GABAY SA PAGHUHUBOG AT PAGHAHANDA SA GAWAIN NG MGA AKOLITO

Ang ministeryo o paglilingkod ng isang akolito ay nakatuon sa hapag ng katawan at dugo ng Panginoon. Dahil dito siya ay maaaring tawaging lingkod sa hapag ng katawan at dugo ng Panginoon. Gayundin naman ang kanyang paghuhubog ay dapat naaayon sa natura ng kayang gawain sa apat na sulok ng dambana.

Pangkalahatang Paghahanda

Una sa lahat, ang isang akolito o naghahangad na maging akolito ay kinakailangang mayroong tapat at malinis na hangaring makaisa si Kristo sa Banal na Eukaristiya na siyang magiging daan ng kanyang sariling pagpapakabanal. Ito ay dapat na pangunahing layunin o hangarin ng isang akolito upang higit siyang maging epektibong instrumento ng pamamahagi ng Katawan at dugo ni Kristo sa iba.

Ang isang akolito na nakaaalam at nakauunawa ng mga wastong kilos at galaw sa pagdiriwang. Kinakailangan ding mayroon siyang sapat na pundasyon sa mga bagay na nauukol sa kabanalan at espirituwalidad na bumubukal sa Banal na Eukaristiya. Dapat din niyang malaman ang mga wastong alituntunin ng Liturhiya ng Simbahan. Kinakailangan ding alam ng isang akolito ang pangalan ng lahat ng mga ginagamit sa misa tulad halimbawa ng kalis, patena, corporal, purificator, finger towel, cruets, sakramentaryo, leksiyonaryo, siboryum at iba pa.

Ang paghuhubog sa isang akolito ay dapat lamang na sumasaklaw sa personal, espiritwal, intelektwal at moral na pamumuhay tulad ng nabanggit sa unahan. Kailangang ihanda muna niya ang kanyang sarili bago niya ihanda ang iba pang kakailanganin sa pagdiriwang. Dapat niyang tandaan na higit na mahalaga ang personal na paghahanda kaysa sa iba pang paghahandang hinihingi.

Paghahanda Bago Magsimula ang Pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya

Bago magsimula ang pagdiriwang, kailangang ang isang akolito ay nasa kondisyon at wastong disposisyon upang maglingkod. Dapat na mabakas sa kanyang mukha at buong pagkatao ang sigla at kasigasigan sa paglilingkod sa dambana ng Panginoon. Kailangang maaliwalas ang mukha hindi nakasimangot o kaya nama’y malungkot ang mukha. Bagama’t simple at napakaordinaryo ng mga bagay na ito, ito’y nakakaapekto rin sa mga nakikipagmisang sambayanan. Ang positibong disposisyon ay nakatutulong upang ang masayang damdamin ng pagdiriwang ay mapanatili. Tandaan natin na nalulugod ang Diyos sa taong masayang naglilingkod.

Higit na magiging maganda ang disposisyon kung ang isang lingkod ay nakipagniig muna kay Kristo sa pamamagitan ng mataimtim na panalangin. Kaya nga, hinihingi ng maayos na paghahanda ang labinlima hanggang tatlumpong minutong pananalangin sa harap ng Banal na Sakramento.

Matapos ang panalangin, tingnan munang mabuti kung handa na ang mga gamit sa misa at tiyaking mabuti kung ang mga gamit na ito ay nasa angkop na lugal. Tiyakin ding mabuti na handa na ang iba pang mga lingkod tulad ng mga kantor at sakristan. Handa na ba silang lahat para sa pagsisimula ng pagdiriwang? Tiyakin ding mabuti kung malinis na maayos ang mga kamay na gagamitin sa pagpapakomunyon.

Mga Alituntuning Dapat Isaalang-alang sa Loob ng Pagdiriwang

1. Lumakad at kumilos ng solemne patungo sa altar. Ituon ang paningin sa dambana sa unahan at hindi sa mga taong mararaanan patungo sa unahan.

2. Iwasan ang bumati at makipag-usap sa mga tao o sa kapwa lingkod samantalang solemneng naglalakad patungo sa unahan.

3. Sumabay din sa pag-awit.

4. Pagdating sa harap ng dambana, hintaying makarating ang lahat ng mga kapwa lingkod na lektor at akolito, bumuo ng isang pahalang na hanay at sabay-sabay na lumuhod. Pagkatapos nito, pumunta sa kani-kaniyang upuan ng solomne at maayos.

5. Pagdating sa upuan, panatilihing nakatuon pa rin sa isip at puso sa pagdiriwang. Iwasan ang mga hindi kinakailangang pag-uusap o komosyon hanggang hindi natatapos ang pagdiriwang.

6. Gawin ang mga tungkuling iniatang nang maayos at ayon sa hinihingi ng solemneng pagdiriwang.

7. Sa pagtatapos ng pagdiriwang, pagkatapos ng sabay-sabay na pagluhod, tuloy-tuloy na lumabas ng simbahan nang maayos tulad rin ng prusisyon sa pagpasok. Huwag agad magkalat-kalat samantalang nasa loob pa ng simbahan.

8. Pagdating ng prusisyon sa hulihan ng Simbahan, huwag kalimutang lumuhod na muli sa harap ng Santisimo upang magpasalamat sa Diyos sa lahat ng biyaya na tinanggap mula sa kanya lalo’t higit ay ang biyaya ng pagiging lingkod-akolito.