Ika-82 Pandaigdigang Linggo ng Misyon
By Diocese of Boac • Oct 15th, 2008 • Category: Circular LettersLIHAM SIRKULAR BLG. 6
Serye 2008
Oktobre 8, 2008
Minamahal kong mga pari, mga madre, at mga lider layko ng ating diyosesis:
Pagbati ng kapayapaan!
Sa darating pong ika- 19 ng buwang kasalukuyan ay ipagdiriwang ng buong Simbahan ang ika-82 Pandaigdigang Linggo ng Misyon o 82nd World Mission Sunday. Ipinaaala-ala po sa ating lahat sa pagdiriwang na ito na may tungkulin tayo bilang mga Kristiyano na ipahayag ang Mabuting Balita. Ang sabi ng ating Santo Papa Benedicto XVI - “The missionary mandate continues to be an absolute priority for all baptized persons who are called to be ‘servants and apostles of Christ Jesus’ at the beginning of this millennium.”
Ang tungkulin nating magpalaganap ng ating pananampalataya ay pagtugon natin sa paanyaya sa atin ng Panginoong Hesus bago Siya umakyat sa langit.
“Kaya humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa ngalan ng Ama ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-uutos ko sa inyo. Tandaan ninyo: ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan.” (Mateo 28:19-20)
Dahil sa ipinag-utos na ito ng ating Panginoon, hindi pala pansarili lang natin ang ating pananampalatayang tinanggap. Ang isang Kristiyano pala ay masasabing hindi tunay na tagasunod ni Kristo kung hindi niya gagampanan ang kanyang misyon. Tama ang sinasabi ng dokumento ng Ikalawang Konsilyo Vatikano na … “the Church has an obligation to proclaim the faith and salvation which comes from Christ…”(Ad Gentes #5) at mula dito ay nagtakda ng mga dapat gawin ang ating Simbahan para sa bawat diyosesis:
Canon 791- “In order to foster missionary cooperation, in each diocese
- vocation to the mission are to be promoted;
- a priest is to be appointed to promote missionary initiatives, especially the ‘Pontifical Missionary Works’;
- a day for the missions is to be celebrated annually;
- each year an appropriate financial contribution for the missions is to be sent to the Holy See.”
Nananawagan po ako sa inyong lahat na patuloy nating ipagdasal na dumami pa lalo ang mga kabataan na magpapari at magmamadre na ipadadala ng Simbahan sa gawaing misyon. Mag-alay din po tayo ng mga sakripisyo para sa ikapagtatagumpay ng pagpapalaganap ng ating pananampalataya sa ibang mga bansa.
Nananawagan din po ako sa inyong lahat na magbigay tayo ng tulong pinansiyal sa mga gawaing misyon ng Simbahan. Binigyan po tayo ng ‘mission envelope’ at inaasahan ng Simbahan na may kabukasan ang loob tayong magbibigay ng ating makakayanan para sa pagpapalaganap pa lalo ng ating pananampalataya. Ang tototo po niyan ay taon-taon ay mas malaki pa ang ipinadadala sa ating diyosesis ng Santo Papa para suportahan tayo sa ating mga pangangailangan kaysa sa nalilikom nating koleksyon para sa misyon. Ang ilang halimbawa na tulong pinansiyal na ating natanggap mula sa Roma ay ang mga sumusunod:
- ang pondo na ipinagpatapos ng monasteryo ng ating mga mongha sa Bantauyan
- ang pondo na ipinadala para sa kumbento sa Parokya ni San Jose, Esposo ng Mahal na Birhen sa Gasan
- ang kasalukuyang ipinagagawang paaralan sa Parokya ng Sto. Nino sa Buenavista
- ang tulong pinansiyal para sa ginawang pagsasaayos ng kumbento sa Parokya ni San Isidro Labrador sa Mogpog
- ang tulong pinansiyal para mapasimulan ang pagpapagawa ng kumbento ng Inmaculada Concepcion sa Boac bago matapos ang taong ito
- ang taon-taon na tulong pinansiyal na ipinadadala sa atin para sa pagtuturo ng katesismo sa ating diyosesis sa ilalim ng Komisyon ng Paghuhubog (Commission on Formation).
Mahalaga po na madagdagan pa natin ang ating malilikom na pondo para sa misyon upang maipakita naman natin ang ating pagtanaw ng utang na loob sa buong Simbahan na nagmamalasakit para sa atin.
Harinawa’y ngayong Taon ni San Pablo, ang Apostol na nangaral sa mga Hentil at nag-alay ng kanyang buhay para sa ating pananampalataya ay makatugon tayo sa pagsuporta sa mga gawaing misyon ng Simbahan.
Pagpalain nawa kayo ng Diyos ngayon at magpakailanman!
Diocese of Boac is
Email this author | All posts by Diocese of Boac








