WA PAKILS…

Namiss ko ang presentation ng mga special children o SPED students ng Don Luis Hidalgo Memorial School, isa sa amin pangunahing bisita noon nakaraang Holy Childhood Association Diocesan Celebration. Tanging sa video ko na lang sila nakita, puno ng ngiting ginagawa ang kanilang pagsasayaw. Sabi ng mga naging saksi, WA-PAKILS daw ang pamagat ng kanilang sayaw, dahil walang pakialaman basta gumagalaw. Sa indak sa himig ng Gamnang Style na kanilang paborito, di alintana ang hiyawan ng mga tagapanood, basta alam nilang sila ay solve sa kanilang pag-indayog wapakils dahil masaya sila sa ginawang ito…

Naisip ko tuloy, buti pa sila buo ang loob na gawin ang lahat basta alam nilang sila ay masaya at nakapagpapasaya. Tayo kaya, malakas din ang loob? Wapakils din kaya tayo sa sasabihin ng iba, dahil sa mga ginagawa nating mga pagsusumikap na maging mga misyonero ni Kristo? O sadya tayong wala na rin pakialam sa hinihinging paglillingkod ng simbahan at ng Diyos sa atin bilang mga binyagang kristiyano?

Nasa panahon tayo ng paghahanda sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng kristiyanismo sa ating bansa, at partikular sa taong ito, nakatuon ang mga pagninilay para sa mga layko, sa lahat ng mga binyagan kristiyano, na bumubuo sa malaking bahagi ng simbahan. Itinuturo ng ating pananampalataya na kakabit ng pagiging kristiyano ang pagiging misyonero. At ang pinakatampok na gawain nito ay maging tagapagpahayag ng ebanghelyo, ayon sa bilin ni Hesus, “humayo kayo sa lahat ng panig ng mundo at binyagan nyo sila sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo. Marami sa ngayon ang kristiyano na lang sa pangalan,alalaong baga’y di na gaanong aktibo sa simbahan bagkus mga tagapanood na lamang sa kung ano ang daloy ng gawain nito. Kaya’t inaanyahan tayong muli na pagpanibaguhin ang ating sigla sa pananampalataya, at tunay na maging aktibong kasangkot sa lahat ng paggalaw at apostolado ng ating simbahan.

Ito ang hamon ng ating Santo Papa Franciso sa ating lahat sa kanyang liham na Evangelii Gaudium, ang dalhin palagian na may sigla at tapang ang pag-ibig ni Kristo sa ating kapwa sa diwa ng pagiging mga misyonero. Sa huling kabanata nito, tinukoy niya ang mga tagapagpahayag na puno ng Espirito Santo (Spirit-filled evangelizers) na buo ang loob at may aking tapang na isiwalat ang nanatiling bago at walang kupas na mensahe ng ebanghelyo sa lahat ng lugar at pagkakataon, subukin man ito panahon, ng mga taliwas na kaisipan at sakit. Taglay ng mga misyonerong ito ang diwa ng sayaw ng mga special children, wa pakils. Sila ang mga layko misyonero na nagdarasal at gumagawa. Ang gawain ng misyon ay tunay na pagpapakita ng pag-ibig at pagtatalaga ng sarili kay Kristo at sa sambayanang pinaglilikuran. Tunay na di alintana ng mga misyonero ang hirap at pagsubok, dahil ang tunay nilang inspirasyon ay ang kaligayahang nilang nadarama sa kaligayahang naidudulot nila sa iba. Hindi, hadlang ang mga nasa paligid, maging ang mga pagkabigo, dahil mulat din sila sa mga bagay na di nakikita ni nasusukat ng mga mata at pandama, dahil ang natatangi at nanatiling mahalaga ay ang commitment sa ginagawang misyon.

Di ko man napanood o nasaksihan ang mga ginawang palabas ng mga special children, alam ko buo ang kanilang loob, wa-pakils kung mayron man depekto sa kanilang pagkatao, pero naunawaan natin ang saya at kasiyahan dulot nito sa kanilang sarili at sa mga saksi. Sana ganito rin tayo bilang mga misyonero, wa pakils basta alam natin ang lahat at para kay Kristo.