Pasasalamat, Paalaala, Pagganyak, Pagkilala

Naging mabunga ang unang Pangdiyosesis na Pagpupulong ng Samahan ng Samahan noong ika-8 ng Pebrero 2014 na ginanap sa Pastoral Center, Boac, Marinduque at ito ay dinaluhan ng 12 kinatawan mula sa 14 na pamparokyang yunit ng Diyosesis sa pamumuno ng Spiritual Director, Msgr. Ramon Magdurulang at ang pandiyosesis na patnugutan. Unang tinalakay ang mga dapat gawin sa nananamlay na kasapi ng samahan at ang isa sa gagawin ay magpagawa ng ‘Tarpauline’ na nagpapaalaala sa mga kasapi at ito ay ilalagay sa 14 na parokya ng Diyosesis. Isa pang mungkahi na napagkasunduan ay magpadala ng mga sulat sa lahat ng mga kasapi aktibo man o hindi na magpasalamat sa mga tulong na ibinigay nila at pagpapaalaala rin o ‘reminder’ sa mga kasaping nakakalimutanang pangako nilang pledges o donasyon. Sa nasabing dalawang ‘option’ ay inaasahan na tataas na muli ang mga donasyon mula sa mga kasapi ng mga samahan. Nagpapasalamat din kami kina Mr. & Mrs. Joey Rejano at Mrs. Julieta Bayaua Macaranas na nagkaloob ng kanilang pledge mula sa Chicago, USA na nagkakaloob ng tig $100 ng umuwi sila ng Marinduque noong isang Linggo. Sila ay mga Honorary Members ng samahan. Sana ganon lahat ang kasapi na kahit hindi ito paalalahanan ay kusang loob na nagbibigay ng kanilang tulong pinansyal. Ang lahat po na binibigay ninyong kaloob at pledges ay para sa kapakanan ng kaparian ng Diyosesis.

Isa pang tinalakay sa pagpupulong ay ang unang hakbang upang makapagpatayo ng isang ‘Retreat House o Bahay Pari’ na titirhan ng mga pari na nagreretiro na o nagkakasakit. Napapanahon na dapat magkaroon ng isang matutuluyan ang mga pari na tumanda na sa kanilang bokasyon sapagkat kung natatandaan noong sila ay inordinahan binigay na sila ng kanilang kamag-anak sa simbahan. Kaya’t bilang pagtanaw ng utang na loob sa kanila dapat lang na tayong mga layko na bumubuo ng simbahan ang siyang mag-aaruga sa kanila. Napagkasunduan na bilang unang hakbang ay magsasagawa ng ‘fund raising’ sa pamamagitan ng raffle ticket at ito ay bobolahin sa kapistahan ni San Juan Ma,. Vianney sa Agosto na gagawin sa parokya ng Mahal na Birhen ng Lourdes sa Malibago. Inaasahan o na tatangkilikin ang hakbang na ito ng samahan sa pakikipag-ugnayan sa Boac Lingkod Pari Foundation lalo’t ngayon ay taon ng mga Layko.

Upang mapalalim lalo ang Maka Vianney na Esperituwalidad ng mga kasapi ay nagschedule din ng isang Recollection by clustering an gating samahan at ito ay uumpisahan sa buwan ng Huno 2014. Pinagsama ang Malibago at Buenavista, Gasan at Kawit, Poras, Balimbing at Immaculate Conception, Mogpog at Balanacan, Santa Cruz at Tapian, Matuya-tuya at Napo at solo ang Torrijos. Hindi na ito isinabay sa pang Mahal na Araw na recollection sa kadahilanang may mga programa din ng recollection ang bawat parokya kapag Mahal na Araw. Ang recollection ay may sangkap na tungkol sa mabuting katiwala ng Panginoon (Stewardship) at uunahing bigyan ang parokyang mahina.

Samantalang nagsisimula na ang paghahanda ng pamunuan sa Parokya ng Mahal na Birhen ng Lourdes sa ilalim ng kanilang Kura Paroko, Fr. Sherwin Apostol sa pandiyosesis na Selebrasyon ng Kapistahan ni San Juan Ma. Vianney na gaganapin sa unang Linggo ng Agosto 2014. Inaasahan naman na marami ang dadalo sa nasabing kapistahan.

Sa kasalukuyan as of Jan. 31, 2014 ang kabuuang bilang ng mga kasapi ay umaabot na sa 9,263 ayon kay Sis Feng Malelang at ang total cash balance as of Dec. 31, 2013 ay 4,646,274.17 at $ 1,500 ayon kay Sis. Beth Lambon.

Ang Family Day po ng ating samahan kasama ang mga pari at kanilang kamag-anak na dapat ginanap noong ika-30 ng Disyembre 2013 ay hindi na muna itinuloy bilang pakikiramay n gating Dioyesesis sa mga sinalanta ng Bagyong Yolanda sa Kabisayaan. Ganun pa man nagbigay na rin ng tig P 3,000.00 na Christmas Gift an gating samahan sa bawat Kaparian ng Diyosesis ng Boac.