Konkretong Pagtugon ng mga LAYKO sa hamon ng Unang Sinodo ng Diyosesis ng Boac

Naging matagumpay ang pandiyosesis na pagdiriwang ng Samahan ni San Juan Ma. Vianney na ginanap noong ika-3 ng Agosto, Linggo sa Parokya ng Mahal na Birhen ng Lourdes, Malibago, Torrijos. Ang araw na ito ay kapistahan ni San Juan Ma. Vianney, patron ng lahat ng mga pari at tinagurian ding “Priest Day” o Kapistahan ng mga Pari sa Diyosesis. Ang paksa ng pagdiriwang ay “Konkretong Pagtugon ng mga LAYKO sa hamon ng Unang Sinodo ng Diyosesis ng Boac.” Dumagsa ang maraming kasapi kahit ang ating diyosesis ay wala pang Obispo sa kasalukuyan at ang parokya ng Malibago sa Torrijos ay lubhang malayo kaya hindi inaasahan ang ganoong karami na dadalong kasapi mula sa 14 na parokya. Sa kauna-unahan ding pagkakataon isinagawa ang pagdiriwang ng mas maaga at ito ay sa ganap na ika-9 ng umaga kaya mas nagging masaya ang nasabing okasyon.

Inumpisahan sa pagsalubong ng mga mag-aaral na may makukulay na kasuotan ang lahat ng mga dumating na panauhin sa saliw ng isang banda at sa ganap na ika-10:15 ng umaga ay isinagawa ang pagpupulong sa pamamagitan ng pag-uulat ng Diocesan President, Secretary at Treasurer na sa pagitan ay may katuwang na intermission number mula sa mag-aaral ng Malibago. Pagkatapos nito ay nagsalita ang Spiritual Director, Rev. Msgr. Ramon Magdurulang tungkol sa good stewardship. Isinagawa ang open forum hanggang sa tanghaling tapat.

Napakaganda ng feedback na narinig ko sa mga dumalo. Naroong pagdating pa lang daw nila ay may nakasalubong agad at nag-abot ng 2 suman na pang meryenda at nang tanghalian na kahit sila ay may baon at KKB meron din daw na nagabot ng mainit na kanin, dinuguan at menudo kaya tuwang-tuwa sila. Sabi ng ilan, ito raw ang pinakamasayang pagdiriwang ng Vianney Sunday sa lahat. Sa isang taon ay ang Parokya ng Mahal na Birhen ng Mapag-ampon sa mga Kristiyano sa Balimbing, Boac, Marinduque ang magiging host sa pamumuno ni Fr. Milliemar Perin. Ginanap din ang Raffle draw sa ganap na ika-1 ng hapon at ang mga nanalo ng major award ay ang mga sumusunod:

Frist prize Jun Palos – Quezon City (Living Room Showcase)

Second prize Marites Sena – Pangi, Gasan (Bedroom Showcase)

Third prize Fe Reynoso – Cabuyo, Torrijos (Dining Room Showcase)

Ang nasabing raffle draw na kung saan ang nalikom na pondo ay gagawing puhunan sa pagtatayo ng “Retirement House” para sa Senior Clergy at may mga maysakit na pari ng Diyosesis ay panimula lamang hanggang sa naitayo na ang pinapangarap na “Bahay Pari” na ilalagay sa bayan ng Mogpog, Marinduque. Salamat po salahat ng tumangkilik sa initial project natin na fund raising para sa mga pari.

Ang concelebrated mass ay pinamunuan ng Diocesan Administrator Rev. Fr. Elino P. Esplana. At nagging mas masaya pa ang pagdiriwang sa isinagawang “Tribute to the Priest” na kung saan ang mga dumalo ay naghintay hanggang sa matapos ito.

Bago ang pandiyosesis na pagdiriwang, nagkaroon din ng mga pamparokyang pagdiriwang sa 14 na parokya na kung saan binibigyang parangal ang kani-kanilang lingkod pari ng mga kasapi at ang ilan ay kanilang tinubungan.

Inaasahang magiging ganito rin kasaya o higit pa ang susunod na taong pandiyosesis na pagdiriwang lalo’t higit sa ika-10 taon nito sa 2016. Pagkaraan din ng nasabing pagdiriwang inaasahang tataas na ang bilang ng kasapian at ang pledges o contributors ng mga pamparokyang unit.

Samantala patuloy pa rin ang Cluster Recollection na ang layunin ay mapalawak ang Maka-Vianney na Esperituwalidad ng mga kasapi at ito ay naumpisahan na noong Hulyo sa Parokya ng Gasan, Balimbing at Mogpog. Gagawin ang kasunod na recollection sa Setyembre 2014. Nanumpa rin sa katungkulan ang mga bagong pamunuan sa ilang pamparokyang yunit noong ika-3 ng Agosto, pagkaraan ng Concelebrated Mass.

Sa panghuli SALAMAT NG MARAMI at Congratulations for the very successful Diocesan Celebration of St. John Ma. Vianney and Priest day sa Parokya ng Birhen ng Lourdes sa Malibago, Torrijos sa pamumuno ng kanilang lingkod pari Rev. Fr. Sherwin F. Apostol. Sabi nga sa pagninilay ni San Juan Maria Vianney, “Ang mga pari ay tinawag upang panatilihin ang pananahan ni Kristo, ang natatanging katas-taasang Pari, sumaklaw ng kanyang buhay at nagging mukha ni Kristo sa gitna ng kawan na iniatas sa kanilang pangangalaga.