AANO MAMUMUHAY SA KABANALAN ANG MGA LAYKO?

Ipinagkakamali ng marami ang pagkaunawa sa kabanalan. Una, inaakala ng maraming tao na ang pamumuhay sa kabanalan ay para lamang sa mga pari at mga relihiyoso. Na dahil sila ay naglilingkod sa Diyos inaasahan sa kanila na sila ay namumuhay sa kabanalan. Tama naman ang bagay na ito ngunit maling isipin na sila lamang ang inaasahang mamumuhay sa kabanalan. Ikalawa, mali ring isipin na ang pagiging banal ay sa loob lamang ng simbahan nararapat na ipakita o ipahayag, at kapag wala na sa loob ng simbahan ang isang tao ay pawang mga bagay na naayon na sa pamantayan ng mundo ang susundan. Ang totoo, nasa loob man o labas ng simbahan ang isang mananampalataya, laging inaasahan sa kanya ang magsabuhay ng kabanalan.

Ayon sa Pastoral Exhortation ni Pope John Paul II na may pamagat na Christifidelis Laici (#17), “Ang bokasyon ng mga layko sa kabanalan ay nangangahulugan na ang kanilang buhay, ayon sa udyok ng Espiritu, ay maipahayag sa isang natatanging pamamaraan sa pamamagitan ng kanilang pakikilahok sa mga gawaing temporal at pakikiisa sa mga aktibidad ng pang-araw-araw na buhay.” Lalo pang binigyang diin ng Santo Papa ang ganitong pagpapahayag sa pamamagitan ng paggamit ng mga pananalita ni Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Colosas: “Anuman ang inyong gawin, sa salita o gawa, gawin ninyo sa ngalan ng Panginoong Hesus, at magpasalamat lagi sa Ama sa pmamagitan niya” (Colosas 3:17). Maliwanag sa mga pananalitang ito ni Apostol San Pablo na ang pamumuhay sa kabanalan ay walang pinipiling lugar at panahon, kundi sa lahat ng pagkakataon ang isang mananampalataya ay inaasahang mamuhay palagian sa kabanalan. Sabi pa ng Santo Papa, “Anumang adhikain ng pamilya o mga gawaing sekular ay hindi dapat nahihiwalay sa relihiyosong programa ng buhay.” Ibig lamang sabihin na anumang bahagi ng ating buhay, bawat gawain ng tao ay dapat na kakikitaan ng kabanalan. Kaya naman binabanggit ng Sinodo na, “Napakahalaga na magkaroon ng kaisahan ng buhay ang mga layko: nararapat lamang na sila ay pabanalain sa pang-araw-araw at propesyunal nilang buhay.” Kaya nga upang makatugon sa kanilang bokasyon, dapat makita ng mga layko ang kanilang pang-araw-araw na gawain bilang okasyon ng kanilang pakikiisa sa Diyos, pagtupad ng Kanyang kalooban, paglilingkod sa ibang tao at paggabay sa kanila upang makipagkaisa sa Diyos sa pamamagitan ni Hesukristo.

Ang bokasyong ito ng mga layko sa buhay kabanalan ay nararapat na kilalanin at isabuhay bilang isang hindi maitatanggi at hinihinging obligasyon at nagliliwanag na larawan ng walang hanggang pag-ibig ng Ama. Ilang katotohanan ang nakapaloob sa kabanalang ito ng mga layko. Una, isa itong mahalaga at indi maihihiwalay na elemento ng bagong buhay sa Binyag. Ikalawa, ang kabanalang ito ay mahigpit na nakaugnay sa misyon at responsibilidad na iniatang sa mga mananampalataya sa Simbahan at sa daigdig.