makikiisa ang lahat sa magandang layuning ito para sa kapakanan ng ating mga kaparian lalo na sa pagdating ng kanilang pagtanda o pagkakasakit. Alam natin na noong kanilang ordinasyon inialay na sila ng kanilang mga kamag-anak sa simbahan at tayo bilang bumubuo ng simbahan ay nararapat lamang na tumanaw ng ng utang na loob sa kanilang pagpapagal upang maligtas ang ating kaluluwa sa ating paghahanda sa buhay na walang hanggan. Kung hindi man tayo nakabili ng ticket noong concert o kaya ay sa raffle draw, marami pang pagkakataon na puwede ninyong ibahagi ang inyong donsyon para sa “Retirement House” at maging aktibong kasapi ng samahan, na manalangin para sa ating kaparian.

Nais rin po naming ipaalam sa inyo ang mga “contributions” ninyo bilang kasapi ng Samahan ni San Juan Ma. Vianney ay hindi natin gagalawin sa pagpapagawa ng “Retierment House”. Magkaiba ang dalawa sa layunin. Sa kasalukuyan po ay hindi pa rin natin naaabot ang “target” membership natin na 20,000 kasapian ng samahan mula sa 10% na 200,000 na katoliko sa lalawigan ng Marinduque na ayon sa ating dating Obispo Lub. Kgg. Reynaldo G. Evangelista, kung silang 20,000 katoliko ay magiging kasapi ng samahan at magbigay ng P 20,00 na “donasyon” buwan-buwan ay sapat na para mabigyan ng kaukulang “honorarium” ang kaparian ng diyosesis. Ngunit sa kasalukuyan nasa 9,450 kasapi pa lamang tayo pagkaraan ng 8 taong pagkakatatag nito. Kaya’t sa mga hindi pa kasapi nito ay ito napo ang pagkakataon ninyo na tumulong sa pamamagitan ng panalangin at pagbibigay tulong pinansyal para sa kaparian ng ating diyosesis. Ngayong araw ng kapaskuhan maging regalo natin sa kanila ay ang maging kasapi tayo ng samahan at makipagtulungan sa pagpapatayo ng Retirement House.

Ang pari na nagnanais na umibig katulad ng Mabuting Pastol ay kinakailangang italaga ang kanyang sarili sa ilang mga bagay na napakahalaga ngayon kaysa noon: ang kilalalnin ang kanyang sariling tupa, lalong-lalu na sa pagdalaw, pakikipag-ugnayan at pakikipagkaibigan; ang tanggapin katulad ni Hesus ang lahat ng dumarating sa kanya, lagging handa sa pakikinig at pag-unawa, bukas at tunay na mabuti; nakikilahok sa mga pagkilos upang tulungan ang mga dukha, at hinubog ang sarili sa mga katangiang pinahahalagahan sa makataong pakikipag-ugnayan.