TINAWAG UPANG MAGING BANAL, ISINUGO UPANG MAGING BAYANI

Noong nakaraang Agosto 3, 2014, ipinagdiwang ng buong Diyosesis, sa Parokya ng Mahal na Birhen ng Lourdes, ang Kapistahan ni San Juan Maria Vianney. Ito ay pinangunahan ng mga pinuno at kasapi ng Samahan ni San Juan Maria Vianney. Pinarangalan nila ang mga pari at kinilala ang mahalagang tungkuling kanilang ginagampanan sa buhay ng mga mananampalataya. Sa pamamagitan ng pagsasadula ng mga programa ng Samahan ni San Juan Maria Vianney, muli nilang ipinamalas ang kanilang kahandaan bilang kaagapay ng mga pari ng diyosesis sa kanilang mga pangangailangan. Habang pinanononood ko ang mga batang gumaganap bilang matatanda at maysakit na pari, hindi ko napigilang lumuha, sapagkat tunay na lubhang malapit sa katotohanan sa buhay naming mga pari ang kanilang ipinakikita. Sa kabilang dako, nagkaroon ako ng ibayong lakas ng loob, at nasabi ko sa aking sarili, “hindi na nakakatakot tumanda at magkasakit ngayon, sapagkat andyan ang San Juan Maria Vianney na laging nakaagapay upang alalayan kaming mga pari hanggang sa aming katandaan”.

Sino ba ang bumubuo ng Samahan ng San Juan Maria Vianney? Hindi ba’t sila’y mga laykong mulat sa pangangailangan ng mga pari, lalo’t higit ay sa usaping espirituwal at pinansiyal? Hindi ba’t sila’y mga laykong handang tumulong sa mga pari sa pamamagitan ng pananalangin at paglalaan ng tulong sa abot ng kanilang kakayanan? Hindi ba’t sila’y mga laykong tinawag upang maging banal at patuloy na isinusugo upang maging bayani sa kani-kanilang larangan?

Ang kabayanihang ipinakikita ng bawat kasapi ng Samahan ng San Juan Maria Vianney ay isa lamang halimbawa ng napakaraming kabayanihan ng mga layko sa ating Simbahan. Ngayong taon ng mga Layko, dapat lamang na kilalanin naming mga pari ang mahalagang tungkuling kanilang ginagampanan sa aming ministeryo at sa sambayanang aming pinaglilingkuran. Sino ang nagluluto ng aming pagkain, naglalaba ng aming mga damit, naglilinis at nag-aayos ng sakristiya at simbahan, at umaasiste sa aming mga misa lalo na sa barangay? Sino ang pinagkakatiwalaan namin sa opisina ng Parokya? Sino ang kalimitang humahawak ng salapi at nagpapaunlad nito? Sino ang tinatawag namin kapag may malalaking okasyon sa Parokya at sambayanan? Sino ang umaasiste sa pagpapadaloy ng prusisyon tuwing Mahal na Araw at nga Kapiyestahan? At marami pang iba!

Iisa lamang po ang sagot sa mga katanungan sa itaas: MGA LAYKO SA SIMBAHAN! Sa loob ng 36 na taong pag-iral ng Diyosesis ng Boac ay laging naroon ang mga layko na aktibong nakikisangkot sa mga gawain ng simbahan. Sa pamamagitan nila ay matagumpay na naipatupad ang mga programa ng ating Simbahan. Kaya nga, masasabi nating kung ano tayo ngayon bilang Simbahan ay dahil sa pakikipagtulungan ng mga layko sa kaparian. Kaugnay ng 9 na taong paghahanda para sa pagdiriwang ng ika-limangdaang taon ng Kristiyanisasyon sa Pilipinas, kagyat kong masasabi na tama ang tinatahak na landas ng ating diyosesis kaugnay ng mga layko sa Simbahan. Pinapangarap ng Simbahan sa Pilipinas na sa taong ito 2014 ay magkakaroon ng renewal o pagpapanibago ang mga layko sa pamamagitan ng pagpapasigla sa biyayang tinanggap nila mula sa Espiritu Santo upang tunay nga silang maging responsableng kamanggagawa tungo sa Bagong Ebanghelisasyon at sa pagpapanibago ng ating lipunan ( … as co-responsible agents of evangelization and lead in the task of social transformation).

Ang buwan ng Setyembre ay sadyang nakalaan sa mga layko. Kaya nga tamang-tama na itampok natin ang mahalagang tungkuling kanilang ginagampanan sa ating Simbahan at bilang responsableng kamanggagawa sa ubasan ng Panginoon. Samantalang kinikilala natin ang kanilang mahalagang tungkulin sa buhay at ministerio ng Simbahan, patuloy pa rin ang ating paanyaya at paghimok sa kanila na huwag maging kampanti na lamang sa kung anong kinagisnang gawain o antas ng paglilingkod sa Simbahan. Magsumikap tayong lahat na umunlad sa karunungan at kabanalan. Kaya nga muli nating ipinaala-ala na tulad ng mga pari, sila man ay tinatawag din upang magpakabanal sa larangan at buhay na kanilang ginagalawan. At patuloy na isinusugo nang may damdamin at determinasyon ng isang bayani, sa ngalan ng Panginoon at pananampalatayang Katoliko.

Mabuhay kayong mga layko! Mabuhay ang Diyosesis ng Boac sa tulong ninyo!