Tanglaw sa kawalan

“Mahirap ang nasa gitna ng kadiliman, ang nasa gitna ng hindi mo maipaliwanag na tanawin sa ating buhay, sa gitna ng kawalan ng kaliwanagan tungo sa ating patutunguhan.”

Naalala ko nang minsang sumama ako sa grupo ng Batayang Pamayanang Kristiyano o BPK ng aming parokya upang mag-explore sa isang sikat na kweba sa lugar namin. Bagama’t mahirap, matarik ang daan, maputik, mabato at madilim sa loob ng kweba na tanging liwanag lang mula sa aming dalang flashlight ang gumagabay sa amin kasama ang tatlong tourist guide ay pinasok namin ang kwebang ito. Halos tatlong oras din kaming naglalakbay at nakikipagsapalaran sa matitilos na bato at mainit na singaw sa loob na nagbigay sa akin ng takot pero excited ako dahil ngayon lang ako makakaranas ng ganoong adventure sa buong buhay ko. Lalong nagbigay sa akin ng kaba ng lumusong na kami sa isang underground river sa loob ng kweba na hanggang dibdib ang lalim. Natakot ako dahil hindi ko alam kung anung mga bagay na natatapakan ko. Kahit na malamig ang tubig, pinagpawisan pa rin ako dahil na rin siguro sa kaba at nerbiyos> Napadasal na lang ako at humingi ng gabay sa Diyos sa pagtahak namin sa kwebang iyon. Buo ang tiwala kong hindi niya kami pababayaan at iiwan sa gitna ng kadiliman sa kwebang iyon.

Isang achievement para sa amin ang marating ang lugar na aming inaasam na kung tawagin ay “The Big Dome”. Dahil sa aming tiyaga at determinasyon, napawi ang aming pagod sa ganda at kamangha-manghang mga tanawin sa loob. Sabi sa amin ng aming tour guide sa lugar daw na iyon isinasagawa nila at ng ilang turista ang tinatawag na “Total Darkness”. Nagtaka ako, at tinanong ko sa sarili ko kahit hindi ko pa alam ang sagot. “Ano ang Total Darkness na iyon? Iyon pala ay ang sabay-sabay na pagpatay ng ilaw sa loob ng kweba upang masaksihan ang kakaibang uri ng dilim sa loob. Lalo akong kinabahan sa aking narinig. Naisip kong baka katulad ito ng mga napapanood ko na mga Horror Movies. Pero hindi iyon ang namayani sa isip ko sa mga sumunod na mga pangyayari at ang aking kaba ay napalitan ng laong pagkamangha dahil sa di ordinaryong dilim sa loob na tanging huni lang ng mga ibon at mga paniki, agos ng tubig mula sa falls ang maririnig. Hindi talaga ako gumagalaw sa aking kinatatayuan kahit pa nanginginig ang aking mga tuhod. Nasagot na rin ang aking tanong kung bakit “Total Darkness” ang tawag nila.

Naisip ko tuloy paano na kaya tayo kung walang liwanag sa ating buhay? Maaari natin itong iugnay sa paglalakbay sa isang madilim na kweba, matarik, mabato, mahirap, mapanganib at walang kasiguraduhan sa patutunguhan. Kung wala ang Diyos na siyang liwanag sa ating buhay walang magbibigay sa atin ng ilaw at katotohanan sa pagtahak sa landas ng buhay. Kaya naman napakahalaga para sa atin ang Kanyang dakilang liwanag sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Ayon sa sulat ni Apostol San Juan, “Ako ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay, walang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”

Sa pagtahak natin sa kadiliman ng buhay, isa lang ang dapat nating hawakan, ang ating Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan niya makakamit natin ang kaliwanagan at ang buhay na walang hanggan sapagkat mahirap ang maglakbay na mag-isa sa gitna ng dilim – wala kang aasahang liwanag, wala kang karamay at wala sayong gagabay.

Madami mang problema at pagsubok sa buhay, kahit humaharap tayo ngayon sa mga matitinding unos na siyang naglulugmok sa atin, huwag tayong mawalan ng pag-asa. Huwag nating hahayaang mawala sa landas ng buhay tungo sa Kanya. Huwag lang nating kalimutang magdasal at higit sa lahat ang tumanggap ng Eukaristiya sa Banal na Misa at maglingkod sa kapwa ng buong puso nang walang hinihintay na kapalit.

Ang mundo man ay parang isang kweba na puno ng pagsubok at unos sa daraanan natin patungo sa Ama, mayroon pa ring liwanag mula sa Diyos na naghihintay sa atin. Tiyaga, lakas ng loob at tiwala lang sa kanya, at nang hindi tayo maligaw at maranasan ang “Total Darkness” sa ating buhay. – Mark Dim Paul P. Piguerra