ANG PANAWAGAN SA KABANALAN

Madalas na iniisip ng marami na ang kabanalan ay para lamang sa mga pari at mga relihiyoso at yaong iba ay hindi na obligadong magpakabanal. Sa maraming pagkakataon pa nga, nakakaranas ng pagkutya ang ilang mga ordinaryong mananampalataya kapag kinakikitaan sila ng mga gawaing maghahatid sa kanila sa kabanalan ng buhay katulad halimbawa ng palagiang pagsisimba, pagdarasal, pagninilay, at iba pang gawain; madalas silang nasasabihan na “baka lumampas na sa langit.” Ang kabanalan nga ba ay para lamang sa mga pari at mga relihiyoso?

ANG PANAWAGAN SA KABANALAN SA BANAL NA KASULATAN

Sa Banal na Kasulatan, makikita natin na ang panawagan sa pagpapakabanal ay panawagan sa lahat. Lahat ay tinatawag sa buhay na banal sapagkat ang Diyos na lumikha sa atin at sa lahat ng bagay ay Banal. Hindi miminsang binanggit ng Aklat ng Leviticus ang panawagan sa pagpapakabanal. “Panatilihin ninyong malinis ang inyong sarili, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal. Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging Diyos ninyo. Dapat kayong maging banal sapagkat ako’y banal” (Lev. 11:44-45). “Sabihin mo sa buong sambayanan ng Israel, ‘Magpakabanal kayo, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal” (Lev. 19:2). “Ilaan ninyo sa akin ang inyong sarili at magpakabanal kayo sapagkat akong si Yahweh ang inyong Diyos” (Lev. 20:7).

Ginamit ng mga ebanghelista ang salitang “ganap” bilang pagtukoy sa kabanalan. Sa pagtuturo ni Hesus tungkol sa pagmamahal sa kaaway ang huling panawagan niya ay “Kaya maging ganap kayo gaya ng inyong Ama na nasa langit” (Mt. 5:48). Sa panawagan sa buhay kabanalan, sinabi ni Apostol Pedro, “Dahil sa ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat ding kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, sapagkat nasusulat, ‘Magpakabanal kayo, sapagkat ako’y banal.’” (1 Pedro 1:16).

ANG PANAWAGAN SA KABANALAN SA MGA SULAT ENSIKLIKAL

Sa mga Sulat Ensiklikal ng Santo Papa, binibigyang pansin ang panawagan sa buhay kabanalan ng mga layko. Ayon sa Apostolic Exhortation “Christifidelis Laici, no. 16,” “Higit nating mauunawaan ang kabuuan ng dignidad ng mga layko kung bibigyang pansin natin ang pangunahin at pundamental na bokasyon na itinalaga ng Ama para sa bawat isa sa atin kaisa ni Hesukristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo: ang bokasyon sa kabanalan, ito ang kaganapan ng pagmamahal. Ang kabanalan ang pinakamataas na patunay ng dignidad na ipinagkakaloob sa mga tagasunod ni Kristo.”

“Ang bawat isang kasapi ng Simbahan ay tumatanggap at kabahagi sa pangkalahatang bokasyon sa kabanalan. Katulad at kapantay ng iba pang mga miyembro ng Simbahan, ang mga layko ay tinatawag sa kabanalan: “Ang lahat ng mga mananampalataya ni Kristo, anuman ang kanyang katatayuan o antas ay tinatawag sa kaganapan ng buhay kristiyano. Ang lahat ng mga tagasunod ni Kristo ay inaanyayahan at nararapat na magsumikap na makamtan ang kabanalan at ang kaganapan ng estado ng kanilang buhay.”

Ang panawagan sa buhay kabanalan ay nakaugat sa Sakramento ng Binyag at at pinapanibago sa iba pang mga Sakramento lalo’t higit sa Banal na Eukaristiya.. Dahil sa ang kristiyano ay dinamitan ng kasuotan ni Kristo at muling pinasigla sa kanyng Espiritu, sila ay “banal.” Dahil dito, mayroong silang kakayahan na ipahayag ang kabanalan at mayroong silang tungkulin na magbigay saksi sa kabanalan sa lahat ng kanilang mga gawain.