2nd Parish Unity Day, matagumpay na idinaos “Katolikong Gaseno sa Taon ng mga Layko: Like ko si Kristo”

Gasan, Marinduque – Bilang pagdiriwang ng Kapistahan ni San Bernardo (August 20), Patron ng Bikariya ng Gasan, idinaos sa ikalawang pagkakataon ang Parish Unity Day ng Parokya ni San Jose Esposo ni Maria na may temang “Katolikong Gaseno sa Taon ng mga Layko: Like ko si Kristo” sa Luxor Beach Resort, Pangi, Gasan, Marinduque noong ika-16 ng Agosto.

Dinaluhan ito ng mahigit 400 na mga mananampalataya ng parokya. Nabuo at sinimulan ang Untiy Day na ito noong nakaraang tao (2013) na may layuning magsama-sama ang mga manggagawa at mananampalataya ng simbahan upang magsaya at lalo pang mapatibay ang samahan ng bawat organisasyon.

Sinimulan ang nasabing pagdiriwang sa pamamagitan ng Banal na Misa na pinangunahan ni Reb. Padre Elino P. Esplana, Diocesan Administrator.Matapos ang Banal na Misa, isang “Talk” na may kasamang Team Building Activities at Unity Games ang ibinigay ni Bro. Alex L. Asuncion, Catholic Life and Christian Living Speaker. Tunay na naaliw at na-inspire ang mga dumalo at lalo nilang naunawaan ang kahalagahan at gampanin ng bawat isa bilang miyembro at manggagawa ng Simbahan. Nakita rin nila ang kahalagahan ng “kaisahan” sa ikapagtatagumpay ng mga gawain at layunin ng mga Samahang Banal sa kabila ng mga kakulangan at kahinaan ng bawat isa.

Lalong naging masaya at “very relaxing” ang mga gawain matapos ang sama-samang panghalian kung saan nagkaroon ng Raffle, animation sa pangunguna ng mg Kabataan (PYC), parlor games at mini program sa pangunguna ng iba’t ibang Samahang Banal na na-enjoy ng lahat. Isang simpleng tribute ang inihandog sa dalawang pari na sina Reb. P. Eulogio L. Mangui at Reb. P. Arvin Anthony J. Madla sa pangunguna ng Parish Pastoral Council (PPC) bilang pagdiriwang ng Kapistahan ni San Juan Maria Vianney, patron ng mga Pari.

Umuwing inspirado at masaya ang lahat dala ang mga alaala at hamon na patuloy pang paglaguin ang pananampalataya at pag-ibayuhin ang paglilingkod at pagkakaisa ng mga Katolikong Gaseno lalo na sa taong ito ng mga layko.

-Maridel G. Lincallo